Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Tumanggap Siya ng Kaaliwan Mula sa Kaniyang Diyos
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
    • 20, 21. (a) Ilarawan ang nasaksihan ni Elias sa bukana ng yungib sa Bundok Horeb. (b) Ano ang natutuhan ni Elias sa nasaksihan niyang pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova?

      20 Paano tinulungan ni Jehova si Elias? Sinabi ng anghel kay Elias na tumayo siya sa bukana ng yungib. Sumunod siya kahit hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Biglang humangin nang napakalakas! Malamang na may kasabay pa itong nakabibinging hugong dahil nahati ang mga bundok at malalaking bato sa sobrang lakas ng hangin. Gunigunihin si Elias habang tinatakpan ang kaniyang mga mata at hawak nang mahigpit ang kaniyang makapal na kasuutang yari sa balahibo na hinahampas ng hangin. Pagkatapos, sinikap niyang huwag mabuwal dahil nayanig ang lupa​—lumindol nang malakas sa lugar na iyon! Sinundan pa ito ng isang malaking apoy na dumaan sa harap ng yungib anupat napilitan siyang pumasok para hindi siya mapasò ng napakatinding init.​—1 Hari 19:11, 12.

      Nakatayo si Elias sa bukana ng yungib at pinoprotektahan ang sarili mula sa apoy

      Ginamit ni Jehova ang kaniyang kamangha-manghang puwersa para aliwin at patibayin si Elias

      21 Sa bawat pangyayari, ipinaaalaala sa atin ng ulat na si Jehova ay wala sa mga kamangha-manghang puwersang ito ng kalikasan. Alam ni Elias na si Jehova ay hindi isang kathang-isip na diyos ng kalikasan gaya ni Baal, na sinasamba bilang ang “nakasakay sa mga ulap,” o tagapagbigay ng ulan. Si Jehova ang tunay na Pinagmumulan ng lahat ng kamangha-manghang puwersa sa kalikasan, pero di-hamak na mas makapangyarihan siya kaysa sa lahat ng kaniyang ginawa. Kahit nga sa langit ay hindi siya magkasya! (1 Hari 8:27) Paano nakatulong kay Elias ang lahat ng ito? Tandaan na natatakot siya. Kung ang kakampi niya ay isang Diyos na tulad ni Jehova, ang Diyos na may gayon kalakas na kapangyarihan, wala siyang dapat ikatakot kina Ahab at Jezebel!​—Basahin ang Awit 118:6.

      22. (a) Paano tiniyak kay Elias ng “kalmado at mahinang tinig” na napakahalaga niya? (b) Sino ang maaaring pinagmulan ng “kalmado at mahinang tinig”? (Tingnan ang talababa.)

      22 Nang maglaho ang apoy, naghari ang katahimikan at nakarinig si Elias ng “isang kalmado at mahinang tinig.” Hinimok nito si Elias na muling ibuhos ang kaniyang niloloob, kaya sinabi niya sa ikalawang pagkakataon ang kaniyang mga ikinababahala.a Malamang na lalong gumaan ang kaniyang pakiramdam. Pero tiyak na lalo pang naaliw si Elias sa sumunod na sinabi ng “kalmado at mahinang tinig.” Tiniyak ni Jehova kay Elias na napakahalaga niya. Paano? Sinabi ng Diyos kay Elias ang iba pang nilalayon niyang gawin para alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. Maliwanag na hindi nawalan ng saysay ang ginawa ni Elias dahil tiyak na matutupad ang layunin ni Jehova. Bukod diyan, bahagi pa rin si Elias ng layuning iyon dahil muli siyang binigyan ni Jehova ng atas at ilang espesipikong tagubilin.​—1 Hari 19:12-17.

  • Tumanggap Siya ng Kaaliwan Mula sa Kaniyang Diyos
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
    • a Ang “kalmado at mahinang tinig” ay maaaring nagmula sa mismong espiritu na ginamit para ihatid ang “salita ni Jehova” na binanggit sa 1 Hari 19:9. Sa talata 15, ang espiritung ito ay tinukoy na “Jehova.” Maaalaala natin dito ang anghel na ginamit ni Jehova para patnubayan ang Israel sa ilang. Sinabi ng Diyos tungkol sa anghel na iyon: “Ang aking pangalan ay nasa kaniya.” (Ex. 23:21) Bagaman hindi natin ito tinitiyak, kapansin-pansin na bago naging tao si Jesus sa lupa, naglingkod siya bilang “ang Salita,” ang espesyal na Tagapagsalita sa mga lingkod ni Jehova.​—Juan 1:1.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share