Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 6/1 p. 10-15
  • Pinasasakdal ang Kabanalan sa Pagkatakot sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinasasakdal ang Kabanalan sa Pagkatakot sa Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kabanalan at Pagiging Hiwalay
  • Isang Bayan na Inihiwalay
  • Espirituwal na Kalinisan
  • Moral na Kalinisan
  • Marangal na Pag-aasawa
  • Paglakad sa “Daan ng Kabanalan”
  • “Banal, Banal, Banal si Jehova”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Kabanalan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Itaguyod ang “Kabanalan Nang May Pagkatakot sa Diyos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Katulad ba ng Pangmalas ni Jehova ang Pangmalas Mo sa mga Bagay na Sagrado?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 6/1 p. 10-15

Pinasasakdal ang Kabanalan sa Pagkatakot sa Diyos

“Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Diyos.”​—2 CORINTO 7:1.

1. Papaano natin nalalaman na ang matataas-ranggong mga anghel ay kumikilala sa kabanalan ni Jehova?

SI Jehova ang banal na Diyos. Matataas-ranggong mga anghel sa langit ang naghahayag ng kaniyang kabanalan sa tiyakang pananalita. “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian.” Ganiyan ang nakapupukaw na panawagan ng mga serapin na nakita sa isang pangitain ni propeta Isaias noong ikawalong siglo B.C.E. Nang katapusan ng unang siglo C.E., si apostol Juan ay nakakita ng mga pangitain ng magaganap sa “araw ng Panginoon,” na kinaroroonan natin ngayon. Kaniyang nakita ang apat na nilalang na buháy sa palibot ng trono ni Jehova at narinig silang walang-lubay na naghahayag: “Banal, banal, banal si Jehovang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, na nabuhay at nabubuhay at siyang darating.” Ang tatluhang pagpapahayag na ito ng makalangit na espiritung nilalang ni Jehova ay nagdiriin sa pagiging kabanal-banalan ng Maylikha.​—Isaias 6:2, 3; Apocalipsis 1:10; 4:6-8.

Ang Kabanalan at Pagiging Hiwalay

2. (a) Ano ang dalawang bahagi ng kabanalan, at papaanong si Jehova ay banal kapuwa sa dalawang bahaging ito? (b) Papaano idiniin ni Moises ang kabanalan ni Jehova?

2 Ang ibig sabihin ng kabanalan ay hindi lamang relihiyosong kalinisan at kadalisayan kundi gayon din pagiging hiwalay, o pagpapakabanal. Si Jehova ay sukdulan nang kalinisan, o kadalisayan; siya ay lubusang hiwalay rin naman sa lahat ng karumal-dumal na mga diyos ng mga bansa. Ang bahaging ito ng kaniyang kabanalan, o pagpapakabanal, ay idiniin ni Moises nang siya’y umawit: “Sino sa mga diyos ang gaya mo, Oh Jehova? Sino ang gaya mo na nagpapatunay ng iyong sarili na dakila sa kabanalan?”​—Exodo 15:11.

3. Sa anong mga paraan hiniling sa lahat ng Israelita na sila’y magpakabanal, at papaano sila tinulungan ni Jehova sa bagay na ito?

3 Hiniling ng banal na Diyos na si Jehova na ang sinaunang mga Israelita, na kaniyang bayan sa lupa, ay magpakabanal din. Ito ay kahilingan hindi lamang sa mga saserdote at sa mga Levita kundi rin naman sa buong bansa. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Salitain mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Patunayan ninyong kayo’y banal, sapagkat akong si Jehova na inyong Diyos ay banal.’” (Levitico 19:2) Sa layuning iyan, sila’y binigyan ni Jehova ng mga kautusan upang tulungan silang manatiling malinis sa bahaging espirituwal, moral, mental, pisikal at seremonyal, itong huli ay may kaugnayan sa kanilang pagsamba sa tabernakulo at, nang bandang huli, sa templo.

Isang Bayan na Inihiwalay

4, 5. (a) Papaanong ang likas na Israel ay isang pinabanal na bansa? (b) Ano ang kahilingan sa espirituwal na mga Israelita, at papaano ito pinatutunayan ni apostol Pedro?

