Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bakit Nagpapatuloy ang Kasamaan?
    Ang Bantayan—2007 | Setyembre 15
    • Sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang nangyari. Sa pamamagitan ng isang serpiyente bilang kaniyang tagapagsalita, nilapitan ni Satanas na Diyablo si Eva at sinabi: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Nang banggitin ni Eva ang utos ng Diyos, sinabi sa kaniya ni Satanas: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Dahil dito, naging lubhang kanais-nais para kay Eva ang punungkahoy anupat “siya ay nagsimulang kumuha ng bunga niyaon at kinain iyon.” Nagpapatuloy ang ulat: “Pagkatapos ay binigyan din niya ang kaniyang asawa nang kasama na niya at nagsimula itong kumain niyaon.” (Genesis 3:1-6) Sa gayon, hindi ginamit nina Adan at Eva sa wastong paraan ang kanilang kalayaang magpasiya at nagkasala sila sa pamamagitan ng pagsuway sa Diyos.

      Nakikita mo ba kung gaano kaseryoso ito? Sinalansang ng Diyablo ang sinabi ng Diyos kay Adan. Ipinahihiwatig ng mga salita ni Satanas na hindi na kailangan nina Adan at Eva si Jehova upang magpasiya kung ano ang tama at mali para sa kanila. Kaya hinamon ni Satanas ang karapatan at ang pagiging makatarungan ng pamamahala ni Jehova. Kung gayon, ang pinakamahalagang isyu na ibinangon ni Satanas ay kung talaga nga kayang may karapatan si Jehova na mamahala sa sangkatauhan. Paano sinagot ng tunay na Diyos ang hamong ito?

  • Bakit Nagpapatuloy ang Kasamaan?
    Ang Bantayan—2007 | Setyembre 15
    • Mga 6,000 taon na ngayon ang nakalilipas mula nang hamunin ni Satanas ang karapatan ng Diyos na mamahala. Ano ba ang ipinakikita ng kasaysayan? Isaalang-alang ang dalawang aspekto ng pagbatikos ni Satanas sa Diyos. May-kapangahasang sinabi ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” (Genesis 3:4) Sa pagsasabing hindi mamamatay sina Adan at Eva kung kakainin nila ang ipinagbabawal na bunga, ipinahihiwatig ni Satanas na sinungaling si Jehova. Isa ngang napakabigat na paratang! Kung hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos sa bagay na ito, paano pa siya mapagkakatiwalaan sa ibang bagay? Gayunman, ano ba ang napatunayan sa paglipas ng panahon?

      Dumanas sina Adan at Eva ng sakit, kirot, pagtanda at, sa wakas, kamatayan. “Ang lahat ng mga araw ni Adan na kaniyang ikinabuhay ay umabot ng siyam na raan at tatlumpung taon at siya ay namatay,” ang sabi ng Bibliya. (Genesis 3:19; 5:5) At ang masaklap dito, ipinamana ito ni Adan sa buong sangkatauhan. (Roma 5:12) Napatunayan sa paglipas ng panahon na si Satanas ay “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan” at na si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.”​—Juan 8:44; Awit 31:5.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share