“Isang Tapat na Saksi sa Langit”
MALAON na bago nabuhay sa lupa ang unang tao, ang buwan ay sumikat na nang buong ningning sa langit sa gabi. Noong una marami ang sumasamba rito na gaya ng isang diyosa. Ipinakilala ng Griegong si Plutarch na ito ang huling-huling pinatutunguhan ng malilinis na kaluluwa pagkamatay. Sa mitolohiyang Baltic ang buwan ay isang lalaki, asawa ng araw. Sila ay nagkaroon ng pagtatalo, at hiniwalayan ng buwan ang kaniyang asawang babae, anupat bihirang makikitang kasama niya sa kalangitan!
Sa ngayon, ang kabataan—at ang hindi lubhang kabataan—na mga magsing-ibig ay tumitingala sa buwan at nag-iisip hinggil sa pagroromansa. Noong dekada ng 1960 ang mga siyentipiko ay gumugol ng malaking salapi upang magpadala ng mga tao sa buwan at mag-uwi ng ilang libra ng mga bato para sa pananaliksik. Isang bagay tungkol sa buwan ang tiyak. Sa araw-araw, sa takdang oras, ito ay sisikat at lulubog. Ito ay hindi pumapalya sa kaniyang takdang oras ng pag-ikot kung kaya matatantiya natin ang pagbabago at mga eklipse nito libu-libong taon sa lumipas.
Pagka ang mga Israelita ay tumitingala sa buwan, kanilang nagugunita ang isang bagay na kamangha-mangha. Nangako ang Diyos na ang maharlikang dinastiya ni Haring David ay hindi lilipas. Kaniyang sinabi: “Gaya ng buwan ito [ang binhi ni David] ay matatatag magpakailanman, at gaya ng isang tapat na saksi sa langit.” (Awit 89:35-37) Ang pangakong ito ay natupad kay Jesus, ang “Anak ni David.” (Lucas 18:38) Pagkamatay niya si Jesus ay binuhay na isang walang-kamatayang espiritu at umakyat sa langit. (Gawa 2:34-36) Nang takdang panahon siya ay iniluklok bilang hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 12:10) Ang Kahariang iyan ay naghahari na ngayon at “mananatili magpakailanman.” (Daniel 2:44) Sa ganitong paraan, si Jesus, ang walang-kamatayang kinatawan ng maharlikang dinastiya ni David, ay mananatili na gaya ng buwan, ang “tapat na saksi sa langit.”
Kung gayon, tuwing makikita mo ang buwan na sumisikat nang buong ningning sa langit kung gabi, alalahanin ang pangako ng Diyos kay David at magpasalamat na ang Kaharian ng Diyos ngayon ay naghahari na at maghahari magpakailanman, sa ikaluluwalhati ng Diyos at sa walang-hanggang pagpapala sa tapat na sangkatauhan.—Apocalipsis 11:15.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Frank Zullo