Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Natagpuan Na ba Nila ang Arka ni Noe?
    Ang Bantayan—2009 | Hulyo 1
    • Sinasabi ng Bibliya na ang arka ni Noe ay “lumapag sa mga bundok ng Ararat.” (Genesis 8:4) Bahagi ng rehiyon ng Ararat ang kilalang Bundok Ararat sa silangang Turkey, malapit sa hanggahan ng Armenia at Iran.

      Maraming ginawang paghahanap sa arka ni Noe sa lugar na ito at sinabing nakita ito subalit wala namang katibayan. Ang mga larawang kuha mula sa eroplano, piraso ng kahoy na may alkitran, at mga ulat na nagsasabing nakita nila ang arka ay lalo pang nagpasidhi sa mga tao na humanap ng mas matibay na ebidensiya. Pero hindi naging madali ang paghahanap. Ang isang posibleng lugar na madalas banggitin ay nasa dalisdis ng Bundok Ararat na mga 4,600 metro ang taas. Isa pa, dahil sa pulitikal na kaguluhan sa lugar na iyon, hindi laging napahihintulutan ang mga dayuhan na umakyat sa bundok.

      Gayunpaman, gusto ng maraming interesado sa arka na magkaroon ng higit pang mga ekspedisyon sa lugar na iyon. Naniniwala sila na buo pa ang ilang bahagi ng arka na natatabunan ng niyebe halos buong taon sa Bundok Ararat. Sinasabi nilang may pag-asa lamang makita at marating ang arka kung matindi ang tag-init.

      Lalong tumitibay ang kanilang pag-asa dahil sa maraming ulat. Binabanggit ni Josephus, isang istoryador na Judio noong unang siglo C.E., ang ilang naunang istoryador na nagsabing nakikita pa rin ang arka sa kabundukan ng Ararat. Sinasabi pa nga na ginawang subenir ng mga tao ang nakuha nilang mga piraso ng kahoy na nababalutan ng alkitran. Isa sa mga sinipi ni Josephus si Berossus, isang Babilonyong mananalaysay noong ikatlong siglo B.C.E.

      Noong ika-20 siglo, ang isa sa nakaiintrigang ulat ay nagmula sa isang Armeniano, si George Hagopian. Sinabi niyang napuntahan niya ang arka nang bata pa siya kasama ng kaniyang tiyo noong unang mga taon ng 1900 at nakaakyat pa nga rito. Namatay si Hagopian noong 1972, pero ang kaniyang kuwento ay pumupukaw pa rin ng pananabik at pagkamangha.

      Ito ba ang Tunay na Saligan Para Manampalataya?

      Talaga bang may dahilan para maniwalang natuklasan na ng mga manggagalugad ang arka o matutuklasan ito sa hinaharap? Marahil, pero waring may higit na dahilan para mag-alinlangan na matatagpuan ang arka. Una, tandaan na hindi sinasabi ng Bibliya kung saan eksaktong sumadsad ang arka nang humupa ang tubig-baha. Binabanggit lamang nito ang “mga bundok ng Ararat.”

      Natural lamang na tukuyin ng mga manggagalugad at mga interesado rito ang pinakamataas na bundok sa rehiyong iyon. Pero hindi sinasabi ng Kasulatan na isinaayos ng Diyos na sumadsad ang arka sa pinakataluktok ng Bundok Ararat, na sa ngayo’y napakalamig at napakataas at halos limang kilometro mula sa lebel ng dagat.a Tandaan, si Noe at ang kaniyang pamilya ay tumira sa arka sa loob ng ilang buwan pagkatapos nitong sumadsad sa bundok. (Genesis 8:4, 5) Tila malayong mangyari na pagkalabas ng arka, sila at ang maraming hayop ay kailangang bumaba mula sa napakataas na bundok gaya ng ginagawa ng mga umaakyat ng bundok. Marahil ang lugar kung saan sumadsad ang arka ay mas madaling puntahan noon kaysa sa inaakala ng ilang manggagalugad sa ngayon, pero ang taas nito ay gaya pa rin ng pagkakalarawan sa Genesis 8:4, 5. At saanman sumadsad ang arka sa rehiyon ng Ararat, hindi kaya wala na ito mga ilang siglo na ang nakararaan dahil sa pagkasira at pangangahoy rito?

  • Natagpuan Na ba Nila ang Arka ni Noe?
    Ang Bantayan—2009 | Hulyo 1
    • a Ang tinatawag ngayong Bundok Ararat ay isang tulóg na bulkan mula pa noong 1840. May taas itong 5,165 metro at natatakpan ng niyebe sa buong taon.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share