-
Nagtatamasa ng Napakahalagang Pagkakaisa ang Pamilya ni JehovaAng Bantayan—1996 | Hulyo 15
-
-
4. Sa iyong sariling pananalita, paano mo ipahahayag ang sinasabi ng Awit 133 tungkol sa pagkakaisa bilang magkakapatid?
4 Lubhang pinahalagahan ng salmistang si David ang pagkakaisa bilang magkakapatid. Kinasihan pa man din siya na umawit tungkol dito! Gunigunihin siya taglay ang kaniyang alpa habang siya’y umaawit: “Masdan ninyo! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa! Iyon ay parang mainam na langis sa ulo, na tumutulo hanggang sa balbas, sa balbas ni Aaron, na tumutulo hanggang sa kuwelyo ng kaniyang kasuutan. Iyon ay gaya ng hamog ng Hermon na bumababa sa bundok ng Sion. Sapagkat doon ay iniutos ni Jehova na dumoon ang pagpapala, maging ang buhay hanggang sa panahong walang-takda.”—Awit 133:1-3.
-
-
Nagtatamasa ng Napakahalagang Pagkakaisa ang Pamilya ni JehovaAng Bantayan—1996 | Hulyo 15
-
-
6, 7. Paanong ang pagkakaisa sa Israel ay katulad ng hamog ng Bundok Hermon, at saan masusumpungan ngayon ang pagpapala ng Diyos?
6 Paanong ang pananahanang magkakasama sa pagkakaisa ng Israel ay tulad din ng hamog ng Bundok Hermon? Buweno, yamang ang taluktok ng bundok na ito ay mahigit sa 2,800 metro ang taas mula sa pantay-dagat, iyon ay nababalutan ng niyebe nang halos buong taon. Ang maniyebeng taluktok ng Hermon ang siyang sanhi ng pamumuo ng mga singaw sa gabi at sa gayo’y nagbubunga ng saganang hamog na tumutustos sa mga halaman sa panahon ng mahabang tag-araw. Ang simoy ng malamig na hangin buhat sa kahabaan ng Hermon ay maaaring tumangay sa gayong singaw hanggang sa gawing dulong timog gaya ng Jerusalem, kung saan ang mga ito ay namumuo bilang hamog. Kaya tama ang pagkasabi ng salmista tungkol sa ‘hamog ng Hermon na bumababa sa Bundok ng Sion.’ Ano ngang inam na paalaala ng nakagiginhawang impluwensiya na nagtataguyod sa pagkakaisa ng pamilya ng mga sumasamba kay Jehova!
7 Bago naitatag ang Kristiyanong kongregasyon, ang Sion, o Jerusalem, ang siyang sentro ng tunay na pagsamba. Kaya naman, doon iniutos ng Diyos na dumoon ang pagpapala. Yamang ang Pinagmumulan ng lahat ng pagpapala ay makasagisag na naninirahan sa santuwaryo sa Jerusalem, doon manggagaling ang mga pagpapala. Gayunman, dahil sa ang tunay na pagsamba ay hindi na nakasalig sa isang lugar, ang pagpapala, pag-ibig, at pagkakaisa ng mga lingkod ng Diyos ay masusumpungan ngayon sa buong lupa. (Juan 13:34, 35) Ano ang ilang salik na nagtataguyod sa pagkakaisang ito?
-