Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g04 8/8 p. 21-23
  • Malalaking Pagbabago sa Lupain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malalaking Pagbabago sa Lupain
  • Gumising!—2004
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Opencut na Pagmimina ng Lignite
  • Pagpapababà ng Tubig sa Ilalim ng Lupa
  • Nabubuo ang Isang Bagong Tanawin
  • Paglipat ng Tirahan at Isang Bagong Pasimula
  • Mina, Pagmimina
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Karbon—Itim na mga Bato Mula sa Madilim na Hukay
    Gumising!—2005
  • Karbón—Isa Pa Ring Mainit na Isyu
    Gumising!—1985
  • Ang Pinakamalaking Gawang-Taong Hukay sa Daigdig
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2004
g04 8/8 p. 21-23

Malalaking Pagbabago sa Lupain

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA

“HALOS madurog ang puso ng asawa ko nang iwan namin ang aming tahanan,” ang sabi ni Dieter. “Si Michaela, ang 11-taóng-gulang na anak naming babae, ay nalungkot din nang husto. Subalit wala kaming magagawa.” Sinabi ba ito ng isang pamilyang lumikas upang tumakas mula sa isang lugar na may digmaan? Hindi, nakatira ang pamilyang ito sa isa sa mga minahang rehiyon ng Alemanya.

Sa nakalipas na 55 taon, naranasan din ng mga 33,000 katao sa Rhineland ng Alemanya ang nangyari kay Dieter at sa kaniyang pamilya. Inilipat sila ng tirahan upang bigyang-daan ang opencut na pagmimina ng lignite, o kayumangging karbon. Sa Alemanya pa lamang, mga 180 milyong tonelada ng lignite ang minimina sa mga minahang opencut taun-taon dahil sa lumalaking pangangailangan ng industriya sa enerhiya. Katumbas ito ng 25 ulit ng tinatayang bigat ng Cheops Pyramid sa Ehipto.

Ano ang epekto nito sa lupain at sa mga taong naninirahan dito? Ganito ang sabi ng Brockhaus Enzyklopädie: “Nasasangkot sa malakihang opencut na pagmimina ang malawakang paglilipat ng tirahan at kapansin-pansing mga pagbabago.”a Isaalang-alang natin ang opencut na pagmimina sa Rhineland at ang mga taong naapektuhan nito.

Opencut na Pagmimina ng Lignite

Ang lugar sa pagitan ng Cologne at Aachen sa pinakadulong bahagi ng Ilog Rhine ang pinakamalaking rehiyon sa Europa na may lignite. Ang lugar na ito ay halos kasinlaki ng Grand Duchy ng Luxembourg o ng Yosemite National Park sa California, E.U.A. Masusumpungan ang lignite sa ilalim ng lupa, na natatabunan ng mga suson ng graba, buhangin, o luwad, na kailangan munang kayurin.

Upang mahukay ang lignite, kinakayod ng mga bucket-wheel excavator ang pang-ibabaw na mga materyales. Isa sa gayong makinang panghukay ang nakapag-aalis bawat araw ng sapat na pang-ibabaw na mga materyales na makapupuno ng 16,000 semitrailer. Upang hindi gumuho ang mga dalisdis habang palalim nang palalim ang paghukay sa mina, ginagamit ang mga makina upang gumawa ng mga terasa, o mga baitang. Tingnan mo sa larawang nasa itaas ang mga bucket-wheel excavator na ginagamit sa bawat baitang ng minahan habang hinuhukay ito. Ang mga ito ang ilan sa pinakamalalaking makina sa daigdig. Ang mga ito ay may taas na 95 metro at halos doble ng taas ng Statue of Liberty sa New York.

Matapos kayurin ang pang-ibabaw na mga materyales sa pamamagitan ng makinang panghukay, ang mga ito ay inililipat sa ibang lugar sa pamamagitan ng conveyor. Sikaping gunigunihin ang dami ng materyales na kailangang hakutin. Sa bawat metro kubiko ng nahukay na karbon sa Rhineland ng Alemanya, mahigit 4.6 metro kubiko ng pang-ibabaw na materyales ang kailangang alisin. Mabilis na hinahakot ng mga conveyor ang materyales; mahihirapan tayong sabayan ang bilis nito, kahit na magbisikleta pa tayo. Nagtatagpo sa iisang lugar ang dulo ng mga conveyor. Mula rito, ang iba’t ibang materyales ay hinahakot patungo sa mga imbakan ng karbon, isinasakay sa mga bagon ng tren, at dinadala sa mga planta ng kuryente o ibinubunton sa mga tambakan. Ang karamihan sa mga lignite ay dinadala sa mga planta ng kuryente upang gawing enerhiya.

