-
Kapistahan ng mga KubolKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang Kapistahan ng mga Kubol ay aktuwal na naghuhudyat na tapos na ang kalakhang bahagi ng taóng agrikultural sa Israel. Kaya naman isa itong panahon ng pagsasaya at pasasalamat para sa lahat ng pagpapalang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng mga bunga ng lahat ng kanilang pananim. Bukod diyan, yamang limang araw pa lamang ang nakararaan mula nang ipagdiwang ng bayan ang Araw ng Pagbabayad-Sala, sila ay nakadarama ng pakikipagpayapaan kay Jehova. Bagaman mga lalaki lamang ang obligadong dumalo, isinasama nila ang buong pamilya. Kailangan silang tumahan sa mga kubol (sa Heb., suk·kohthʹ) sa loob ng pitong araw ng kapistahan. Kadalasan nang isang pamilya ang nanunuluyan sa isang kubol. (Exo 34:23; Lev 23:42) Ang mga ito ay itinatayo sa mga looban ng mga bahay, sa mga bubong ng mga tahanan, sa mga looban ng templo, sa mga liwasan, at sa mga lansangan na may layong di-lalampas sa isang araw ng Sabbath na paglalakbay mula sa lunsod. Ang mga Israelita ay dapat gumamit ng “bunga ng magagandang punungkahoy” at mga sanga ng palma, ng mayayabong na punungkahoy, at ng mga alamo. (Lev 23:40) Noong mga araw ni Ezra, ang ginamit sa pagtatayo ng pansamantalang mga silungang ito ay mga dahon ng olibo at ng punong-langis, mirto (na napakabango), at mga dahon ng palma, gayundin ang mga sanga ng iba pang mga punungkahoy. Yamang ang lahat, mayaman at dukha, ay mananahanan sa mga kubol, anupat doon pa nga sila kakain sa loob ng pitong araw, at yamang ang mga kubol ay yari sa magkakatulad na materyales, na kinuha sa mga burol at mga libis ng lupain, idiniriin nito na pantay-pantay ang lahat sa panahon ng kapistahan.—Ne 8:14-16.
-
-
Kapistahan ng mga KubolKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Inutusan ang Israel na manirahan sa mga kubol sa loob ng isang linggo, “upang malaman ng inyong mga salinlahi na sa mga kubol ko pinatahan ang mga anak ni Israel noong inilalabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto. Ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Lev 23:42, 43) Maaari nilang gunitain nang may kagalakan at pasasalamat kung paano sila pinangalagaan ng Diyos sa ilang nang maglaan sa kanila ng masisilungan si Jehova, ‘na pumatnubay sa kanila sa malaki at kakila-kilabot na ilang, na may makamandag na mga serpiyente at mga alakdan at may uháw na lupa na walang tubig; na nagpabukal ng tubig para sa kanila mula sa batong pingkian; na nagpakain sa kanila ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng kanilang mga ama.’ (Deu 8:15, 16) Mag-uudyok ito sa kanila na magsaya dahil patuluyan silang pinangangalagaan at pinasasagana ng Diyos.
-