4 Hanggang ang mga Israelita ay sumusunod sa mga kautusan ng Diyos, sila’y nananatiling hiwalay sa ubod-samang mga bansa sa palibot nila. Sila’y nakilala bilang isang bayan na inihiwalay, o pinabanal, ukol sa paglilingkod sa banal na Diyos na si Jehova. Sinabi sa kanila ni Moises: “Ikaw ay isang bayang banal kay Jehovang Diyos. Ikaw ang pinili ni Jehova mong Diyos upang maging kaniyang bayan, na isang tanging pag-aari, sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng lupa.”​—Deuteronomio 7:6.

5 Ang gayong kalinisan at pagiging-hiwalay ay kahilingan din sa espirituwal na Israel. Si apostol Pedro ay sumulat sa mga pinili na maging espirituwal na Israelita: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong umasal nang ayon sa inyong dating mga pita nang kayo’y wala pang kaalaman, kundi, dahil sa Banal na Siyang tumawag sa inyo, magpakabanal din naman kayo sa lahat ng pitak ng pamumuhay ninyo, sapagkat nasusulat: ‘Kayo’y magpakabanal, sapagkat ako’y banal.’”​—1 Pedro 1:1, 14-16.

6, 7. (a) Papaano inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 7 ang mga kabilang sa “malaking pulutong,” at ano ang makatuwirang kahilingan sa kanila? (b) Ano ang tatalakayin sa sumusunod na mga parapo?

6 Sa Apocalipsis kabanata 7, ang mga kabilang sa “malaking pulutong” ay inilalarawan na “nangakatayo sa harap ng trono [ni Jehova] at sa harap ng Kordero, na nangakadamit ng mga puting kasuotan,” palibhasa’y “naglaba ng kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 14) Ang kanilang mga puting kasuotan ay sumasagisag sa kanilang malinis, matuwid na katayuan sa harap ni Jehova, na kaniyang ipinagkakaloob sa kanila dahilan sa kanilang pananampalataya sa tumutubos na dugo ni Kristo. Maliwanag, kung gayon, na hindi lamang ang pinahirang mga Kristiyano kundi pati “mga ibang tupa” ay kailangan ding manatiling malinis sa espirituwal at sa moral upang makasamba kay Jehova sa kalugud-lugod na paraan.​—Juan 10:16.

7 Ngayo’y talakayin natin kung papaanong ang bayan ni Jehova noong nakalipas ay hinilingan na patunayang sila’y malinis at banal at kung bakit ang ganiyan ding mga simulain ay kumakapit sa bayan ng Diyos sa ngayon.

Espirituwal na Kalinisan

8. Sa anong mga dahilan kailangan noon na ang mga Israelita’y manatiling hiwalay sa mga relihiyon ng Canaan?

8 Ang likas na mga Israelita ay kailangan noon na manatiling lubusang hiwalay sa karumal-dumal na mga gawaing relihiyoso ng mga ibang bansa. Sa pamamagitan ni Moises, sinabi ni Jehova sa Israel: “Mag-ingat ka na huwag kang makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain na iyong paroroonan, baka maging isang silo sa gitna mo. Kundi inyong ibabagsak ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputul-putulin ang kanilang mga sagradong haligi [ginagamit may kaugnayan sa nakasusuklam na pagsamba sa sekso] at ang kanilang sagradong mga haligi ay iyong puputulin. Sapagkat huwag kang magpapatirapa sa ibang diyos, dahil sa si Jehova, na Mapanibughuin ang pangalan, ay isang mapanibughuing Diyos [o, “isang Diyos na humihingi ng bukud-tanging debosyon,” New World Translation Reference Bible, talababa]; sapagkat baka ikaw ay makipagtipan sa mga tumatahan sa lupain, yamang sila’y tiyak na magkakaroon ng imoral na pakikipagtalik sa kanilang mga diyos at maghahain sa kanilang mga diyos.”​—Exodo 34:12-15.

9. Anong tiyak na mga utos ang ibinigay sa tapat na nalabi na lumisan sa Babilonya noong 537 B.C.E.?

9 Makalipas ang daan-daan taon, kinasihan ni Jehova si Isaias na salitain ang ganitong makahulang mga salita sa tapat na nalabi na babalik sa Juda buhat sa Babilonya: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova [na gagamitin sa pagsasauli sa tunay na pagsamba sa Jerusalem].”​—Isaias 52:11.

10, 11. (a) Anong nakakatulad na mga utos ang ibinigay sa espirituwal na mga Israelita noong unang siglo C.E.? (b) Papaanong ang mga utos na ito ay sinunod lalong higit sapol noong 1919 at 1935, at sa ano pang ibang paraan nananatiling malinis sa espirituwal ang pinahiran at ang kanilang mga kasamahan?

