-
BehemotKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
BEHEMOT
Iba-iba ang pangmalas hinggil sa katawagang “Behemot” na lumilitaw sa Job 40:15. Sinasabing ito ay (1) isang paghalaw sa salitang Ehipsiyo para sa “water ox,” (2) isang salita na posibleng nagmula sa wikang Asiryano na nangangahulugang “halimaw,” at (3) isang pinatinding anyong pangmaramihan ng salitang Hebreo na behe·mahʹ (hayop; alagang hayop) na ipinapalagay na nangangahulugang “dambuhalang hayop” o “napakalaking hayop.” Sa Griegong Septuagint, the·riʹa (mababangis na hayop) ang salitang ginamit bilang salin ng Hebreong behe·mohthʹ. Gayunpaman, maliwanag na iisang hayop ang tinutukoy rito, yamang ang paglalarawan ng Kasulatan sa Behemot ay hindi nagpapahiwatig ng maraming hayop kundi ng iisa lamang, na karaniwang ipinapalagay bilang ang hipopotamus (Hippopotamus amphibius). Sa katunayan, maraming salin ng Bibliya (AT, La, Ro, Rbi8, JB, RS) ang gumamit ng salitang “hipopotamus” sa mismong teksto o sa mga talababa upang ipakilala ang nilalang na tinutukoy ng Diyos.
-
-
BehemotKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang ika-40 kabanata ng aklat ng Job ay nagbibigay ng malinaw na paglalarawan sa napakalaking mamalyang ito na Behemot. Binabanggit doon na halaman ang kinakain nito. (Tal 15) Ang pambihirang lakas at enerhiya nito ay nagmumula sa mga balakang at sa mga gatil ng kaniyang tiyan, samakatuwid nga, sa mga kalamnan ng likod nito at ng tiyan nito. (Tal 16) Ang buntot ng Behemot ay itinulad sa sedro. Ngunit yamang ang buntot ng hipopotamus ay may kaiklian, na nasa mga 46 hanggang 51 sentimetro (18 hanggang 20 pulgada), malamang na nangangahulugan lamang iyon na kayang patayuin o ipaling-paling ng hayop ang makapal na buntot nito na gaya ng isang punungkahoy. “Ang mga litid ng mga hita niya ay magkakasanib,” anupat ang mga litid at mga gatil ng mga kalamnan ng hita nito ay nakapilipit at nakatirintas na tulad ng matitibay na kable. (Tal 17) Ang mga buto ng mga binti nito ay malalakas gaya ng “mga tubong tanso,” anupat kaya nitong buhatin ang napakabigat na katawan nito. Ang mga buto at mga tadyang ay tulad ng mga tungkod na hinubog na bakal. (Tal 18) Ang pagkonsumo ng Behemot ng napakaraming pagkain ay ipinahihiwatig (tal 20), at binabanggit din ang pagpapahingalay nito sa ilalim ng matitinik na punong lotus o pagkukubli nito sa latiang dako, sa lilim ng mga alamo. (Tal 21, 22) Umapaw man ang ilog sa mga pampang nito, ang nilalang na ito ay hindi natatakot, sapagkat mapananatili nito sa ibabaw ng tubig ang kaniyang ulo at makalalangoy ito nang pasalunga sa agos ng delubyo. (Tal 23) Tinanong ni Jehova si Job: ‘Yamang ang Behemot ay napakalakas at lubusang nasasakbatan, mangangahas ba ang isang tao na sagupain ito at tangkaing tuhugin ng pangawit ang ilong nito?’—Tal 24.
-