-
Lumaganap sa Maraming Bansa ang KristiyanismoMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 98
Lumaganap sa Maraming Bansa ang Kristiyanismo
Sinunod ng mga apostol ang utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. Noong 47 C.E., inatasan ng mga kapatid sa Antioquia sina Pablo at Bernabe na mangaral sa iba’t ibang lugar. Ang dalawang masigasig na mangangaral na ito ay naglakbay sa buong Asia Minor, sa mga lugar na gaya ng Derbe, Listra, at Iconio.
Sina Pablo at Bernabe ay nangaral sa lahat, mayaman o mahirap, bata o matanda. Marami ang tumanggap ng katotohanan tungkol kay Kristo. Nang mangaral sina Pablo at Bernabe kay Sergio Paulo, ang gobernador ng Ciprus, tinangka silang pigilan ng isang espiritista. Sinabi ni Pablo sa espiritista: ‘Si Jehova ay laban sa iyo.’ Biglang nabulag ang espiritista. Nang makita iyon ni Gobernador Paulo, naging mananampalataya siya.
Kung saan-saan nangaral sina Pablo at Bernabe—sa bahay-bahay, sa mga palengke, sa kalye, at sa mga sinagoga. Nang pagalingin nila ang isang lumpo sa Listra, inisip ng mga nakakita sa himalang iyon na sina Pablo at Bernabe ay mga diyos, at sinamba sila ng mga ito. Pero pinigilan sila nina Pablo at Bernabe, na sinasabi: ‘Ang Diyos lang ang dapat sambahin! Tao lang kami.’ Mayamaya, may dumating na mga Judio at siniraan si Pablo. Pinagbabato siya ng mga tao, kinaladkad palabas ng lunsod, at iniwan sa pag-aakalang patay na siya. Pero buháy pa si Pablo! Agad siyang tinulungan ng mga kapatid at dinala sa lunsod. Pagkaraan ng ilang panahon, bumalik si Pablo sa Antioquia.
Noong 49 C.E., naglakbay ulit si Pablo. Matapos bumalik para dalawin ang mga kapatid sa Asia Minor, ipinangaral niya ang mabuting balita sa mas malayong lugar, hanggang sa Europa. Pumunta siya sa Atenas, Efeso, Filipos, Tesalonica, at iba pang mga lugar. Isinama ni Pablo sa paglalakbay sina Silas, Lucas, at ang kabataang si Timoteo. Nagtulungan silang bumuo ng mga kongregasyon at pinalakas nila ang mga ito. Nanatili si Pablo sa Corinto nang isang taon at kalahati para palakasin ang mga kapatid doon. Nangaral siya, nagturo, at sumulat ng mga liham sa maraming kongregasyon. Nagtrabaho din siya bilang manggagawa ng tolda. Nang maglaon, bumalik si Pablo sa Antioquia.
Naglakbay ulit si Pablo noong 52 C.E. Ito ang ikatlong paglalakbay niya. Nagsimula siya sa Asia Minor hanggang sa Filipos sa hilaga, papunta sa Corinto sa timog. Nanatili si Pablo nang ilang taon sa Efeso, at habang nandoon, nagturo siya, nagpagaling ng maysakit, at tumulong sa kongregasyon. Araw-araw din siyang nagpapahayag sa isang awditoryum. Marami ang nakinig sa kaniya at nagbagong-buhay. Nang bandang huli, matapos ipangaral ang mabuting balita sa maraming lupain, pumunta si Pablo sa Jerusalem.
“Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.”—Mateo 28:19
-
-
Isang Guwardiya na Natuto ng KatotohananMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 99
Isang Guwardiya na Natuto ng Katotohanan
Sa Filipos, may isang aliping babae na may sapi ng demonyo. Dahil sa demonyo, nakakapanghula ang babae at kumikita ng maraming pera ang mga amo niya dahil sa kaniya. Pagdating nina Pablo at Silas sa Filipos, maraming araw na susunod-sunod sa kanila ang babae. Pinapasigaw siya ng demonyo: “Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos.” Nang bandang huli, sinabi ni Pablo sa demonyo: ‘Sa pangalan ni Jesus, lumabas ka sa kaniya!’ At lumabas ang demonyo mula sa babae.