10 Sa katulad na paraan, ang espirituwal na mga Israelita at ang kanilang mga kasamahan ay kailangang manatiling walang-dungis buhat sa idolatrosong mga relihiyon ng sanlibutang ito. Sa pagsulat sa pinahirang mga Kristiyano sa kongregasyon sa Corinto, si apostol Pablo ay nagsabi: “Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo? Sapagkat tayo’y templo ng Diyos na buháy; gaya ng sabi ng Diyos: ‘Mananahan ako sa gitna nila at lalakad ako sa gitna nila, at ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.’ ‘“Kaya nga magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” sabi ni Jehova, “at huwag nang humipo ng maruming bagay”’; ‘“at kayo’y aking tatanggapin.”’”​—2 Corinto 6:16, 17.

11 Sapol noong 1919 ang nilinis at dinalisay na mga miyembro ng pinahirang nalabi ay pinalaya na buhat sa karumal-dumal, idolatrosong mga relihiyon ng Babilonyang Dakila. (Malakias 3:1-3) Kanilang dininig ang makalangit na panawagan: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” (Apocalipsis 18:4) Sapol noong 1935 isang dumaraming malaking pulutong ng mga “ibang tupa” ang nakinig din naman sa ganitong panawagan at sila’y umalis sa karumal-dumal na maka-Babilonyang relihiyon. Ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahan ay nananatili pa ring malinis sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-iwas sa anumang pakikitungo sa nakapipinsalang mga ideya ng mga apostata.​—Juan 10:16; 2 Juan 9-11.

Moral na Kalinisan

12. (a) Sa pamamagitan ng anong kautusan itinaas ni Jehova ang moral na kalagayan ng mga Israelita nang lalong higit kaysa nakapalibot na mga bansa? (b) Anong mga alituntunin ang lalo nang mahigpit para sa mga saserdote?

12 Sa pamamagitan ng Kautusang tipan, itinaas ni Jehova ang moral na kalagayan ng mga Israelita nang lalong higit kaysa napakababang kalagayan ng nakapalibot na mga bansa. Ang pag-aasawa at ang buhay pampamilya ay mga institusyong pinakaiingatan sa Israel. Ang ikapito sa Sampung Utos ay nagbawal ng pangangalunya. Kapuwa ang pangangalunya at pakikiapid ay mabigat ang parusa. (Deuteronomio 22:22-24) Ang mga dalagang donselya ay iniingatan sa ilalim ng Kautusan. (Deuteronomio 22:28, 29) Ang mga alituntunin sa pag-aasawa ay lalo nang mahigpit sa mga saserdote. Kung tungkol sa mataas na saserdote, siya’y kailangang pumili ng isang dalagang donselya para maging asawa.​—Levitico 21:6, 7, 10, 13.

13. Sa kanino inihalintulad ang mga miyembro ng “kasintahan” ni Kristo, at bakit?

13 Sa katulad na paraan, ang dakilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, ay may “kasintahan” na binubuo ng 144,000 pinahirang mga Kristiyano, na inihalintulad sa “mga birhen.” (Apocalipsis 14:1-5; 21:9) Sila’y nananatiling walang dungis buhat sa sanlibutan ni Satanas at sa doktrina at sa moral ay nananatiling dalisay. Si apostol Pablo ay sumulat sa pinahirang mga Kristiyano sa Corinto: “Ako’y naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Diyos, sapagkat ako ang personal na nangakong ipakakasal kayo sa isang asawa upang kayo’y maiharap ko na gaya ng isang dalagang malinis sa Kristo.” (2 Corinto 11:2) Si Pablo ay sumulat din: “Inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon, upang gawin niyang banal ito, na nililinis ito sa paligo ng tubig sa pamamagitan ng salita, upang maiharap niya ang kongregasyon sa sarili niya sa kaningningan nito, na walang dungis ni kulubot ni anumang ganitong bagay, kundi banal at walang dungis.”​—Efeso 5:25-27.

14, 15. (a) Ano ang kailangang kasama ng espirituwal na kalinisan ng uring kasintahan, at anong mga teksto ang nagpapakita nito? (b) Bakit makikita na ang nahahawig na mga kahilingan tungkol sa moral na kalinisan ay kumakapit din sa mga ibang tupa?

