Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Altar
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Inutusan ang mga Israelita na gibain ang lahat ng paganong altar at wasakin ang mga sagradong haligi at poste na karaniwang itinatayo sa tabi ng mga ito. (Exo 34:13; Deu 7:5, 6; 12:1-3) Hinding-hindi nila dapat kopyahin ang mga ito ni dapat man nilang paraanin sa apoy ang kanilang mga anak bilang handog gaya ng ginagawa ng mga Canaanita. (Deu 12:30, 31; 16:21) Sa halip na gumawa ng maraming altar, ang mga Israelita ay dapat magkaroon lamang ng iisang altar para sa pagsamba sa iisang tunay na Diyos, at ilalagay ito sa dakong pipiliin ni Jehova. (Deu 12:2-6, 13, 14, 27; ihambing ito sa Babilonya, kung saan may 180 altar para lamang sa diyosang si Ishtar.) Noong una ay tinagubilinan silang gumawa ng isang altar na yari sa di-tabas na mga bato pagkatawid nila sa Ilog Jordan (Deu 27:4-8), at itinayo naman ito ni Josue sa Bundok Ebal. (Jos 8:30-32) Pagkatapos hati-hatiin ang nalupig na lupain, ang mga tribo nina Ruben at Gad at ang kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng isang malaking altar sa tabi ng Jordan, na pansamantalang lumigalig sa iba pang mga tribo hanggang noong matiyak nila na ang altar ay hindi isang tanda ng apostasya kundi isang pinakaalaala lamang ng katapatan kay Jehova bilang ang tunay na Diyos.​—Jos 22:10-34.

      May iba pang mga altar na itinayo, ngunit lumilitaw na itinayo ang mga iyon para sa partikular na mga okasyon at hindi para gamitin nang patuluyan. Karaniwan na, ang mga iyon ay itinatayo may kaugnayan sa mga pagpapakita ng mga anghel o dahil sa tagubilin ng anghel. Ganito ang kaso ng altar sa Bokim at ng mga altar nina Gideon at Manoa. (Huk 2:1-5; 6:24-32; 13:15-23) Noong pinag-iisipan ng mga taong-bayan kung paano mapipigilan ang pagkalipol ng tribo ni Benjamin, nagtayo sila ng altar sa Bethel. Hindi binabanggit ng ulat kung ito ay may pagsang-ayon ng Diyos o isang kaso lamang ng ‘paggawa nila ng kung ano ang tama sa kanilang sariling paningin.’ (Huk 21:4, 25) Bilang kinatawan ng Diyos, si Samuel ay naghandog ng hain sa Mizpa at nagtayo rin ng isang altar sa Rama. (1Sa 7:5, 9, 10, 17) Maaaring ito’y dahil wala nang katibayan ng presensiya ni Jehova sa tabernakulo sa Shilo matapos alisin doon ang Kaban.​—1Sa 4:4, 11; 6:19-21; 7:1, 2; ihambing ang Aw 78:59-64.

      Paggamit ng pansamantalang mga altar. May ilang pagkakataon na nagtayo ang mga tao ng pansamantalang mga altar. Halimbawa, si Saul ay naghandog ng hain sa Gilgal at nagtayo ng isang altar sa Aijalon. (1Sa 13:7-12; 14:33-35) Sa Gilgal, hinatulan siya dahil hindi niya hinintay na si Samuel ang maghain, ngunit hindi binanggit sa mga ulat kung angkop ang mga lokasyong iyon para sa paghahain.

      Tinagubilinan ni David si Jonatan na sabihin kay Saul na wala si David sa mesa ng hari noong araw ng bagong buwan [new moon] dahil dumalo ito sa isang taunang pampamilyang paghahain sa Betlehem. Gayunman, yamang isa lamang itong panlilinlang, hindi masasabi nang tiyakan kung talagang nagkaroon ng gayong pagdiriwang. (1Sa 20:6, 28, 29) Noong naghahari na si David, nagtayo siya ng isang altar sa giikan ni Arauna (Ornan) sa utos ni Jehova. (2Sa 24:18-25; 1Cr 21:18-26; 22:1) Maliwanag na ang pananalita sa 1 Hari 9:25 may kinalaman sa ‘paghahandog ni Solomon ng mga hain sa altar’ ay nangangahulugang isinagawa iyon sa pamamagitan ng awtorisadong mga saserdote.​—Ihambing ang 2Cr 8:12-15.