Hangga’t maaari, ang pang-ibabaw na mga materyales ay ginagamit upang tabunan ang mga lugar na nakuhanan na ng lignite. Ang mga makinang nagtatabon ay tinatawag na mga spreader. Itinatabon ng mga ito ang lupa sa minahan, nang susun-suson, hanggang sa mapuno ang hukay. Ang anumang natirang pang-ibabaw na materyales ay inilalagay sa mga tambakan sa ibang lugar. Ang mga ito ay mga bunton na maaaring tumaas nang hanggang 200 metro. Ang pagtatambak ng mga bunton na ito ng pang-ibabaw na mga materyales sa karatig na mga lupain at ang paggamit dito sa kapaki-pakinabang na paraan sa larangan ng agrikultura at pangangalaga sa kagubatan ay naghaharap ng malaking hamon sa mga landscaper.

Pagpapababà ng Tubig sa Ilalim ng Lupa

Tiyak na may malaking epekto ang opencut na pagmimina sa lupain at sa likas na mga siklo. Upang mapanatiling tuyo ang mga minahang opencut, ang tubig sa ilalim ng lupa ay pinaaabot sa antas na mababa pa sa pinakamalalim na bahagi ng minahan. Ang dami ng tubig na binobomba mula sa Alemanya bawat taon ay makasasapat sa pangangailangan ng mga residente sa pinakamalaking lunsod sa Alemanya, ang Berlin, sa loob ng tatlo’t kalahating taon. Nababahala ang mga dalubhasa sa kapaligiran sa pag-aalis ng napakaraming tubig, anupat lalo nang nababahala para sa kalapit na Maas-Schwalm-Nette Nature Park, na nasa hanggahan ng Alemanya at ng Netherlands. Ang parkeng ito ay isang likas na latian, na naglalaan ng tirahan sa maraming halaman at ibon.

Tiniyak ng mga nangangasiwa sa minahang opencut na walang dahilan upang mabahala. Upang mapalitan ang tubig na binobomba kapag nagmimina, ibinabalik ang tubig sa lupa na di-kalayuan sa minahan. Sa isang antas, ginagawa ito sa pamamagitan ng mga seepage well (malalalim na balon kung saan ibinobomba ang tubig na nagmumula sa minahan). Sa ganitong paraan, inaasahan na hindi matutuyo ang rehiyon.

Nabubuo ang Isang Bagong Tanawin

Ang lupa ay sumasailalim sa patuloy na pagbabago. Mga 25,000 milyong tonelada ng burak ang inaanod patungo sa karagatan taun-taon nang hindi man lamang natin napapansin. Gayunman, higit na kapansin-pansin ang mga pagbabago sa tanawin para sa isang tao na nakatayo sa gilid ng isang minahang opencut. Nabubuo rito ang isang bagong tanawin. Paano ito nakaaapekto sa lugar ng Rhineland na may lignite?

Sa lugar sa pagitan ng Cologne at Aachen, ang mga lugar na dating pinagminahan ay ibinalik sa mabuting kalagayan at ginawang sakahán, kagubatan, at mga parke. Karagdagan pa, inilihis ang mga daanang-tubig, gaya ng ginawa sa mga kalsada at riles. Ganito ang paliwanag ng Lignite Mining in the Rhineland: “Ang [pagpapanauli] ay hindi isang pagtatangkang gayahin ang kalikasan. Panimulang tulong lamang ang mailalaan ng tao. Ang pinakamalaking gawain ay isinasagawa ng kalikasan mismo.” Sa kasalukuyan, mahigit na 65 porsiyento ng naapektuhang lupain ang muli nang nagagamit at ang pinakamalaking bahagi nito ay ginawang sakahán. Sa layuning iyan, ang nahukay na lupa at bato na tinatagos ng tubig ay tinatambakan ng matabang pang-ibabaw na lupa sa pantay na paraan hangga’t maaari na may lalim na dalawang metro. Sa loob ng ilang taon, nilinang ng mga sakahang pag-aari ng kompanya ang lugar, at pagkatapos nito, ang lupa ay ipinagamit sa anumang agrikultural na gawain.

Isang maliit na bahagi ng bagong kagubatan at artipisyal na lawa ang naging mga lugar ng konserbasyon na protektado ng batas. Ginawang tirahan ng ilang nanganganib malipol na uri ng mga halaman at hayop ang napanauling mga lugar. Ang magandang paruparo na tinatawag na poplar admiral at ang mga ibong gaya ng great reed warbler ay dalawa lamang sa mga ito. Karagdagan pa, tumutubo rito ang mga halamang gaya ng karaniwang bladderwort at military orchid. Natuklasan ng mga naninirahan sa mga lunsod ng Cologne at Bonn na ang dating mga minahang opencut ay isang lugar na mapupuntahan nila upang magpahinga at magrelaks.

