-
Moises—Kung Paano Ka Naaapektuhan ng Kaniyang BuhayGumising!—2004 | Abril 8
-
-
Isang Propeta na Tulad ni Moises
Nabubuhay tayo sa nakapipighating panahon. Talagang nangangailangan ang sangkatauhan ng isang lider na tulad ni Moises—isa na hindi lamang nagtataglay ng kapangyarihan at awtoridad kundi mayroon ding integridad, katapangan, habag, at taos-pusong pag-ibig sa katarungan. Nang mamatay si Moises, marahil ay naisip ng mga Israelita, ‘Mayroon pa kayang makikita sa daigdig na tulad niya?’ Si Moises mismo ang sumagot sa tanong na iyan.
Ipinaliliwanag ng akda ni Moises kung paano nagsimula ang sakit at kamatayan at kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang kabalakyutan. (Genesis 3:1-19; Job, kabanata 1, 2) Sa Genesis 3:15, iniulat ang kauna-unahang hula ng Diyos—isang pangako na sa dakong huli ay dudurugin ang kasamaan! Paano? Ipinakita ng hula na isang indibiduwal ang ipanganganak na panggagalingan ng kaligtasan. Ang pangakong ito ang pinagmulan ng pag-asa na isang Mesiyas ang babangon at magliligtas sa sangkatauhan. Ngunit sino ang magiging Mesiyas? Tinutulungan tayo ni Moises na makilala siya nang may katiyakan.
Nang malapit na siyang mamatay, binigkas ni Moises ang makahulang mga pananalitang ito: “Isang propeta mula sa gitna mo, mula sa iyong mga kapatid, na tulad ko, ang ibabangon ni Jehova na iyong Diyos para sa iyo—sa kaniya kayo dapat makinig.” (Deuteronomio 18:15) Nang dakong huli, tuwirang pinatungkol ni apostol Pedro ang mga salitang iyon kay Jesus.—Gawa 3:20-26.
Lubusang pinasisinungalingan ng karamihan sa mga komentaristang Judio ang anumang paghahambing kay Moises at Jesus. Sinasabi nila na ang pananalita sa tekstong ito ay kumakapit sa sinumang tunay na propeta na naging kasunod ni Moises. Gayunman, ayon sa Tanakh—The Holy Scriptures, ng Jewish Publication Society, ganito ang sinasabi ng Deuteronomio 34:10: “Wala nang bumangon pang propeta sa Israel na tulad ni Moises—na pinili ng PANGINOON nang mukhaan.”
Oo, maraming tapat na mga propeta, gaya nina Isaias at Jeremias, ang sumunod pagkatapos ni Moises. Subalit walang sinuman ang nagkaroon ng pambihirang pakikipag-ugnayan sa Diyos na gaya ng naranasan ni Moises—pakikipag-usap sa kaniya “nang mukhaan.” Kung gayon, ang pangako ni Moises na magkakaroon ng isang propetang ‘tulad niya’ ay kumakapit sa isang indibiduwal—ang Mesiyas! Kapansin-pansin, bago dumating ang Kristiyanismo—at relihiyosong pag-uusig mula sa huwad na mga Kristiyano—ang mga iskolar na Judio ay may gayunding pangmalas. Makikita ang mga bakas nito sa mga akda ng mga Judio, gaya ng Midrash Rabbah, kung saan inilalarawan si Moises bilang ang tagapagpauna ng “huling Tagatubos,” o Mesiyas.
Hindi maikakaila ang pagkakatulad ni Jesus kay Moises sa maraming paraan. (Tingnan ang kahong “Jesus—Isang Propeta na Tulad ni Moises.”) Si Jesus ay nagtataglay ng kapangyarihan at awtoridad. (Mateo 28:19) Si Jesus ay “mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mateo 11:29) Kinapopootan ni Jesus ang katampalasanan at kawalang-katarungan. (Hebreo 1:9) Kaya nga, mailalaan niya sa atin ang pangunguna na siyang kailangang-kailangan natin! Di na magtatagal at lilipulin niya ang kabalakyutan at gagawing mala-Paraiso ang mga kalagayan sa lupa na inilalarawan sa Bibliya.b
-
-
Moises—Kung Paano Ka Naaapektuhan ng Kaniyang BuhayGumising!—2004 | Abril 8
-
-
[Kahon sa pahina 13]
Jesus—Isang Propeta na Tulad ni Moises
Narito ang ilan sa mga kalagayang nagpatunay na si Jesus ay nakakatulad ni Moises:
▲ Sina Moises at Jesus ay parehong nakaligtas sa lansakang pagpatay sa mga sanggol na lalaki gaya ng iniutos ng namamahala noong kanilang kapanahunan.—Exodo 1:22; 2:1-10; Mateo 2:13-18.
▲ Mula sa Ehipto ay tinawag si Moises kasama ang “panganay” ni Jehova, ang bansang Israel. Mula sa Ehipto ay tinawag si Jesus bilang panganay na Anak ng Diyos.—Exodo 4:22, 23; Oseas 11:1; Mateo 2:15, 19-21.
▲ Sina Moises at Jesus ay kapuwa nag-ayuno nang 40 araw sa ilang.—Exodo 34:28; Mateo 4:1, 2.
▲ Natatangi ang pagiging maamo at mapagpakumbaba nina Moises at Jesus.—Bilang 12:3; Mateo 11:28-30.
▲ Sina Moises at Jesus ay kapuwa gumawa ng mga himala.—Exodo 14:21-31; Awit 78:12-54; Mateo 11:5; Marcos 5:38-43; Lucas 7:11-15, 18-23.
▲ Sina Moises at Jesus ay kapuwa nagsilbing mga tagapamagitan sa mga tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kaniyang bayan.—Exodo 24:3-8; 1 Timoteo 2:5, 6; Hebreo 8:10-13; 12:24.
-