-
PurKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
PUR
Isang salitang di-Hebreo na masusumpungan sa Esther 3:7 at 9:24, 26; ito ay nangangahulugang “palabunot” (sa Heb., goh·ralʹ; tingnan ang PALABUNOT, PALABUNUTAN). Ang salitang ito ay nasa anyong pang-isahan, samantalang ang anyong pangmaramihan nito ay “Purim.” (Es 9:26, 28-32) Iniuugnay ang “Pur” sa salitang Akkadiano na puru, na nangangahulugang “palabunot.” Sa “Pur” nagmula ang pangalan ng Judiong kapistahan ng Purim.—Tingnan ang PURIM.
-
-
PurimKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Paggunita sa Pagkaligtas. Ginugunita sa kapistahang ito ang pagkaligtas ng mga Judio mula sa pakana ni Haman na lipulin sila. Kaya malamang na ang pangalang Purim ay ibinigay rito ng mga Judio upang ipahiwatig na kabaligtaran ng inaasahan ang nangyari noon. (Es 9:24-26) Sa Apokripal na aklat ng Macabeo, ito ay tinatawag ding “araw ni Mardokeo,” yamang mahalagang papel ang ginampanan ni Mardokeo sa mga pangyayaring nauugnay sa kapistahang iyon. (2 Macabeo 15:36, BSP) Isinapanganib ni Reyna Esther ang kaniyang buhay, sa paghimok ng kaniyang nakatatandang pinsan na si Mardokeo, upang mailigtas ang mga Judio. Tatlong araw na nag-ayuno si Esther bago siya humarap sa hari upang maanyayahan niya ito sa isang piging, at pagkatapos ay sa isa pang piging kung kailan ipinahayag niya ang kaniyang pakiusap. (Es 4:6–5:8) Malugod na dininig ng hari ang pakiusap, at yamang hindi na mababago ang orihinal na utos dahil hindi napawawalang-bisa ang batas ng mga Medo at mga Persiano (Dan 6:8), isa pang utos ang ipinalabas noong ika-23 araw ng Sivan. Ang dokumentong ito ay nagkaloob sa mga Judio ng karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili at dahil dito ay napaghandaan nila iyon. Isinulat ito ni Mardokeo at isinalin ito sa maraming wika para sa iba’t ibang distrito ng Imperyo ng Persia. Sa tulong ng mga prinsipe, mga satrapa, at mga gobernador, nakipaglaban ang mga Judio anupat nabaligtad ang takbo ng mga pangyayari. Noong Adar 13, naganap ang isang lansakang pagpatay, hindi sa mga Judio, kundi sa kanilang mga kaaway. Nagpatuloy ito sa maharlikang lunsod ng Susan hanggang noong ika-14 na araw. Noong ika-14 na araw ng Adar ay nagpahinga ang mga Judio na nasa mga nasasakupang distrito, at yaong mga nasa Susan naman noong ika-15 araw, na may kasamang pagpipiging at kasayahan.—Es 8:3–9:19.
-