Paglipat ng Tirahan at Isang Bagong Pasimula

Ang isa sa pinakamapanghamong gawain na nauugnay sa opencut na pagmimina ay ang paglipat ng tirahan ng mga taong nakatira sa lugar mismo na may lignite. Buong mga pamayanan ang kailangang ilipat bago pasimulan ang pagmimina.

Seryosong pagpaplano ang kinakailangan sa paglipat ng tirahan, na pinasisimulan mga 10 hanggang 15 taon bago umpisahan ang pagmimina. Sinisikap na mapanatiling magkakasama ang mga komunidad sa isang nayon kapag inilipat sila sa bagong lokasyon. Ipinakikita ng karanasan na nais ng halos kalahati ng mga taong naapektuhan na manirahang kasama ng dati nilang mga kapitbahay sa kanilang komunidad, samantalang ipinalalagay naman ng iba ang paglipat bilang pagkakataon upang gumawa ng bagong pasimula sa ibang lugar. Binibigyan ng kompensasyon ang mga taong napilitang lumipat, subalit imposibleng presyuhan ang ilang bagay. Bilang halimbawa, paano babayaran sa iyo ang nawalang kahanga-hangang tanawin na dati mong namamasdan sa bintana ng iyong salas o ang tinatamasa mong malapít na kaugnayan sa iyong mga kapitbahay? Baka naiiba ang lahat ng bagay sa iyong bagong kapaligiran.

Ang paglipat ng tirahan ay hindi lamang basta paglipat ng bahay; habambuhay na binabago ng pagmimina ang kapaligiran. Wala nang pagkakataon ang mga magulang na ipakita sa kanilang mga anak kung saan sila nagsilaki at kung saan sila nag-aral. Habambuhay nang maglalaho ang lugar na kinalakhan ng isa. Paano napagtatagumpayan ng mga tao ang gayong kalagayan? Tinanong ng Gumising! ang ilan sa kanila.

Nakatira si Friedhelm sa isang nayon na malapit nang ilipat ng lugar. Ang pagtatayo ng bagong bahay​—para sa kaniya, sa ikalawang pagkakataon​—​ay hindi kasiya-siyang posibilidad. “Natuto kami ng maraming kapaki-pakinabang na mga aral nang itayo namin ang aming unang bahay,” ang sabi ni Inge, ang kaniyang maybahay, “subalit wala na kaming lakas upang gawin itong muli.” Ang pagtatayo ng bagong bahay, na maaaring nagsasangkot ng pagtira sa lugar ng konstruksiyon sa loob ng ilang taon, ay naghaharap ng malaking hamon.

Iniisip nina Werner at Margarethe na maraming tao ang nakikinabang sa materyal na paraan dahil sa paglipat. Subalit higit na naaapektuhan sa negatibong paraan ang ilang grupo​—gaya ng mga may-edad na, magbubukid, at negosyante. Para sa ilang tao na may sariling negosyo, totoong napakagastos ng pagsisimulang muli sa isang bagong lokasyon. Isang magsasaka na lumipat ng tirahan at nangangasiwa sa kaniyang bagong bukirin sa napanauling lupain sa loob ng mahigit 20 taon na, ang nagsabi na sa palagay niya, kasiya-siya naman ang naging resulta ng mga bagay-bagay. Ang saloobin niya ay, “Gawin ang pinakamabuti sa gayong kalagayan, tutal wala namang magagawa pa para baguhin ito.”

Totoong-totoo nga iyan! Sa kalaunan, si Dieter at ang kaniyang pamilya, na binanggit sa umpisa, ay nasanay na rin sa kanilang bagong tahanan. Tatlo lamang sila sa maraming tao na makapagsasalita mula sa kanilang karanasan na ang opencut na pagmimina ay nagdudulot ng malalaking pagbabago sa lupain at sa mga naninirahan dito.

[Talababa]

a Ang usapin hinggil sa opencut na pagmimina at sa epekto nito sa kapaligiran ay pinagtatalunan sa ilang lugar. Neutral ang paninindigan ng Gumising! hinggil sa mga usaping iyon.

[Larawan sa pahina 21]

Isang “bucket-wheel excavator” na nagmimina ng “lignite”

[Credit Line]

Rheinbraun AG

[Mga larawan sa pahina 23]

“Spreader” na nagtatambak ng matabang lupa sa minahan

Dating “opencut” na minahan na ginawang isang magandang tanawin

[Credit Line]

Lahat ng larawan: Rheinbraun AG

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share