-
Ano ang Orihinal na Kasalanan?Gumising!—2006 | Hunyo
-
-
Nang lalangin ng Diyos sina Adan at Eva, inilagay niya sila sa isang magandang hardin na punô ng nakakaing mga pananim at namumungang mga punungkahoy. Isang punungkahoy lamang ang ipinagbawal sa kanila—ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Yamang may kalayaan silang magpasiya, maaaring piliin nina Adan at Eva na sundin o suwayin ang Diyos. Gayunman, binabalaan si Adan na “sa araw na kumain ka mula [sa punungkahoy ng pagkakilala] ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 1:29; 2:17.
Makatuwirang Pagbabawal
Hindi naman naghirap sina Adan at Eva dahil sa pagbabawal na ito; maaari silang kumain sa lahat ng iba pang punungkahoy sa hardin. (Genesis 2:16) Bukod diyan, ang pagbabawal na ito ay hindi nagpahiwatig na may maling mga hilig ang mag-asawa, ni nag-alis man ito ng kanilang dignidad. Kung ang ipinagbawal sa kanila ng Diyos ay ang buktot na mga gawaing gaya ng pagsiping sa hayop o pagpaslang, maaaring igiit ng ilan na ang sakdal na mga tao ay may masasamang hilig na kailangang paglabanan. Gayunman, ang pagkain ay likas lamang at wasto.
Ang ipinagbabawal na bunga ba ay kumakatawan sa pagtatalik, gaya ng paniniwala ng ilan? Hindi sinusuhayan ng Kasulatan ang pananaw na ito. Unang-una, nang sabihin ng Diyos ang pagbabawal, nag-iisa lamang si Adan at nanatili siyang walang kasama sa loob ng ilang panahon. (Genesis 2:23) Ikalawa, sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28) Tiyak na hindi niya sila uutusang labagin ang kaniyang kautusan at pagkatapos ay hahatulang mamatay dahil dito! (1 Juan 4:8) Ikatlo, si Eva ang naunang kumain ng bunga, at saka lamang niya binigyan si Adan. (Genesis 3:6) Maliwanag, ang bunga ay hindi kumakatawan sa pagtatalik.
Pagtatangkang Gumawa ng Sariling Pamantayang Moral
Ang punungkahoy ng pagkakilala ay literal na punungkahoy. Gayunman, lumalarawan ito sa karapatan ng Diyos bilang Tagapamahala na magpasiya kung ano ang mabuti at masama para sa kaniyang nilalang na mga tao. Kaya ang pagkain sa bungangkahoy ay hindi lamang pagnanakaw—pagkuha ng isang bagay na pag-aari ng Diyos—kundi pangahas na pagtatangka ring gumawa ng sariling pamantayang moral. Pansinin na pagkatapos magsinungaling si Satanas at sabihin kay Eva na silang mag-asawa ay ‘tiyak na hindi mamamatay’ kapag kinain nila ang bunga, iginiit ni Satanas: “Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 3:4, 5.
-
-
Ano ang Orihinal na Kasalanan?Gumising!—2006 | Hunyo
-
-
Dahil sa pagtatangkang magsarili, tuluyan nang sinira nina Adan at Eva ang kanilang kaugnayan kay Jehova at ang kasalanan ay nagkaroon ng namamalaging epekto sa kanilang katawan, pati na sa henetikong kayarian nito. Bagaman nabuhay sila nang daan-daang taon, nagsimula na silang mamatay “sa araw” na magkasala sila, gaya ng sangang pinutol mula sa pinakapuno nito. (Genesis 5:5) Karagdagan pa, nawalan sila ng panloob na kapayapaan sa kauna-unahang pagkakataon. Natanto nilang sila ay hubad at tinangka nilang pagtaguan ang Diyos. (Genesis 3:7, 8) Nakadama rin sila ng pagkakasala, kawalang-kapanatagan, at kahihiyan. Dahil sa nagawa nilang kasalanan, hindi na natahimik ang kanilang kalooban, palibhasa’y inuusig sila ng kanilang budhi sa ginawa nilang masama.
-