14 Ang espirituwal na kalinisang ito ng kasintahan ni Kristo ay kailangang may kasamang kalinisang moral ng mga miyembro nito. Sinabi ni apostol Pablo: “Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa mga diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyan ang iba sa inyo noong dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis, ngunit kayo’y pinabanal na.”​—1 Corinto 6:9-11.

15 Ang ganiyang mga kahilingan tungkol sa moral na kalinisan ay kumakapit din sa mga ibang tupa at ito’y makikita kung isasaalang-alang yaong mga hindi tatanggapin ni Jehova sa kaniyang ipinangakong bagong langit at bagong lupa. Ganito ang mababasa natin: “Ngunit kung para sa . . . kanila na mga kasuklam-suklam sa kanilang karumihan at mga mamamatay-tao at mga mapakiapid . . . , ang bahagi nila ay doon sa dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre. Ito’y nangangahulugan ng ikalawang kamatayan.”​—Apocalipsis 21:1, 8.

Marangal na Pag-aasawa

16, 17. (a) Anong mga teksto ang nagpapakita na ang pananatiling walang asawa ay hindi isang kahilingan para sa kalinisang moral? (b) Papaano maipakikita ng isang Kristiyano ang wastong pagkatakot sa Diyos sa pagpili ng magiging asawa, at bakit hindi matalino na sumuway sa payo ng apostol?

16 Upang manatiling malinis sa moral, ang pinahirang mga miyembro ng uring kasintahan at ng mga ibang tupa ay hindi naman hinihilingan na manatiling walang asawa. Ang sapilitang pagbabawal ng di-pag-aasawa dahil sa isang panata ay labag sa Kasulatan. (1 Timoteo 4:1-3) Ang seksuwal na pagtatalik ng mag-asawa ay hindi naman marungis. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Hayaang ang pag-aasawa ay maging marangal sa lahat, at huwag nawang marungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga mangangalunya.”​—Hebreo 13:4.

17 Gayunman, ang isang Kristiyano na ibig ‘pasakdalin ang kabanalan sa takot sa Diyos’ ay hindi dapat makadama na siya’y malayang mag-asawa sa kaninuman na ibig niya. Bago pa man payuhan ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ‘maglinis ng kanilang sarili sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan sa takot sa Diyos,’ si apostol Pablo ay sumulat: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? . . . O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya?” (2 Corinto 6:14, 15; 7:1) Bilang isang miyembro ng hiwalay at malinis na bayan ni Jehova, ang isang lalaki o babaing Kristiyano na ibig mag-asawa ay tatanggap ng payo ng apostol na mag-asawa sa “nasa Panginoon lamang,” samakatuwid nga, sa pamamagitan ng pagpili ng isang nag-alay, bautismado, at tapat na lingkod ni Jehova. (1 Corinto 7:39) Kung papaano noong nakaraan, gayundin sa ngayon, tunay na hindi matalino para sa mga nag-alay na kabilang sa bayan ng Diyos na sumuway sa payong ito ng Kasulatan. (Ihambing ang Deuteronomio 7:3, 4; Nehemias 13:23-27.) Ito’y hindi pagpapakita ng mabuting pagkatakot sa ating Dakilang Panginoon, si Jehova.​—Malakias 1:6.

18. Sa papaano pa mapananatili ng mga Kristiyano na maging marangal ang kanilang pag-aasawa?

18 Gayundin, sa Israel, ang mga batas ay nagpataw ng hangganan sa seksuwal na pagtatalik kahit na sa pagitan ng mag-asawa. Ang isang lalaki ay hindi dapat makipagtalik sa kaniyang asawa sa mga araw na ito’y pinapanahon. (Levitico 15:24; 18:19; 20:18) Kailangan dito ang maibiging konsiderasyon at pagpipigil-sa-sarili ng mga lalaking Israelita. Hindi ba dapat na ang mga lalaking Kristiyano ay magkaroon ng ganiyan ding konsiderasyon sa kanilang asawa? Si apostol Pedro ay nagsasabi na ang mga lalaking Kristiyano’y dapat makipamahay sa kani-kanilang asawa “ayon sa pagkakilala,” samakatuwid baga, pagkakilala sa kanilang pagka-babae “bilang isang marupok na sisidlan, ang babae.”​—1 Pedro 3:7.

