-
Ginantimpalaan ang Katapatan ni JobAng Bantayan—1998 | Mayo 1
-
-
Una, itinuwid ni Jehova sina Elifaz, Bildad, at Zofar. Sa pakikipag-usap kay Elifaz, lumilitaw na ang pinakamatanda, sinabi niya: “Ang aking galit ay nag-init laban sa iyo at sa iyong dalawang kasama, sapagkat kayo ay hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin di-tulad ng aking lingkod na si Job. At ngayon ay kumuha kayo para sa inyong sarili ng pitong toro at pitong lalaking tupa at pumunta kayo sa aking lingkod na si Job, at kayo ay kailangang maghandog ng isang haing sinusunog alang-alang sa inyo; at si Job na aking lingkod ay siya mismong mananalangin para sa inyo.” (Job 42:7, 8) Isipin na lamang kung ano ang ibig sabihin nito!
Hiniling ni Jehova ang isang malaking hain mula kina Elifaz, Bildad, at Zofar, marahil upang ikintal sa kanila ang bigat ng kanilang kasalanan. Ang totoo, sinadya man nila o hindi, namusong sila sa Diyos sa pagsasabi na siya ay ‘walang pananampalataya sa kaniyang mga lingkod’ at na hindi naman talaga mahalaga sa kaniya kung si Job ay tapat o hindi. Sinabi pa man din ni Elifaz na sa paningin ng Diyos si Job ay kasinghalaga lamang ng gamugamo! (Job 4:18, 19; 22:2, 3) Hindi nga nakapagtataka na sabihin ni Jehova: “Kayo ay hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin”!
Subalit hindi lamang iyon. Nagkasala rin nang personal kay Job sina Elifaz, Bildad, at Zofar sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniya na ang kaniyang mga problema ay kagagawan niya. Ang kanilang walang-batayang mga akusasyon at malaking kawalan ng empatiya ang nagpangyaring mahapis at manlumo si Job, anupat nagtulak sa kaniya na humiyaw: “Hanggang kailan ninyo patuloy na pahihirapan ang aking kaluluwa at patuloy na babagabagin ako ng mga salita?” (Job 10:1; 19:2) Gunigunihin ang kahihiyan sa mukha ng tatlong lalaking ito yamang kailangan nila ngayong ibigay kay Job ang isang handog ukol sa kanilang mga kasalanan!
Ngunit si Job ay hindi dapat matuwa sa kanilang pagkapahiya. Sa katunayan, hiniling ni Jehova na ipanalangin niya ang kaniyang mga tagapag-akusa. Ginawa ni Job ang iniutos sa kaniya, at dahil dito ay pinagpala siya. Una, pinagaling ni Jehova ang kaniyang nakaririmarim na sakit. Pagkatapos, dumating ang mga kapatid at mga dating kasamahan ni Job upang aliwin siya, “at pinasimulan ng bawat isa na magbigay sa kaniya ng isang putol na salapi at ang bawat isa ng isang singsing na ginto.”a Bukod dito, si Job ay “nagkaroon ng labing-apat na libong tupa at anim na libong kamelyo at isang libong pares ng baka at isang libong asnong babae.”b At ang asawa ni Job ay maliwanag na nakipagkasundo sa kaniya. Nang maglaon, si Job ay pinagpala ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, at nakita pa niya ang apat na salinlahi ng kaniyang mga supling.—Job 42:10-17.
-
-
Ginantimpalaan ang Katapatan ni JobAng Bantayan—1998 | Mayo 1
-
-
Bago naibalik ang mabuting kalusugan ni Job, hiniling ni Jehova na ipanalangin niya yaong mga nagkasala sa kaniya. Anong inam na halimbawa para sa atin! Hinihiling ni Jehova na ating patawarin yaong mga nagkasala sa atin bago mapatatawad ang ating sariling mga kasalanan. (Mateo 6:12; Efeso 4:32) Kung hindi tayo handang magpatawad sa iba kapag may mabuting dahilan upang gawin ito, makatuwiran kaya nating maaasahan na magiging maawain si Jehova sa atin?—Mateo 18:21-35.
-