      Nang maitayo na ang templo sa Jerusalem, lumilitaw na ang altar ay naroon na sa ‘dakong pinili ni Jehova na inyong Diyos kung saan kayo dapat pumaroon.’ (Deu 12:5) Maliban sa altar na ginamit ni Elias sa Bundok Carmel para sa pagsubok sa pamamagitan ng apoy laban sa mga saserdote ni Baal (1Ha 18:26-35), ang lahat ng iba pang altar na itinayo noon ay resulta ng apostasya. Si Solomon mismo ang unang nagkasala ng gayong pag-aapostata dahil sa impluwensiya ng kaniyang mga asawang banyaga. (1Ha 11:3-8) Sinikap ni Jeroboam, hari ng bagong-tatag na hilagang kaharian, na hadlangan ang kaniyang mga sakop sa pagpunta sa templo sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga altar sa Bethel at Dan. (1Ha 12:28-33) Nang magkagayon, isang propeta ang humula na sa paghahari ni Haring Josias ng Juda, ang mga saserdoteng nanunungkulan sa altar sa Bethel ay papatayin at mga buto ng mga taong patay ang susunugin sa altar. Nabaak ang altar bilang tanda na matutupad ang hula, at nang maglaon ay lubusang natupad iyon.​—1Ha 13:1-5; 2Ha 23:15-20; ihambing ang Am 3:14.

      Noong panahon ng pamamahala ni Haring Ahab sa Israel, dumami ang mga paganong altar. (1Ha 16:31-33) Noong panahon naman ni Haring Ahaz ng Juda, nagkaroon ng mga altar “sa bawat panulukan sa Jerusalem” at ng maraming “matataas na dako.” (2Cr 28:24, 25) Hinigitan pa ito ni Manases nang magtayo siya ng mga altar sa loob ng bahay ni Jehova at ng mga altar para sambahin ang “hukbo ng langit” sa looban mismo ng templo.​—2Ha 21:3-5.

      Bagaman sa pana-panahon ay ginigiba ng tapat na mga hari ang idolatrosong mga altar na ito (2Ha 11:18; 23:12, 20; 2Cr 14:3; 30:14; 31:1; 34:4-7), bago bumagsak ang Jerusalem ay nasabi pa rin ni Jeremias: “Ang iyong mga diyos ay naging kasindami ng iyong mga lunsod, O Juda; at naglagay kayo ng mga altar na kasindami ng mga lansangan sa Jerusalem para sa kahiya-hiyang bagay, mga altar na paghahandugan ng haing usok para kay Baal.”​—Jer 11:13.

  • Altar
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang Isinasagisag ng mga Altar. Sa Hebreo kabanata 8 at 9, malinaw na ipinakikita ng apostol na si Pablo na ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa paglilingkod sa tabernakulo at sa templo ay makasagisag. (Heb 8:5; 9:23) Nililiwanag ng impormasyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kung ano ang isinasagisag ng dalawang altar. Ang altar ng mga handog na sinusunog ay kumakatawan sa “kalooban” ng Diyos, samakatuwid nga, sa pagnanais niya na tanggapin ang sakdal na hain ng kaniyang bugtong na Anak bilang tao. (Heb 10:5-10) Idiniriin ng lokasyon nito sa harap ng pasukan ng santuwaryo na kailangang manampalataya ang isa sa haing pantubos na iyon upang tanggapin siya ng Diyos. (Ju 3:16-18) Ang mahigpit na tagubilin na iisang altar na pinaghahainan ang gagamitin ay kasuwato naman ng sinabi ni Kristo: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Kaayon din ito ng maraming teksto na nagsasabing ang pagkakaisa ay dapat makita sa pananampalatayang Kristiyano.​—Ju 14:6; Mat 7:13, 14; 1Co 1:10-13; Efe 4:3-6; pansinin din ang inihula ni Isaias sa Isa 56:7; 60:7, na ang mga tao ng lahat ng mga bansa ay paroroon sa altar ng Diyos.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share