Paglakad sa “Daan ng Kabanalan”

19, 20. (a) Ilarawan ang malapad na daang nilalakaran ng karamihan ng tao. (b) Papaano kailangang ang bayan ni Jehova ay maging iba buhat sa sanlibutan ni Satanas? (c) Anong daan ang nilalakaran ng bayan ng Diyos, kailan ito binuksan, at sino lamang ang pinapayagang dumaan dito?

19 Ang naunang tinalakay ay nagdiriin ng patuloy na lumuluwang na daang naghihiwalay sa bayan ni Jehova buhat sa sanlibutan ni Satanas. Ang kasalukuyang makasanlibutang sistema ng mga bagay ay lalong higit na nagiging maluwag at mapagpalayaw sa sarili. Sinabi ni Jesus: “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang nagsisipasok doon.” (Mateo 7:13) Ang maluwang na daang iyan ang nilalakaran ng karamihan ng tao. Sipiin natin ang sinabi ni apostol Pedro, na ito raw ang daan ng “kalibugan, masasamang pita, pagmamalabis sa alak, mga kalayawan, mga paligsahan ng pag-inom, at labag-kautusang mga idolatriya,” isang daan na patungo sa “pusali ng pagpapakasamâ.” (1 Pedro 4:3, 4) Ang dulo nito ay kapahamakan.

20 Ang bayan ng Diyos, sa kabilang panig naman, ay lumalakad sa isang naiibang daan, isang malinis na daan na nilalakaran ng malilinis na mga tao. Ang pagbubukas sa daang ito sa panahon ng kawakasan ay inihula ni propeta Isaias, na sumulat: “At magkakaroon doon ng isang lansangan, samakatuwid nga’y isang daan; at tatawaging ang Daan ng Kabanalan. Ang marumi ay hindi daraan doon.” (Isaias 35:8) Bilang komento sa hulang ito, ang aklat na Worldwide Security Under the “Prince of Peace” ay nagsasabi: “Noong 1919 isang makasagisag na daan ang binuksan para sa maliligayang mga lingkod ng Diyos. Yaong mga ibig maging banal sa paningin ni Jehova ay ang mga taong nagsilakad na sa ‘lansangang’ iyan, ‘ang Daan ng Kabanalan.’ . . . Sa ngayon, na napakaatrasado na ang panahon sa ‘katapusan ng sistema ng mga bagay,’ ang inilaan ng Diyos na ‘daang’ iyan ay nananatiling bukás. Dumadagsang mga taong may pagpapahalaga . . . ang pumapasok sa espirituwal na paraiso sa pamamagitan ng espirituwal na daang ito, ‘ang Daan ng Kabanalan.’”a

21. Papaano at bakit kailangang ipakilala ng mga lingkod ni Jehova na sila’y naiiba sa mga lingkod ng Diyablo, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

21 Oo, ang pinahirang nalabi ng espirituwal na mga Israelita at ang kanilang mga kasamahan, ang mga ibang tupa, ay nagpapakilala ng kanilang sarili sa ngayon bilang isang bayan na inihiwalay sa sanlibutan ni Satanas, na hindi nagbibigay ng anumang pagpapahalaga sa kabanalan. Walang anumang banal sa mga lingkod ng Diyablo na lumalakad sa “maluwang at malapad . . . na daang patungo sa kapahamakan.” Sila’y hindi lamang marumi sa espirituwal at sa moral kundi kadalasa’y marumi sila sa pangangatawan at ang kanilang hitsura ay nanlilimahid, bilang pagbanggit ng ilan lamang. Gayunman, si apostol Pablo ay nagsasabi: “Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan ng takot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Ang paksang tatalakayin sa susunod na artikulo ay kung sa anu-anong paraan dapat magpakalinis sa isip at sa katawan ang bayan ng Diyos.

[Talababa]

a Kabanata 16, pahina 134-5.

Mga Punto sa Repaso

◻ Ano ang dalawang bahagi ng kabanalan, at bakit masasabing si Jehova ay sukdulan ng kabanalan?

◻ Sa anong dalawang paraan dapat patunayan ng mga Israelita na sila’y isang bansang banal?

◻ Ano ang kahilingan sa espirituwal na mga Israelita at sa kanilang mga kasamahan, ang mga ibang tupa?

◻ Papaanong ang pagpili natin ng magiging asawa ay dapat maapektuhan ng ating pagkatakot sa Diyos?

◻ Anong dalawang daan ang maaaring lakaran sa ngayon, at bakit kailangang gumawa ng isang malinaw na pagpili?

[Larawan sa pahina 13]

Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share