Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 6/22 kab. 17 p. 25-28
  • Matapat na Inaalaala ang Organisasyon ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matapat na Inaalaala ang Organisasyon ni Jehova
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Matapat na Naalaala ng mga Bihag sa Babilonya ang Sion
  • Pagmamahal sa Organisasyon ni Jehova
  • Si Jehova ay Nanatiling Matapat sa Kaniyang Organisasyon
Gumising!—1987
g87 6/22 kab. 17 p. 25-28

Kabanata 17​—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”

Matapat na Inaalaala ang Organisasyon ni Jehova

1. Dapat nating pag-isipan ang katapatan kanino, at ano ang sinabi ni Haring David tungkol dito?

MADALAS pag-usapan ngayon ang tungkol sa katapatan sa bansa. Subalit gaano kadalas pinag-uusapan ng mga pinuno at ng mga tao ng sanlibutang ito ang tungkol sa katapatan sa Diyos, na siyang Maylikha ng lupaing sinasakop ng isang bansa? Noong sinaunang mga panahon, si Haring David ng Israel ay isang matapat na mananamba ng Maylikha, ang Diyos na Jehova. Tinutukoy ang matapat na Diyos na ito, ganitong mga pananalita ang sinabi ni David sa kaniya: “Sa isang matapat ikaw ay kikilos nang may katapatan.” (2 Samuel 22:26; Awit 18:25) Ang mga pananalita bang iyan ay nagpapahayag ng iyong saloobin sa Diyos?

2. Paano natin nalalaman na si Jehova ay nanatiling matapat sa sambahayan ng tao?

2 Ang karaniwang saloobin ng sangkatauhan sa ngayon ay na hindi ito lubhang nababahala tungkol sa katapatan sa Diyos. Subalit sa kabila nito, si Jehova ay matapat sa sambahayan ng tao. Hindi niya ito itinakwil. Ang kaniyang matapat na Anak ay nagsabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Hindi pinabayaan ng Diyos ang daigdig ng sangkatauhan sa pinakamahigpit na kaaway nito, si Satanas, na humikayat sa ating unang mga magulang na maging di-tapat sa Diyos. Ipinakita rin ng Diyos ang kaniyang pagiging matapat sa sambahayan ng tao noong 2370 B.C.E. sa pamamagitan ng pagliligtas kay Noe at sa kaniyang sambahayan sa pandaigdig na delubyo na lumipol sa lahat ng sangkatauhan. (2 Pedro 2:5) Sa ganitong paraan binigyan ng Maylikha ng isang bagong pasimula ang sambahayan ng tao.

3. (a) Ano ang masasabi tungkol sa karahasan ngayon, at ano ang nilayong gawin ng Diyos tungkol dito? (b) Ano ang gantimpala sa pagiging matapat kay Jehova?

3 Ngayon nahihigitan ng karahasan sa buong lupa yaong panahon ni Noe mahigit na 4,000 taon na ang nakalipas. (Genesis 6:11) Kaya may katuwiran ang Diyos ding iyon na lipulin ang kasalukuyang makasanlibutang sistema ng mga bagay. Ito ang nilayon niyang gawin, subalit sa paggawa ng gayon, hindi niya pupuksain ang kaniyang mga tapat sa lupa. Sa panahong iyon kaniyang patutunayang totoo ang Awit 37:28: “Sapagkat iniibig ni Jehova ang kahatulan, at hindi niya pababayaan ang kaniyang mga tapat.” Gaya noong kaarawan ni Noe, siya ay magbibigay ng isang matuwid na panimula sa bagong sistema ng mga bagay na binubuo ng “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Malaki ang gantimpala sa pagiging matapat. Ito ay nagbibigay ng buhay!

4. Paano natin nalalaman na ang bansang Israel ang nakikitang organisasyon ni Jehova noong panahong iyon?

4 Noong panahon ng paghahari ni Haring David, ang bansang Israel ay napatunayang matapat kay Jehova. Si David ay nagpakita ng parisan para sa buong bansa. Ang bansang iyon ang nakikitang organisasyon ni Jehova. Sila ay isang organisadong bayan na tanging kaniya. Walang alinlangan iyan ang kahulugan ng paalaala ng Diyos, gaya ng inilalahad sa Amos 3:1, 2: “Dinggin ninyo ang salitang ito na sinasalita ni Jehova tungkol sa inyo, Oh mga anak ni Israel, tungkol sa buong angkan na aking iniahon mula sa lupain ng Ehipto, na sinasabi, ‘Kayo lamang ang aking nakikilala sa lahat ng angkan sa lupa.’”​—Ihambing ang 1 Hari 8:41-43.

