OPEL
[Gulod [samakatuwid nga, umbok, pamimintog, usli, kataasan]].
Ang terminong Hebreo na ʽOʹphel ay ginamit sa dalawang paraan. Karaniwan na, ito’y ginagamit may kaugnayan sa topograpiya at tumutukoy sa isang prominenteng burol o lungos. Ang isang anyo ng terminong ito ay ginagamit din para sa pamimintog o pag-umbok ng mga ugat sa katawan na kilala bilang almoranas.—Deu 28:27; 1Sa 5:6, 9, 12; 6:4, 5.
Isang burol o mataas na lugar sa Jerusalem o malapit dito ang tinawag na ha·ʽOʹphel, o Opel. Batay sa mga pahiwatig sa Kasulatan at mga komento ni Josephus, ipinapalagay na ang Opel ay nasa TS sulok ng Moria. (2Cr 27:3; 33:14; Ne 3:26, 27; 11:21) Noong unang siglo C.E., ayon kay Josephus, ang Opel ay nasa isang lugar kung saan ang silanganing pader ay “karugtong ng silanganing portiko ng templo.” (The Jewish War, V, 145 [iv, 2]) Maliwanag na ang Opel ay ang nakaumbok na lupain na bumabagtas pasilangan mula sa TS sulok ng burol ng templo ng Jerusalem.
Dahil sa pader at mataas na lokasyon nito sa Libis ng Kidron, nagkaroon ng malakas na depensa ang Opel. Gayunman, inihula ni Isaias na ang “Opel,” lumilitaw na yaong nasa Jerusalem, ay magiging isang “hantad na parang.”—Isa 32:14; ihambing ang pagtukoy sa tore at “gulod” (ʽOʹphel) sa Mik 4:8.
Naniniwala ang mga iskolar na ang terminong ʽOʹphel sa 2 Hari 5:24 ay tumutukoy sa isang prominenteng burol o nakukutaang lugar sa kapaligiran ng Samaria kung saan kinuha ng tagapaglingkod ni Eliseo na si Gehazi ang mga kayamanang tinanggap niya mula kay Naaman. Ipinahihiwatig nito na ang salitang ito’y ginamit para sa iba pang mga gulod at hindi lamang sa gulod na nasa Jerusalem.