Maaari Kang Magkaroon ng “Puso ng Leon”
KUNG minsan ay ginagamit sa Bibliya ang leon bilang sagisag ng katapangan at pagtitiwala. Inilalarawan ang magigiting o matatapang na lalaki na nagtataglay ng “puso ng leon,” at ang matuwid ay sinasabing “katulad ng isang batang leon na may pagtitiwala.” (2 Samuel 17:10; Kawikaan 28:1) Lalo na kapag hinamon, ipinakikita ng leon na siya ay karapat-dapat sa kaniyang reputasyon bilang “ang pinakamakapangyarihan sa mababangis na hayop.”—Kawikaan 30:30.
Sa kawalang-takot ng leon itinutulad ng Diyos na Jehova ang kaniyang determinasyong ipagsanggalang ang kaniyang bayan. Ganito ang sinasabi ng Isaias 31:4, 5: “Kung paanong umuungal ang leon, maging ang may kilíng na batang leon, sa ibabaw ng biktima nito, kapag tinawag laban dito ang isang kumpletong bilang ng mga pastol, at sa kabila ng kanilang tinig ay hindi siya matatakot at sa kabila ng kanilang ingay ay hindi siya susuko; sa gayunding paraan bababa si Jehova ng mga hukbo upang makipagdigma sa Bundok ng Sion . . . Palibhasa’y ipinagtatanggol siya, siya ay tiyak ding iaadya niya. Palibhasa’y inililigtas siya, pangyayarihin din niyang makatakas siya.” Sa gayon ay tinitiyak ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ang kaniyang matinding pagmamalasakit, lalo na sa harap ng kagipitan.
Inihahambing ng Bibliya ang pinakadakilang kaaway ng sangkatauhan, si Satanas na Diyablo, sa isang umuungal, dayukdok na leon. Upang maiwasan na maging kaniyang biktima, sinabi ng Kasulatan sa atin: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay.” (1 Pedro 5:8) Ang isang paraan upang magawa ito ay ang pag-iwas sa nakamamatay na espirituwal na pagkaantok. Hinggil dito ay sinabi ni Jesus: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay.” (Lucas 21:34-36) Oo, ang pagiging gising sa espirituwal sa “mga huling araw” na ito ay makapagbibigay sa atin ng “puso ng leon,” isa na ‘matatag, nagtitiwala kay Jehova.’—2 Timoteo 3:1; Awit 112:7, 8.