5. (a) Noong kaarawan ng mga apostol ni Jesu-Kristo, anong mga pagsisikap ang ginawa upang ipasok ang mga kamalian sa kongregasyong Kristiyano? (b) Ano ang inihulang mangyayari pagkamatay ng mga apostol?

5 Kasuwato ng katotohanang ito sa kasaysayan ng Bibliya, ang Diyos ding ito, si Jehova, ay nag-organisa ng isang bayan, isang nakikitang organisasyon, sa lupa ngayon. Ito’y isang organisasyon na tanging kaniya. Gayunman, nagkaroon ng mga pagtatangka upang magpasok ng mga kamalian sa organisasyon ng Diyos kahit na sa pasimula nito noong mga kaarawan ng mga apostol ni Jesu-Kristo, na matatag na mga tagapagtanggol ng integridad ng kongregasyong Kristiyano. (1 Corinto 15:12; 2 Timoteo 2:16-18) Kasunod ng kamatayan ni apostol Juan, maliwanag hindi pa natatagalan pagkatapos ng 98 C.E., pumasok ang inihulang apostasya.​—Gawa 20:30; 2 Pedro 2:1, 3; 1 Timoteo 4:1.

6. (a) Gaano katagal nangibabaw ang apostasya, at ano ang resulta? (b) Sa anong pagkabihag dinala ang relihiyosong mga organisasyon ng Sangkakristiyanuhan, at anong mga katanungan ang bumabangon?

6 Ang apostasyang ito ay nangibabaw sa mahigit na 17 mga siglo, hanggang sa dakong huli ng kalahatian ng ika-19 na siglo. Nang panahong iyon ang Sangkakristiyanuhan ay nahahati sa daan-daang relihiyosong mga sekta. Ang pagkakakilanlan sa tunay na bayan ng Diyos ay lumabo. Ang Sangkakristiyanuhan ay isang kaguluhan ng mga organisasyong relihiyoso, malaki at maliit, nagsasalita ng magulong relihiyosong mga wika na hindi matatag na nasasalig sa relihiyosong wika ng kinasihang Kasulatan. Ang gayong relihiyosong mga organisasyon ay naging bihag nga ng isang imperyo na mas malaki kaysa sa Imperyong Babiloniko na nagwasak sa Jerusalem. Subalit ano ba ang katulad ng sinaunang Babilonya, at ano kaya ang naging saloobin ng tapat na mga Judiong dinalang bihag?

Matapat na Naalaala ng mga Bihag sa Babilonya ang Sion

7. (a) Sa relihiyosong pananalita, ano ang katulad ng lupain ng sinaunang Babilonya? (b) Ano ang naging epekto nito sa mga bihag na Judio?

7 Ang sinaunang Babilonya ay lupain ng mga huwad na diyos, kung saan sagana ang mga diyus-diyosan o mga idolo. (Daniel 5:4) Maguguniguni natin ang epekto ng pagsambang ito sa maraming huwad na diyos sa puso ng tapat na mga Judio na sumamba lamang sa isang tunay na Diyos nang walang anumang uri ng imahen o larawan. Sa halip na mamasdan ang templo ni Jehova sa lahat ng kagandahan nito sa Jerusalem, namamasdan nila ang mga templo ng huwad na mga diyos na ito at ang kanilang mga diyus-diyosan sa buong lupain ng Babilonya.a Tiyak na ang mga mananamba ng isa at tanging tunay na Diyos ay nakadama ng pagkasuklam sa lahat ng ito!

8. (a) Gaano katagal dapat pagtiisan ng mga Judio ang kanilang pagkabihag, at anong pagnanais mayroon ang tapat na mga Judio? (b) Paano inilalarawan ng Awit 137:1-4 ang nagdadalamhating kalagayan ng matapat na mga bihag na Judio?

