Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Si Jehova—Ang Pinakamahusay Magpatawad
    Ang Bantayan (Pag-aaral)—2022 | Hunyo
    • Si Jehova—Ang Pinakamahusay Magpatawad

      “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; sagana ang iyong tapat na pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa iyo.”​—AWIT 86:5.

  • Si Jehova—Ang Pinakamahusay Magpatawad
    Ang Bantayan (Pag-aaral)—2022 | Hunyo
    • HANDANG MAGPATAWAD SI JEHOVA

      4. Bakit tayo makakatiyak na handang magpatawad si Jehova?

      4 Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na si Jehova ay handang magpatawad. Nang ipakilala ni Jehova ang sarili niya kay Moises sa Bundok Sinai, nagpadala Siya ng isang anghel para sabihin: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo, nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan.” (Ex. 34:6, 7) Mabait at maawaing Diyos si Jehova at handa siyang magpatawad sa mga nagsisising nagkasala.​—Neh. 9:17; Awit 86:15.

      Ang mga salitang “Alam na alam niya ang pagkakagawa sa atin,” mula sa Awit 103:13, 14, ay makikita sa tabi ng isang sister. Makikita rin ang mga litrato niya noong bata pa siya hanggang paglaki niya.

      Alam na alam ni Jehova ang nangyayari sa atin na humuhubog sa pagkatao natin (Tingnan ang parapo 5)

      5. Dahil kilalang-kilala ni Jehova ang mga tao, ano ang ginagawa niya ayon sa Awit 103:13, 14?

      5 Alam ni Jehova ang lahat tungkol sa atin dahil nilalang niya tayo. Alam pa nga niya ang lahat ng detalye tungkol sa bawat tao sa lupang ito. (Awit 139:15-17) Kaya nakikita niya ang lahat ng di-kasakdalan na minana natin sa mga magulang natin. Bukod diyan, alam din niya ang lahat ng naranasan natin sa buhay na humubog sa ating pagkatao. Dahil kilalang-kilala ni Jehova ang mga tao, ano ang ginagawa niya? Nagpapakita siya ng awa sa atin.​—Awit 78:39; basahin ang Awit 103:13, 14.

      6. Paano pinatunayan ni Jehova na gustong-gusto niya tayong patawarin?

      6 Pinatunayan ni Jehova na gustong-gusto niya tayong patawarin. Alam niya na dahil sa unang taong si Adan, lahat tayo ay naging makasalanan at namamatay. (Roma 5:12) Wala tayong magagawa para palayain ang sarili natin o ang ibang tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Awit 49:7-9) Pero nagpakita ng awa ang ating mapagmahal na Diyos at gumawa siya ng paraan para mapalaya tayo. Ano ang ginawa niya? Ayon sa Juan 3:16, ibinigay ni Jehova ang kaisa-isa niyang Anak para mamatay alang-alang sa atin. (Mat. 20:28; Roma 5:19) Nagdusa at namatay si Jesus para mapalaya ang mga mananampalataya sa kaniya. (Heb. 2:9) Tiyak na napakasakit para kay Jehova na makita ang kaniyang pinakamamahal na Anak na dumanas ng napakahirap at kahiya-hiyang kamatayan! Siguradong hindi hahayaan ni Jehova na mamatay ang Anak niya kung hindi niya tayo gustong patawarin.

      7. Sa Bibliya, sino ang ilan sa mga taong lubusang pinatawad ni Jehova?

      7 Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga tao na lubusang pinatawad ni Jehova. (Efe. 4:32) Sino ang naiisip mo? Pumasok siguro sa isip mo si Haring Manases. Grabe ang naging kasalanan kay Jehova ng napakasamang taong ito. Sumamba siya sa huwad na mga diyos at inimpluwensiyahan pa nga ang iba na gawin din iyon. Inihandog niya ang sarili niyang mga anak bilang hain sa huwad na mga diyos. At mas masama pa, naglagay siya ng diyos-diyusan sa banal na templo ni Jehova. Ganito ang sinabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Napakarami niyang ginawang masama sa paningin ni Jehova para galitin siya.” (2 Cro. 33:2-7) Pero nang taos-pusong magsisi si Manases, lubusan siyang pinatawad ni Jehova. Ibinalik pa nga siya ng Diyos sa kaniyang posisyon bilang hari. (2 Cro. 33:12, 13) Siguro naisip mo rin si Haring David. Nagkasala siya nang malubha kay Jehova kasi nangalunya siya at pumatay. Pero nang talagang magsisi si David at inamin ang pagkakamali niya, pinatawad din siya ni Jehova. (2 Sam. 12:9, 10, 13, 14) Kaya talagang gustong-gusto ni Jehova na magpatawad. At gaya ng makikita natin, naiiba ang pagpapatawad ni Jehova sa pagpapatawad ng mga tao.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share