Ano ba ang Maaaring Maging Problema?
HINDI makatuwirang asahan na walang magiging problema sa pag-aasawa. Kahit pa nga ang mga mag-asawang bagay na bagay sa isa’t isa ay hindi rin nagkakasundo kung minsan. Kaya talagang magkakaroon ng problema sa paanuman. Kung paanong puwedeng kalawangin ang isang metal kahit pa may pintura ito, maraming bagay ang posibleng magpahina sa pagsasama ng mag-asawa kahit pa maganda ang pasimula nito. Para maunawaan kung ano ang puwedeng gawin upang maging matagumpay ang pag-aasawa, tingnan muna natin ang ilang bagay na maaaring maging sanhi ng problema.
Panahon ng Matinding Kaigtingan
Inihula ng Bibliya na maraming tao sa ating panahon ang magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, . . . mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:2-4) Dahil sa mga ugaling ito, lalong lumalala ang mga di-pagkakaunawaan, at nagiging mas madalas ang padalus-dalos na pananalita na napakakaraniwan sa di-sakdal na mga tao.
“Nakalilitong panahon ito sa kasaysayan ng tao para mag-asawa,” ang sabi ng isang mananaliksik. “Sa isang panig . . . , napakaraming makukuhang impormasyon kung paano mapatitibay ang ating pag-aasawa . . . Sa kabilang panig naman, napapaharap tayo sa napakaraming problemang panlipunan at pangkabuhayan na nagpapahirap sa atin na magkaroon ng maligayang pag-aasawa.”
Di-makatotohanang mga Inaasahan
“Ang di-makatotohanang mga inaasahan,” ang paliwanag ng isang terapist sa pag-aasawa, “ang isa sa pinakamabigat na dahilan ng kawalang-kasiyahan sa pag-aasawa.” Nakadarama ng kabiguan ang maraming may asawa kapag nalaman nilang ang pag-aasawa pala ay hindi gaya ng inaasahan nila at na ang pagkatao ng kanilang napangasawa ay hindi gaya ng inaakala nila. Gayon na lamang ang nadarama nilang kabiguan dahil sa mga kahinaan ng kanilang asawa na ngayon lang nila nakita o sa mga pagkukulang nito na akala nila noon ay mapalalampas naman nila.
Gayunman, tuwirang sinasabi ng Bibliya na “may problema ang buhay may-asawa.” (1 Corinto 7:28, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Bakit? Ang isang dahilan ay sapagkat ang ugnayan sa pagitan ng dalawang di-sakdal na tao ay magsisiwalat sa malao’t madali ng mga kahinaan ng bawat isa.
Bukod diyan, hindi nagiging makatuwiran ang inaasahan ng maraming tao dahil gusto nilang maging maligaya ang kanilang pag-aasawa pero hindi naman sila nagsisikap para mangyari ito. Palibhasa’y iniisip nilang puro kaligayahan na lamang ang pag-aasawa, hindi na nila pinag-isipan ang kaakibat na responsibilidad at pagsisikap na kailangan upang magkaroon ng maligayang pag-aasawa. Kapag nagising na sila sa realidad na ang pag-aasawa ay hindi gaya ng inaasahan nila, malamang na makadama sila ng pagkasiphayo at kalituhan. Kadalasan na, miyentras mas mataas ang inaasahan nila sa pag-aasawa, mas matindi ang magiging kabiguan nila kapag nagising na sila sa katotohanan.
Problema sa Komunikasyon
Anu-anong pagkakamali sa komunikasyon ang dapat iwasan upang magkaroon ng matibay na ugnayan ang mag-asawa? Bagaman nag-uusap ang ilang mag-asawa, baka kadalasan naman ay hindi nila iniintindi ang sinasabi ng kanilang kabiyak at hindi nila sinasabi ang kanilang tunay na nadarama. Ang dating magiliw at malambing na pag-uusap ay nagiging malamig at maikli na lamang. Ang makabuluhan at malayang pag-uusap ay natatabunan ng walang-puknat na pagtatalo sa kahit anong bagay. Maaaring mauwi sa away ang di-pagkakaunawaan; ang masasakit na salita ng isa ay maaaring ipagsawalang-kibo naman ng kaniyang asawa.
Nakalulungkot, maraming may asawa ang hindi nakakapansin sa mabubuting ginagawa ng kanilang asawa o napapansin man nila ito pero hindi naman sila nagpapakita ng pagpapahalaga rito. Karagdagan pa, dahil kadalasan nang parehong nagtatrabaho ang mag-asawa sa ngayon, nagagalit ang maraming asawang babae dahil sila pa rin ang gumagawa ng karamihan sa mga gawaing-bahay kahit may sekular na trabaho sila. Isa pa, pakiramdam ng maraming asawang babae, binabale-wala ang kanilang emosyonal na mga pangangailangan.
Ano ang maaari mong gawin upang magkaroon ng matagumpay na pag-aasawa? Isaalang-alang ang sumusunod na praktikal na mga payo mula sa Bibliya.
[Blurb sa pahina 4]
Hindi iniintindi ng ilang mag-asawa ang sinasabi ng kanilang kabiyak at hindi nila sinasabi ang kanilang tunay na nadarama
[Blurb sa pahina 5]
Gusto ng marami na maging maligaya ang kanilang pag-aasawa pero hindi naman sila nagsisikap para mangyari ito