Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Rabsaris
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • RABSARIS

      [Punong Opisyal ng Korte].

      Ang titulo ng punong opisyal ng korte sa mga pamahalaan ng Asirya at Babilonya. Ang Rabsaris ay isang miyembro ng komite na binubuo ng tatlong matataas na dignitaryo ng Asirya na isinugo ng hari ng Asirya upang hingin ang pagsuko ng Jerusalem noong panahon ni Haring Hezekias.​—2Ha 18:17.

      Nang bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang Rabsaris ay isa sa mga opisyal na Babilonyo na kumontrol sa lunsod para kay Nabucodonosor, at binabanggit na si Nebusazban ang Rabsaris noong tagubilinan si Jeremias na tumahang kasama ni Gedalias. (Jer 39:3, 13, 14; 40:1-5) May nahukay na mga inskripsiyon na nagtataglay ng titulong ito.​—Bulletin of the Israel Exploration Society, Jerusalem, 1967, Tomo XXXI, p. 77; Le palais royal d’Ugarit, III, Paris, 1955, Blg. 16:162, p. 126.

  • Rabsases
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • RABSASES

      [mula sa wikang Akkadiano, malamang na nangangahulugang “Punong Katiwala ng Kopa”].

      Ang titulo ng isang pangunahing opisyal na Asiryano. (2Ha 18:17) Ganito ang sabi ng inskripsiyon sa isang gusali ng Asiryanong hari na si Tiglat-Pileser III: “Nagsugo ako ng isang opisyal ko, ang rabsaq, sa Tiro.” Gayundin, sa isang tapyas sa British Museum, isang inskripsiyon ni Haring Ashurbanipal ang nagsasabi: “Ipinag-utos ko na idagdag sa aking naunang mga puwersa (sa Ehipto para sa pakikipagbaka) ang rabsaq na opisyal.”​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 282, 296.

      Samantalang kinukubkob ni Senakerib, na hari ng Asirya, ang tanggulan ng Lakis sa Juda, nagsugo siya ng isang makapal na hukbong militar sa Jerusalem sa ilalim ng Tartan, ang punong kumandante, kasama ng dalawa pang matataas na opisyal, ang Rabsaris at ang Rabsases. (2Ha 18:17; makikita rin sa Isa kab 36, 37 ang buong ulat.) Sa tatlong matataas na Asiryanong opisyal na ito, ang Rabsases ang naging punong tagapagsalita upang pilitin si Haring Hezekias na makipagkasundong sumuko. (2Ha 18:19-25) Tumayo ang tatlong ito sa may padaluyan ng mataas na tipunang-tubig. Ang Rabsases na ito, na hindi binanggit ang pangalan, ay matatas magsalita ng Hebreo at ng Siryano. Sumigaw siya sa wikang Hebreo kay Haring Hezekias, ngunit tatlo sa mga opisyal ni Hezekias ang lumabas upang salubungin siya. Hiniling ng mga opisyal ni Haring Hezekias sa Rabsases na magsalita siya sa kanila sa wikang Siryano sa halip na sa wika ng mga Judio sapagkat nakikinig ang karaniwang mga tao na nasa pader. (2Ha 18:26, 27) Ngunit bilang propagandista, angkop na angkop sa layunin ng Rabsases ang situwasyong ito. Nais niyang marinig ng mga tao ang sinasabi niya upang manghina ang loob nila. Sa pamamagitan ng mga salitang nananakot, ng mga bulaang pangako at mga kasinungalingan, ng pandurusta, at ng panunuya kay Jehova, lalo pang nilakasan ng Rabsases ang pagsasalita niya sa wikang Hebreo, anupat kinukumbinsi ang mga tao na magtaksil kay Haring Hezekias sa pamamagitan ng pagsuko sa hukbong Asiryano. (2Ha 18:28-35) Gayunpaman, nanatiling matapat kay Hezekias ang taong-bayan ng Jerusalem.​—2Ha 18:36.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share