Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Sihor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • SIHOR

      [mula sa Ehipsiyo, nangangahulugang “Maliit na Lawa ni Horus”].

      Maliwanag na ang pinakasilangang sanga ng Ilog Nilo sa rehiyon ng Delta. Sa apat na paglitaw nito sa tekstong Hebreo, ang Sihor ay laging iniuugnay sa Ehipto. (Jos 13:3, “sanga ng Nilo”; 1Cr 13:5, “ilog”; Isa 23:3; Jer 2:18) Samantalang itinuturing ito ng ilang komentarista na katumbas ng “agusang libis ng Ehipto” (Bil 34:5), na kadalasang iniuugnay sa Wadi el-ʽArish, TK ng Gaza, lumilitaw na mas iniuugnay ito ng Jeremias 2:18 at Isaias 23:3 sa Ehipto at sa Nilo kaysa sa nabanggit na agusang libis, o wadi. Ang teksto sa Isaias na tumutukoy sa “binhi ng Sihor” ay waring partikular na kumakapit sa isang batis na tuluy-tuloy ang agos (na·harʹ) sa halip na sa isa na umaagos nang pana-panahon lamang (naʹchal). Dahil dito ang Sihor, kahit man lamang sa dalawang tekstong ito, ay mas madalas na iniuugnay sa pinakasilangang sanga ng Nilo (matapos itong mahati-hati tungo sa ilang sanga pagdating sa rehiyon ng Delta). Ang lokasyong ito ang maaaring dahilan kung bakit tinutukoy ito bilang “nasa tapat ng [samakatuwid nga, nasa S ng o sa gawing S ng] Ehipto,” gaya ng nasa Josue 13:3.

  • Sihor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sa katulad na paraan, mapapansin ang isang pagkakatulad sa pagitan ng pagtukoy sa pagtitipon ni David sa bayan ng Israel mula sa Sihor (“sa ilog ng Ehipto,” NW) hanggang sa Hamat (nang sinisikap niyang iahon ang kaban ng tipan sa Jerusalem) at ng pagtitipon ng bayan noong mga araw ni Solomon mula sa “pagpasok sa Hamat hanggang sa agusang libis ng Ehipto.” (1Cr 13:5; 1Ha 8:65) Maaaring ang paliwanag dito ay na sa huling nabanggit na kalagayan (panahon ni Solomon), inilalahad ng ulat ang aktuwal na mga hangganan ng mga tirahan ng mga Israelita. Ang pook sa pagitan ng Wadi el-ʽArish at ng silangang sanga ng Nilo ay pangunahin nang disyertong teritoryo at lupain ng mabababang pananim, kaya ang wadi na ito, o agusang libis, ay wastong palatandaan ng hangganan ng teritoryong angkop panahanan ng mga Israelita, samantalang sa unang nabanggit na kalagayan (kay David), maaaring ang inilalarawan ay ang buong pook na pinamumuhayan ng mga Israelita, ang pook na aktuwal na pinamumunuan ni David, na talagang umabot sa hanggahan ng Ehipto.

      Bago pa man si David, tinugis na ni Haring Saul ang mga Amalekita hanggang sa Sur, “na nasa tapat ng Ehipto” (1Sa 15:7), at ang lupaing nasasakupan na tinanggap ni Solomon sa pamamagitan ni David ay sinasabing umabot sa “hangganan ng Ehipto.” (1Ha 4:21) Kaya, bagaman ang teritoryong aktuwal na ipinamahagi sa mga tribo ng mga Israelita ay hindi umabot hanggang sa ibayo pa ng “agusang libis ng Ehipto,” waring hindi ito salungat sa pag-uugnay ng Sihor sa isang “sanga ng Nilo” sa Josue 13:3 at sa “ilog ng Ehipto” sa 1 Cronica 13:5.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share