Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Sino ang Gumawa ng mga Batas ng Uniberso?
    Ang Bantayan—2011 | Hulyo 1
    • 3. Nananatili o Nasisira?

      Naniniwala si Aristotle na napakalaki ng pagkakaiba ng langit at ng Lupa. Sinasabi niyang ang Lupa ay nagbabago at nasisira samantalang ang ether na bumubuo sa mabituing kalangitan ay di-nagbabago at nananatili magpakailanman. Sinabi rin niyang ang malakristal na mga sphere at ang mga bagay sa kalangitan na nakakabit sa mga ito ay hindi kailanman magbabago o masisira.

      Iyan ba ang itinuturo ng Bibliya? Mababasa natin sa Awit 102:25-27: “Noong sinaunang panahon ay inilatag mo ang mga pundasyon ng lupa, at ang langit ay gawa ng iyong mga kamay. Sila ay maglalaho, ngunit ikaw ay mananatiling nakatayo; at tulad ng isang kasuutan ay maluluma silang lahat. Tulad ng pananamit ay papalitan mo sila, at matatapos ang kanilang kapanahunan. Ngunit ikaw ay gayon pa rin, at ang iyong sariling mga taon ay hindi matatapos.”

      Pansinin ang sinabi ng salmistang ito na sumulat mga dalawang siglo bago ang panahon ni Aristotle. Ayon sa kaniya, hindi magkaiba ang Lupa at ang mabituing kalangitan na para bang ang Lupa ay nasisira at ang mga bituin ay hindi. Sa halip, ang langit at ang Lupa ay pareho niyang inihambing sa Diyos, ang makapangyarihang Espiritu na lumalang sa mga ito.d Ipinahihiwatig ng salmista na ang mga bituin ay nasisira ding gaya ng Lupa. Ano naman ang natuklasan ng siyensiya sa ngayon?

      Pinatutunayan ng Geology ang sinasabi ng Bibliya at ni Aristotle na ang Lupa ay nasisira. Sa katunayan, ito ay patuloy na nagbabago dahil sa proseso ng erosyon, pagputok ng mga bulkan, at paggalaw sa ilalim ng lupa.

      Kumusta naman ang mga bituin? Ang mga ito rin ba ay nasisira gaya ng ipinahihiwatig ng Bibliya, o nananatili magpakailanman gaya ng itinuro ni Aristotle? Noong ika-16 na siglo C.E., nagsimulang magduda ang mga astronomong Europeo sa ideyang ito ni Aristotle. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakasaksi sila ng isang supernova, ang kahanga-hangang pagsabog ng isang bituin. Mula noon, naobserbahan ng mga siyentipiko na ang mga bituin ay maaaring biglang mamatay dahil sa gayong pagsabog o unti-unting mamatay dahil sa pagkaubos ng enerhiya o basta na lang maglaho. Pero natuklasan din ng mga astronomo na may mga bagong bituin namang nabubuo sa mga ulap ng gas mula sa sumabog na mga bituin. Kaya tamang-tama ang paglalarawan dito ng manunulat ng Bibliya nang itulad niya ito sa isang kasuutang naluluma at pinapalitan.e Talagang kahanga-hanga na ang isinulat ng salmistang ito ay kaayon na kaayon ng mga natuklasan sa ating modernong panahon.

      Baka maitanong mo rin: ‘Itinuturo ba ng Bibliya na darating ang araw na maglalaho o kakailanganing palitan ang Lupa o ang mabituing kalangitan?’ Hindi, ipinangangako ng Bibliya na mananatili ang mga ito magpakailanman. (Awit 104:5; 119:90) Pero hindi sa ganang-sarili ng mga nilalang na ito, kundi sa pamamagitan ng pagsusustine ng Diyos na lumalang sa mga ito. (Awit 148:4-6) Hindi niya sinabi kung paano, pero makatuwiran lang na maniwala tayong kaya niyang sustinihan ang mga ito dahil siya ang lumalang sa uniberso. Hindi ba’t mamantinihin ng isang mahusay na tagapagtayo ang bahay na itinayo niya para sa kaniya at sa kaniyang pamilya?

  • Sino ang Gumawa ng mga Batas ng Uniberso?
    Ang Bantayan—2011 | Hulyo 1
    • e Noong ika-19 na siglo, nabuo ng siyentipikong si William Thomson, kilala ring Lord Kelvin, ang second law of thermodynamics. Ayon dito, sa paglipas ng panahon, ang likas na mga sistema ay nasisira. Ang isa sa nakaimpluwensiya sa kaniyang naging konklusyon ay ang pagsusuri niya sa Awit 102:25-27.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share