-
Miserableng Magkapatid na “Nagtayo ng Sambahayan ni Israel”Ang Bantayan—2007 | Oktubre 1
-
-
Magkakaanak Pa Kaya si Raquel?
Noon, ang pagkabaog ay itinuturing na isang sumpa. Ipinangako ng Diyos kay Abraham, Isaac, at Jacob na sa kanilang pamilya magmumula ang “binhi” at sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng lahat ng pamilya ang kanilang sarili. (Genesis 26:4; 28:14) Ngunit wala pa ring anak si Raquel. Ikinatuwiran ni Jacob na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay kay Raquel ng anak na lalaki, nang sa gayo’y magkaroon ito ng papel sa pagpapalang iyon. Pero hindi makapaghintay si Raquel. “Narito ang aking aliping babae na si Bilha,” ang sabi niya. “Sipingan mo siya, upang makapagsilang siya sa ibabaw ng aking mga tuhod at upang ako, ako naman, ay magkaroon ng mga anak mula sa kaniya.”—Genesis 30:2, 3.
Maaaring mahirap para sa atin na unawain ang ginawa ni Raquel. Gayunman, ayon sa natuklasang mga sinaunang kontrata sa pag-aasawa sa Gitnang Silangan, kaugalian nila noon na kapag baog ang asawang babae, nagbibigay ito ng aliping babae sa kaniyang asawa para magkaroon ng tagapagmana.a (Genesis 16:1-3) Sa gayon, sa ilang kaso, ituturing na mga anak ng asawang babae ang mga anak ng aliping babae.
Nang magsilang si Bilha ng isang lalaki, tuwang-tuwa si Raquel. Sinabi niya: “Ang Diyos ay gumanap bilang aking hukom at nakinig din sa aking tinig, anupat binigyan niya ako ng anak.” Dan ang ipinangalan niya rito, na ang ibig sabihin ay “Hukom.” Ipinanalangin din niya ang kaniyang mahirap na kalagayan. Nang ipanganak ni Bilha ang kaniyang ikalawang anak, si Neptali, na nangangahulugang “Mga Pakikipagbuno Ko,” sinabi ni Raquel: “Sa pamamagitan ng puspusang mga pakikipagbuno ay nakipagbuno ako sa aking kapatid. Ako rin naman ay nagwagi!” Inilalarawan ng mga pangalang ito ang iringan sa pagitan ni Lea at ni Raquel.—Genesis 30:5-8.
Siguro ay inakala ni Raquel na kumikilos siya kasuwato ng kaniyang mga panalangin nang ibigay niya si Bilha kay Jacob, pero hindi sa ganitong paraan siya bibigyan ng Diyos ng mga anak. May matututuhan tayo mula rito. Hindi tayo dapat mainip kapag nagsusumamo tayo kay Jehova. Sinasagot niya ang ating mga panalangin sa paraan at panahon na hindi natin inaasahan.
-
-
Miserableng Magkapatid na “Nagtayo ng Sambahayan ni Israel”Ang Bantayan—2007 | Oktubre 1
-
-
a Ganito ang mababasa sa isang kontrata sa pag-aasawa na nakuha mula sa Nuzi, Iraq: “Si Kelim-ninu ay ikinasal kay Shennima. . . . Kung hindi [magkakaanak] si Kelim-ninu, kukuha si Kelim-ninu ng isang babae [isang aliping babae] mula sa lupain ng Lullu bilang asawa para kay Shennima.”
-