-
JudaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Nakahihigit sa Kaniyang mga Kapatid. Dahil sa pagkabahala niya sa kaniyang matanda nang ama at sa kaniyang kapuri-puring pagsisikap na maingatan ang kalayaan ni Benjamin kapalit ng sa kaniya, pinatunayan ni Juda na nakahihigit siya sa kaniyang mga kapatid. (1Cr 5:2) Hindi na siya ang Juda na nakibahagi noong kaniyang kabataan sa pandarambong sa mga Sikemita at nakipagsabuwatan laban sa kaniyang kapatid sa ama na si Jose at pagkatapos ay nanlinlang sa kaniya mismong ama. Ang kaniyang maiinam na katangian sa pangunguna ang nagpaging karapat-dapat kay Juda, bilang isa sa mga ulo ng 12 tribo ng Israel, na tumanggap ng nakahihigit na makahulang pagpapala mula sa kaniyang ama noong mamamatay na ito. (Gen 49:8-12) Ang katuparan nito ay tinatalakay sa sumusunod na mga parapo.
-
-
JudaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Maagang Patotoo ng Kaniyang Pangunguna. Ayon sa makahulang pagpapala ni Jacob, isang prominenteng papel ang gagampanan ni Juda (Gen 49:8; ihambing ang 1Cr 5:2), at ang katuparan nito ay ipinakikita maging ng maagang kasaysayan ng kaniyang tribo. Sa ilalim ng pangunguna ng pinuno nito na si Nason, pinangunahan ng Juda ang paghayo sa ilang. (Bil 2:3-9; 10:12-14) Nagmula rin sa tribong ito si Caleb, ang isa sa dalawang tapat na tiktik na nagkapribilehiyong muling makapasok sa Lupang Pangako. Bagaman matanda na siya, si Caleb ay aktibong nakibahagi sa pagsakop sa lupaing itinakda sa Juda. Ang tribo mismo ang inatasan ng Diyos na manguna sa pakikipaglaban sa mga Canaanita, at gayon nga ang ginawa nito kasama ng mga Simeonita. (Bil 13:6, 30; 14:6-10, 38; Jos 14:6-14; 15:13-20; Huk 1:1-20; ihambing ang Deu 33:7.) Nang maglaon, salig muli sa pahintulot ng Diyos, pinangunahan ng Juda ang aksiyong militar na nilayong maglapat ng parusa sa Benjamin.—Huk 20:18.
-