Kapag ang Pagtahimik ay Nangangahulugan ng Pagsang-ayon
ANG aklat na Betrayal—German Churches and the Holocaust ay tapatang tumatalakay sa papel ng relihiyon sa Nazismo. “Ang pagsuporta sa rehimen ay karaniwan sa gitna ng mga Kristiyano,” ang pahayag ng aklat, “at ang malaking karamihan ay nabigong magbangon ng anumang pagtutol sa pag-uusig sa mga Judio. Ang pagtahimik, sa kasong ito, ay nagpapahiwatig ng malakas na [pagsang-ayon].”
Ano ang nakaakit sa nag-aangking mga Kristiyano sa Nazismo? Marami, ang paliwanag ng aklat, ang narahuyo sa “pamamaraang batas-at-kaayusan sa lipunang Aleman” ni Hitler. Sinasabi nito: “Sinasalansang niya ang pornograpya, prostitusyon, aborsiyon, homoseksuwalidad, at ang ‘kalaswaan’ sa makabagong sining, at ginantimpalaan niya ng tanso, pilak, at gintong mga medalya ang mga babae na nakapagluwal ng apat, anim at walong anak, sa gayo’y pinatitibay-loob sila na manatili sa kanilang tradisyunal na papel sa tahanan. Ang pang-akit na ito sa tradisyunal na mga pamantayan, kalakip na ang militaristikong nasyonalismo na inialok ni Hitler bilang tugon sa naidulot na pambansang kahihiyan ng Tratado ng Versailles, ay nagpangyari sa Nazismo na maging isang kaakit-akit na mapagpipilian sa marami, maging ng karamihan, sa mga Kristiyano sa Alemanya.”
Isang grupo ang kitang-kitang naiiba. “Ang mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng Betrayal, “ay tumangging makibahagi sa karahasan o sa paggamit ng lakas militar.” Tiyak, ito’y nagbunga ng mabangis na pagsalakay sa maliit na grupong ito, at marami sa mga miyembro nito ang itinapon sa mga kampong piitan. Gayunman, ang iba na nag-angking mga tagasunod ni Kristo ay hindi nagprotesta. Ang aklat ay nagpatuloy sa pagsasabi: “Ang mga Katoliko at mga Protestante sa pangkalahatan ay higit na nagpakita ng pakikipag-alit sa halip na simpatiya para sa mga Saksi ni Jehova, at mas nakiisa sila sa malupit na mga pamantayan ni Hitler kaysa sa makiisa sa matinding pagtanggi ng mga Saksi sa pakikipag-alit.” Ang kanilang pagtahimik ay walang alinlangang nakaragdag sa pagmamalupit sa mga Saksi sa ilalim ng rehimeng Nazi.
Samantalang patuloy na pinagmumulan ng mainitang pagtatalu-talo ang pagkakasangkot ng mga simbahan sa pulitika ng Nazi, tinawag ng Betrayal ang mga Saksi ni Jehova na “isang relihiyosong grupo na tumangging sumang-ayon o makipagsabuwatan sa rehimen.”