-
“Isang Panahon Upang Magsalita”—Kailan?Ang Bantayan—1987 | Setyembre 1
-
-
Ang isa pang alituntunin sa Bibliya ay nasa Levitico 5:1: “Ngayon kung isang kaluluwa ang magkasala dahil sa kaniyang narinig ang pangmadlang panlalapastangan at siya’y isang saksi o kaniyang nakita iyon o kaniyang naalaman iyon, kung hindi niya ihahayag iyon, siya ngayon ang mananagot sa kaniyang kamalian.” Ang “pangmadlang panlalapastangan” na ito ay hindi paninira o pamumusong. Bagkus, kadalasa’y nangyayari na pagka ang sinumang pinagkasalahan ay humiling na tulungan siya ng sinumang maaaring sumaksi upang matamo niya ang katarungan, samantalang sinusumpa niya—malamang na buhat kay Jehova—ang nagkasala, na marahil hindi pa nakikilala, na gumawa sa kaniya ng masama. Ito’y isang anyo ng paglalagay sa iba sa ilalim ng panunumpa. Sinumang nakasaksi sa pagkakasala ay makakaalam kung sino ang naapi at sila’y may pananagutan na tumestigo upang matiyak kung sino ang nagkasala. Kung hindi gayon, sila ay ‘mananagot sa kanilang pagkakamali’ sa harap ni Jehova.b
Ang utos na ito buhat sa Kataas-taasang Antas ng awtoridad sa sansinukob ang naglalagay sa bawat Israelita sa ilalim ng pananagutan na ireport sa mga hukom ang anumang malubhang pagkakasala na kaniyang nasaksihan upang maareglo ang bagay na iyon. Bagaman ang mga Kristiyano’y hindi istriktong nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kumakapit pa rin sa kongregasyong Kristiyano ang mga simulain nito. Kung gayon, may mga panahon na ang isang Kristiyano ay obligado na ang isang pagkakasala’y itawag-pansin sa matatanda. Totoo, labag sa batas sa maraming bansa na ibunyag sa mga taong di-awtorisado ang impormasyon na nasa pribadong mga rekord. Subalit kung inaakala ng isang Kristiyano, pagkatapos na isaalang-alang iyon nang may kalakip na panalangin, na siya’y nakaharap sa isang situwasyon na kung saan hinihingi ng batas ng Diyos na ireport ang kaniyang napag-alaman sa kabila ng kahilingan ng nakabababang mga awtoridad, kung magkagayo’y isang pananagutan iyan na tinatanggap niya sa harap ni Jehova. May mga panahon na ang isang Kristiyano ay “kailangang sumunod muna sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Gawa 5:29)
Bagaman ang mga sumpa o mahalagang mga pangako ay hindi dapat gawing biro, may mga panahon na ang mga pangakong kahilingan ng mga tao ay salungat sa kahilingan na tayo’y mag-ukol sa ating Diyos ng bukod-tanging debosyon. Pagka ang sinuman ay nagkasala nang malubha, siya, sa katunayan, ay sumasa-ilalim ng isang ‘pangmadlang paglapastangan’ buhat sa Isang pinagkasalahan, si Jehovang Diyos. (Deuteronomio 27:26; Kawikaan 3:33) Lahat ng nagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano ay sumasa-ilalim ng “sumpa” na panatilihing malinis ang kongregasyon, sa pamamagitan ng personal na ginagawa nila at ng paraan ng pagtulong nila sa iba upang manatiling malinis.
-
-
“Isang Panahon Upang Magsalita”—Kailan?Ang Bantayan—1987 | Setyembre 1
-
-
b Sa kanilang Commentary on the Old Testament, binanggit ni Keil at Delitzsch na ang isang tao ay maaaring magkamali o magkasala kung sakaling kaniyang “nalalaman ang krimen na nagawa ng isa, nakita man niya iyon, o napag-alaman man niya iyon sa anumang paraan, at samakatuwid ay kuwalipikado siya na humarap sa hukuman bilang isang saksi upang mahatulan ang kriminal, ay hindi niya ginawa iyon, at hindi niya ipinahayag ang kaniyang nakita o napag-alaman, kung kaniyang narinig ang mahalagang pag-uutos ng hukom sa pangmadlang imbestigasyon ng krimen, na lahat ng mga taong presente, na may anumang kabatiran sa bagay na iyon, ay hinihimok na humarap bilang mga saksi.”
-