Nagalit ang mga amo ng babae kasi hindi na nila ito mapagkakakitaan. Kinaladkad nila sina Pablo at Silas sa harap ng mga awtoridad, at sinabi: ‘Nilalabag ng mga taong ito ang batas at ginugulo nila ang buong lunsod!’ Iniutos ng mga awtoridad na paghahampasin sina Pablo at Silas at ikulong. Dinala sila ng guwardiya sa pinakailalim at pinakamadilim na selda sa bilangguan at inipit ang kanilang mga kamay at paa sa pangawan.
Sina Pablo at Silas ay kumanta ng mga papuri kay Jehova, at naririnig sila ng ibang bilanggo. Noong mga hatinggabi na, biglang lumindol nang napakalakas at nayanig ang buong bilangguan. Nabuksan ang mga pinto ng bilangguan, at nakalag ang kadena ng mga bilanggo. Tumakbo ang guwardiya papunta sa loob ng bilangguan at nakita niyang bukás ang mga pinto nito. Inisip niyang nakatakas ang lahat ng bilanggo, kaya humugot siya ng espada para magpakamatay.
Nang sandaling iyon, sumigaw si Pablo: ‘Huwag mong gawin iyan! Nandito kaming lahat!’ Pumasok sa loob ang guwardiya at sumubsob sa harap nina Pablo at Silas. Nagtanong siya: “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” Sinabi nila: ‘Ikaw at ang iyong pamilya ay dapat maniwala kay Jesus.’ Itinuro nina Pablo at Silas sa kanila ang salita ni Jehova, at ang guwardiya at ang buong pamilya nito ay nabautismuhan.
“Aarestuhin kayo ng mga tao at pag-uusigin kayo; dadalhin nila kayo sa mga sinagoga at bilangguan. Dadalhin nila kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pangalan ko. Sa ganitong paraan, makapagpapatotoo kayo sa mga tao.”—Lucas 21:12, 13
-
-
Sina Pablo at TimoteoMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 100
Sina Pablo at Timoteo
Si Timoteo ay isang kabataang Kristiyano sa kongregasyon sa Listra. Griego ang tatay niya, at Judio naman ang kaniyang nanay. Mula pagkabata, si Timoteo ay tinuruan ng kaniyang nanay na si Eunice at lolang si Loida tungkol kay Jehova.
Nang dumalaw si Pablo sa Listra noong ikalawang paglalakbay niya para mangaral, napansin niyang mapagmahal at matulungin si Timoteo sa mga kapatid. Niyaya ni Pablo si Timoteo na sumama sa paglalakbay. Paglipas ng mga taon, naging mahusay na mangangaral at tagapagturo ng mabuting balita si Timoteo dahil sa pagsasanay ni Pablo.
Ginabayan ng banal na espiritu sina Pablo at Timoteo saanman sila pumunta. Isang gabi, sa pangitain, sinabi ng isang lalaki kay Pablo na pumunta sa Macedonia para tulungan sila. Kaya pumunta doon sina Pablo, Timoteo, Silas, at Lucas para mangaral at bumuo ng mga kongregasyon.
Sa lunsod ng Tesalonica sa Macedonia, maraming lalaki at babae ang naging Kristiyano. Pero may mga Judio na nainggit kay Pablo at sa mga kasama niya. Nagtawag sila ng mga tao para hulihin at kaladkarin ang mga kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod, at isinigaw nila: ‘Ang mga ito ay kalaban ng gobyerno ng Roma!’ Nanganib ang buhay nina Pablo at Timoteo, kaya kinagabihan, tumakas sila papunta sa Berea.
Nakinig ang mga taga-Berea sa mabuting balita, at naging Kristiyano ang mga Griego at Judiong tagaroon. Pero may mga Judiong taga-Tesalonica na nagpunta doon para manggulo, kaya umalis si Pablo at pumunta sa Atenas. Naiwan sa Berea sina Timoteo at Silas para palakasin ang mga kapatid. Nang maglaon, pinabalik ni Pablo si Timoteo sa Tesalonica para tulungan ang mga kapatid na harapin ang matinding pag-uusig doon. Pagkatapos, ipinadala ni Pablo si Timoteo sa iba pang kongregasyon para patibayin ang mga kapatid.
