-
Bakit Nagpapatuloy ang Kasamaan?Ang Bantayan—2007 | Setyembre 15
-
-
Sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang nangyari. Sa pamamagitan ng isang serpiyente bilang kaniyang tagapagsalita, nilapitan ni Satanas na Diyablo si Eva at sinabi: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Nang banggitin ni Eva ang utos ng Diyos, sinabi sa kaniya ni Satanas: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Dahil dito, naging lubhang kanais-nais para kay Eva ang punungkahoy anupat “siya ay nagsimulang kumuha ng bunga niyaon at kinain iyon.” Nagpapatuloy ang ulat: “Pagkatapos ay binigyan din niya ang kaniyang asawa nang kasama na niya at nagsimula itong kumain niyaon.” (Genesis 3:1-6) Sa gayon, hindi ginamit nina Adan at Eva sa wastong paraan ang kanilang kalayaang magpasiya at nagkasala sila sa pamamagitan ng pagsuway sa Diyos.
Nakikita mo ba kung gaano kaseryoso ito? Sinalansang ng Diyablo ang sinabi ng Diyos kay Adan. Ipinahihiwatig ng mga salita ni Satanas na hindi na kailangan nina Adan at Eva si Jehova upang magpasiya kung ano ang tama at mali para sa kanila. Kaya hinamon ni Satanas ang karapatan at ang pagiging makatarungan ng pamamahala ni Jehova. Kung gayon, ang pinakamahalagang isyu na ibinangon ni Satanas ay kung talaga nga kayang may karapatan si Jehova na mamahala sa sangkatauhan. Paano sinagot ng tunay na Diyos ang hamong ito?
-
-
Bakit Nagpapatuloy ang Kasamaan?Ang Bantayan—2007 | Setyembre 15
-
-
Sinabi rin ni Satanas kay Eva: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula [sa ipinagbabawal na puno] ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga [sina Adan at Eva] ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:5) Sa pamamagitan ng mga tusong pananalitang ito, nilinlang sila ni Satanas na kaya nilang pamahalaan ang kanilang sarili. Ipinahiwatig ni Satanas na mas mapapabuti ang tao kung mamumuhay sila na hiwalay sa Diyos. Napatunayan ba na kaya ng tao na mamuhay nang hiwalay sa Diyos?
Sa buong kasaysayan, bumangon at bumagsak ang mga imperyo. Nasubukan na ng tao ang lahat ng maiisip na paraan ng pamamahala. Gayunman, paulit-ulit na sumasapit ang kalunus-lunos na mga bagay sa sangkatauhan. Tama ang naging konklusyon ng isang manunulat ng Bibliya mga 3,000 taon na ang nakararaan: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang,” ang isinulat ni propeta Jeremias. (Jeremias 10:23) Sa paglipas ng panahon, napatunayang totoo ang mga salitang ito kahit pa sumusulong ang siyensiya at teknolohiya.
-