-
Pagbabayad-sala, Araw ngKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Mga Kaganapan sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, si Aaron ay pumapasok sa dakong banal taglay ang isang guyang toro bilang handog ukol sa kasalanan at isang barakong tupa bilang handog na sinusunog. (Lev 16:3) Sa araw na iyon ay inaalis niya ang kaniyang karaniwang kagayakang pansaserdote, naliligo siya sa tubig, at nagbibihis siya ng banal na mga kasuutang lino. (Lev 16:4) Pagkatapos, pagpapalabunutan ng mataas sa saserdote ang dalawang kambing (mga batang kambing na lalaki), na kinuha sa kapulungan ng mga anak ni Israel at parehung-pareho sa pagiging malusog at walang kapintasan. (Lev 16:5, 7) Pagpapalabunutan niya ang mga iyon upang malaman kung alin sa dalawa ang ihahain kay Jehova bilang handog ukol sa kasalanan at kung alin ang pakakawalan sa ilang bilang ang ‘kambing para kay Azazel’ na magdadala ng kanilang mga kasalanan. (Lev 16:8, 9; ihambing ang 14:1-7; tingnan ang AZAZEL.) Pagkatapos ay ihahain niya ang guyang toro bilang handog ukol sa kasalanan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan, na doo’y kasama ang buong tribo ni Levi, na kinabibilangan naman ng kaniyang pamilya. (Lev 16:6, 11) Kasunod nito, kukuha siya ng mabangong insenso at kukunin niya ang lalagyan ng apoy na punô ng nagniningas na baga mula sa altar at papasok siya sa loob ng kurtina sa Kabanal-banalan. Ang insenso ay sinusunog sa kaloob-loobang silid na ito, na kinaroroonan ng kaban ng patotoo, anupat ang usok ng nasusunog na insenso ay kumakalat sa ibabaw ng ginintuang takip ng Kaban na may dalawang kerubin na yari sa ginto. (Lev 16:12, 13; Exo 25:17-22) Kailangang isagawa ang bagay na ito upang si Aaron ay muling makapasok nang ligtas sa Kabanal-banalan.
-
-
Pagbabayad-sala, Araw ngKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Inihahain noon ni Aaron ang toro para sa mga saserdote at sa iba pang miyembro ng tribo ni Levi, anupat iwiniwisik niya ang dugo nito sa Kabanal-banalan. (Lev 16:11, 14) Sa katulad na paraan, iniharap ni Kristo ang halaga ng kaniyang dugo sa Diyos sa langit, kung saan makikinabang dito yaong mga mamamahalang kasama niya bilang mga saserdote at mga hari. (Apo 14:1-4; 20:6) Inihahain din noon ang kambing na para kay Jehova at iwiniwisik ang dugo nito sa harap ng Kaban na nasa Kabanal-banalan, para naman sa kapakinabangan ng di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel. (Lev 16:15) Sa gayunding paraan, hindi lamang ang makasaserdoteng espirituwal na Israel ang nakikinabang sa iisang hain ni Jesu-Kristo, kundi pati ang sangkatauhan. Dalawang kambing ang kinailangan noon, sapagkat hindi posibleng ihain ang isang kambing at pagkatapos ay gamitin iyon upang dalhin ang mga kasalanan ng Israel. Ang dalawang kambing ay tinutukoy bilang isang handog ukol sa kasalanan (Lev 16:5) at itinuturing na magkapantay hanggang sa mapagpalabunutan, na nagpapahiwatig na iisa ang isinasagisag ng mga iyon. Kaayon nito, hindi lamang inihain si Jesu-Kristo kundi dinala rin niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan na alang-alang sa kanila ay namatay siya bilang hain.
-