-
“Magpakatibay-Loob at Magpakalakas na Mabuti”Ang Bantayan—1986 | Disyembre 15
-
-
3, 4. (a) Bakit natin kailangan na pagyamanin ang kawalang-takot? (b) Paano natin magagawa ito?
3 Hindi na magtatagal ngayon, ang bayan ng Diyos ay papasok na sa bagong sistema ng mga bagay ni Jehova. Dahilan sa mga pangyayari na nagaganap ngayon sa daigdig, kailangang pagyamanin natin ang kawalang-takot. Paano natin magagawa ito? Samantalang naghahanda si Josue ng pagpasok sa Lupang Pangako, siya’y binigyan ng Diyos ng bilin na: “Lamang ay magpakatibay-loob ka at magpakalakas na mabuti na isagawa mo ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang makakilos ka nang may karunungan saan ka man pumaroon. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong may pagbubulay-bulay na babasahin araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong papagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos ka nang may karunungan.”—Josue 1:7, 8.
4 Ah, nariyan ang sekreto! Basahin ang Bibliya araw-araw. Narito ang kautusan ng Diyos para sa atin. Bulay-bulayin ito. Sundin ang mga paalaala nito. Huwag mong payagang mahila ka tungo sa materyalistiko, imoral na sanlibutan na nakapalibot sa iyo. Ano man ang iyong kalagayan, kumilos ka nang may karunungan. Ikapit sa iyong sarili ang tumpak na kaalaman at espirituwal na pagkaunawa na tinamo mo sa pamamagitan ng iyong pag-aaral ng Salita ng Diyos. Ipakipag-usap ito sa iba. Sa paggawa ng gayon at sa paglalagak ng iyong tiwala kay Jehova, tunay na ikaw ay ‘magkakaroon ng tibay ng loob at ng pambihirang lakas, at magtatagumpay ang iyong lakad.’—Ihambing ang Awit 1:1-3; 93:5; 119:165-168.
5. (a) Katulad ni Josue, paanong ang kabataang mga ministro ngayon ay makapagtatamo ng lakas? (b) Ano ang maaaring maging mainam na tunguhin ngayon ng maraming kabataang Saksi?
5 Si Josue ay naging “ang tagapangasiwa ni Moises magmula sa kaniyang kabataan” at patuloy. (Bilang 11:28) Tiyak na dahil sa kaniyang matalik na kaugnayang ito ay natulungan siya na magkamit ng espirituwal na lakas. Gayundin naman, ang mga kabataang ministro sa ngayon ay maaaring magtamo ng lakas sa pamamagitan ng paggawang kasama ng kanilang tapat na mga magulang, mga payunir, matatagal nang mga Saksi, at iba pang tapat na mga lingkod ni Jehova. Ang pagbabahay-bahay kasama ng gayong mga masisigasig na lingkod ay isang kagalakan at makatutulong upang ang ating mga kabataan ay sumulong sa pagkamaygulang at magnasang sumulong sa ministeryo. (Gawa 20:20, 21; Isaias 40:28-31) Ano pang mas mainam na tunguhin ang maaaring marating ng mga kabataang Saksi kaysa buong panahong paglilingkod sa kapakanan ng Kaharian ni Jehova!—Awit 35:18; 145:10-12.
-
-
“Magpakatibay-Loob at Magpakalakas na Mabuti”Ang Bantayan—1986 | Disyembre 15
-
-
6. Paanong si Josue ay isang halimbawa sa atin kung tungkol sa kampanya laban kay Amalek?
6 Nang suguin ni Moises si Josue upang makipagbaka sa mga Amalekita, “ginawa ni Josue ang kagayang-kagaya ng sinabi sa kaniya ni Moises.” Siya’y naging masunurin; kaya, nakamit niya ang tagumpay. Tayo man naman ay maaaring magkaroon ng bahagi sa pagbabangong-puri kay Jehova kung tayo’y maingat na makikinig sa mga instruksiyon sa pakikipagbaka na tinatanggap natin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Sinabi ni Jehova kay Moises na isaalaala ang Kaniyang tagumpay kay Amalek sa pamamagitan ng pagsulat niyaon sa isang aklat at pagbibigay-alam niyaon sa pandinig ni Josue. Tiyak na pinadakila pa ni Josue ang tagumpay ni Jehova sa pamamagitan ng pagbabalita niyaon sa iba. Sa ganiyan ding paraan, tayo sa ngayon ay makapagtatanyag sa makapangyarihang mga gawa ng Soberanong Panginoong Jehova, at ating maibabalita ang kaniyang napipintong “araw ng paghihiganti sa mga balakyot.”—Exodo 17:10, 13, 14; Isaias 61:1, 2; Awit 145:1-4.