Sinabi ni Pablo kay Timoteo: ‘Ang mga gustong maglingkod kay Jehova ay pag-uusigin.’ Inusig at ikinulong si Timoteo dahil sa pananampalataya niya. Pero masaya siya dahil nagkaroon siya ng pagkakataong patunayan ang katapatan niya kay Jehova.
Sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos: ‘Papupuntahin ko si Timoteo sa inyo. Tuturuan niya kayong lumakad sa katotohanan, at sasanayin niya kayo sa ministeryo.’ Alam ni Pablo na maaasahan si Timoteo. Sa loob ng maraming taon, nagtulungan sila bilang magkaibigan at magkapatid sa pananampalataya.
“Wala na akong ibang maisusugo na may saloobing gaya ng sa kaniya, na talagang magmamalasakit sa inyo. Dahil inuuna ng lahat ng iba pa ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Kristo.”—Filipos 2:20, 21
-
-
Dinala si Pablo sa RomaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 101
Dinala si Pablo sa Roma
Ang ikatlong paglalakbay ni Pablo para mangaral ay natapos sa Jerusalem. Doon siya inaresto at ikinulong. Isang gabi, sinabi ni Jesus sa kaniya sa isang pangitain: ‘Pupunta ka sa Roma at mangangaral doon.’ Mula sa Jerusalem, dinala si Pablo sa Cesarea, kung saan siya nakulong nang dalawang taon. Nang litisin siya sa harap ni Gobernador Festo, sinabi ni Pablo: ‘Umaapela ako kay Cesar, sa Roma.’ Sinabi ni Festo: “Kay Cesar ka umapela, kay Cesar ka pupunta.” Isinakay si Pablo sa barko na papuntang Roma, at sinamahan siya ng dalawang kapatid na Kristiyano, sina Lucas at Aristarco.
Habang nasa dagat, inabutan sila ng napakalakas na bagyo, na nagtagal nang maraming araw. Akala ng lahat ng nakasakay, mamamatay na sila. Pero sinabi ni Pablo: ‘Sinabi sa akin ng anghel sa panaginip: “Huwag kang matakot, Pablo. Makakarating ka sa Roma, at ang lahat ng kasama mo sa barko ay maliligtas.” Lakasan n’yo ang loob n’yo! Hindi tayo mamamatay.’
Tumagal nang 14 na araw ang bagyo. Sa wakas, may nakita silang isla. Iyon ang isla ng Malta. Sumadsad doon ang barko at nawasak, pero lahat ng 276 na sakay ng barko ay nakarating nang ligtas sa isla. Lumangoy ang ilan at ang iba ay kumapit sa mga piraso ng kahoy ng barko at nagpalutang hanggang makarating sa pampang. Tinulungan sila ng mga taga-Malta at nagpaningas ng apoy ang mga ito para mainitan sila.
Pagkaraan ng tatlong buwan, dinala ng mga sundalo si Pablo sa Roma sakay ng ibang barko. Pagdating niya doon, sinalubong siya ng mga kapatid. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya kay Jehova at lumakas ang loob niya. Kahit isang bilanggo si Pablo, pinayagan siyang tumira sa isang inuupahang bahay, pero may sundalong nakabantay sa kaniya. Dalawang taon siya doon. Pinupuntahan siya ng mga tao, kaya ipinapangaral niya sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at tinuturuan sila tungkol kay Jesus. Sumulat din si Pablo ng mga liham para sa mga kongregasyon sa Asia Minor at Judea. Lubusang ginamit ni Jehova si Pablo para ipangaral ang mabuting balita sa mga bansa.
“Sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang sarili namin bilang mga lingkod ng Diyos, dahil sa tiniis naming maraming pagsubok, mga kapighatian, mga kagipitan, mga problema.”—2 Corinto 6:4
-