7, 8. (a) Anong pagtitiwala ang ipinahayag ni Josue at ni Caleb pagkagaling nila sa Canaan? (b) Anong babala at pampatibay-loob ang makikita natin sa pakikitungo ni Jehova sa mga bagay-bagay noong panahong iyon?
7 Nang suguin ni Moises ang 12 pangulo ng tribo upang magsilbing espiya o tiktik sa Lupang Pangako, kaniyang isinali roon si Josue. Sa pagbabalik, sampu sa mga tiktik ang nagpakita ng malaking takot sa mga Canaaneo sa lupain at kanilang hinikayat ang mga tao na kumampanya para sa pagbabalik sa Ehipto. Subalit si Josue at si Caleb ay buong tapang na nagsabi: “Kung kalulugdan tayo ni Jehova, kung gayo’y dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon at ibibigay niya iyon sa atin, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot. Huwag lamang kayong maghihimagsik laban kay Jehova; at kayo, huwag kayong matatakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila’y tinapay sa atin. Ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at si Jehova ay sumasaatin. Huwag kayong matakot sa kanila.”—Bilang 13:1–14:38.
8 Gayunpaman, patuloy ang bulung-bulungan ng kapisanan ng Israel, kaya’t si Jehova ay nakialam na at kaniyang hinatulan ang matatakuting mga Israelitang iyon na gumala sa ilang nang may 40 taon. Maliban kay Caleb at kay Josue, lahat ng mga lalaking mangdirigma ay nangamatay nang hindi nakarating sa Lupang Pangako. Isang babala nga para sa atin ngayon! Kailanman ay huwag tayong magbulung-bulungan sa pagrereklamo laban sa mga kaayusan ni Jehova. Kahit na kung tayo’y mapaharap sa mga teritoryong mahirap na gawin sa pangangaral, tayo’y magpakatibay-loob at magpakalakas sa pagparoon sa mga tahanan ng mga tao taglay ang nagliligtas-buhay na mensahe ng Kaharian. Huwag sana tayong maging kagaya ng mga apostata sa ngayon na, imbes na magbigay ng isang pangmadlang patotoo, ay naninira sa kanilang mga kapatid at bumabalik sa mga lakad ng sanlibutan—ang antitipikong Ehipto.—Bilang 14:1-4, 26-30; Lucas 12:45, 46; ihambing ang Gawa 5:27-29, 41, 42.
-
-
“Magpakatibay-Loob at Magpakalakas na Mabuti”Ang Bantayan—1986 | Disyembre 15
-
-
Itanyag ang Pangalan ni Jehova!
9. Paano namuhay si Josue ayon sa kaniyang bagong pangalan?
9 Sa talaan ng Bibliya ng 12 espiya si Josue ay pinanganlang Oseas, na ang ibig sabihin ay “Kaligtasan.” Subalit sa puntong ito ang rekord ay nagsasabi: “Si Oseas na anak ni Nun ay patuloy na tinawag ni Moises na Josue [ibig sabihin, ‘si Jehova Ay Kaligtasan’].” Bakit nga idiniin ni Moises ang pangalan ni Jehova? Ang dahilan ay sapagkat si Josue’y nagsilbi unang-una ukol sa pagbabangong-puri sa pangalan niya. Si Josue ay naging isang buháy na halimbawa ng pagsunod sa utos na noong bandang huli ay idiniin ni Moises sa Israel: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo.” Sa paggawa ng gayon, siya’y nagkapribilehiyo na ipakilala na ‘si Jehova’y kaligtasan.’—Bilang 13:8, 16; Deuteronomio 6:5.
-