8 Sang-ayon sa hula ni Jeremias, kailangang pagtiisan nila ito sa loob ng 70 mga taon bago darating ang panunumbalik nila sa kanilang bayan. (2 Cronica 36:18-21; Jeremias 25:11, 12) Ang nagdadalamhating kalagayan ng mga bihag na Judio na umiibig kay Jehova at nagnanais na sambahin siya sa templo na inialay sa kaniya sa kaniyang piniling lunsod ay inilalarawan sa atin sa Awit 137:1-4: “Sa tabi ng mga ilog ng Babilonya​—doo’y nangaupo tayo. Umiyak din tayo nang ating maalaala ang Sion. Sa mga punong sauce sa gitna niyaon ating ibinitin ang ating mga alpa. Sapagkat doo’y silang nagsibihag sa atin ay nagsihiling sa atin ng mga awit, at silang humahamak sa atin ay nagsihiling sa atin​—ng kasayahan: ‘Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Sion.’ Paanong aawitin namin ang awit ni Jehova sa banyagang lupain?”

9. Paano ituturing ng mga taga-Babilonya ang pag-awit ng “awit ni Jehova,” at ano ang nakatakdang mangyari sa katapusan ng 70 mga taon?

9 “Ang awit ni Jehova” ay dapat na ang awit ng isang malayang bayan na sumasamba sa kaniya sa kaniyang banal na templo. Sa mga taga-Babilonyang ito, ang pag-awit ng “awit ni Jehova” ng mga Judiong ito sa lupain ng kanilang pagkabihag ay magiging isang pagkakataon upang tuyain ng mga bumihag ang pangalan ni Jehova bilang isang pangalan ng isang Diyos na nakabababa sa mga diyos ng Babilonya. Ang kaniyang banal na pangalan ay dumanas na ng matinding kasiraan sa pagpapahintulot niya sa kaniyang bayan na paalisin sa kanilang bigay-Diyos na lupang tinubuan at dalhin sa isang lupain na may napakaraming diyos. Subalit ang panahon para sa mga taga-Babilonyang iyon na tuyain siya at maliitin ang bayan na tinatawag sa kaniyang pangalan ay sa loob lamang ng isang takdang panahon​—70 mga taon. Pagkatapos niyan ay ibabagsak ang huwad na mga diyos ng Babilonya at itataas ang tunay na Diyos, si Jehova!

Pagmamahal sa Organisasyon ni Jehova

10. Anong katanungan ang bumabangon kung tungkol sa bayan ni Jehova sa ika-20 siglong ito na dinalang bihag sa Babilonyang Dakila?

10 Ngayo’y mayroong isang relihiyosong organisasyon na tinatawag na Babilonyang Dakila na hindi natatakdaan sa lupain ng dating Babilonya kundi pambuong daigdig. Ang saloobin ba ng puso ng mga Judio sa sinaunang Babilonya ay nagbibigay ng tamang parisan para sa bayan ni Jehova sa ika-20 siglong ito na sapilitang dinala sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila bilang isang disiplina mula sa Diyos ng sinaunang Israel?

11. (a) Hinayaan ba ng matapat na mga Judio na maglaho sa kanilang alaala ang kanilang lupang tinubuan? (b) Paano ipinahayag ng bihag na salmista ang mga damdamin ng kaniyang kapuwa mga bihag?

11 Bagaman maaari sana silang manirahan sa sinaunang Babilonya at maging palagay roon, yamang ang pagkapatapon sa kanila ay tatagal ng halos isang salinlahi, hinayaan ba nilang maglaho sa alaala ang kanilang lupang tinubuan? Magandang inilalarawan ito ng bihag na salmista nang ipahayag niya ang mga damdamin ng kaniyang kapuwa mga bihag: “Kung kalilimutan kita, Oh Jerusalem, maging malilimutin nawa ang aking kanang kamay. Dumikit nawa ang aking dila sa ngalangala ng aking bibig, kung hindi kita aalalahanin, kung hindi ko piliin ang Jerusalem ng higit sa aking pinakapangulong kagalakan.”​—Awit 137:5, 6.

12. Anong saloobin ng puso ang ipinahayag ng bihag na salmista?

12 Ano ang ipinahahayag ng saloobing iyan ng puso ng bihag na Israelita? Ito: katapatan sa nakikitang organisasyon ni Jehova nang panahong iyon samantalang nakikita niya ang lupain na ibinigay ng Diyos sa Kaniyang piniling bayan na nakatiwangwang sa loob ng 70 mga taon. Oo, ang nakikitang organisasyon ni Jehova ay nanatiling buháy sa mga puso niyaong mga Israelita.

13. Paano ginantimpalaan ang katapatan sa nakikitang organisasyon ni Jehova?

13 Ang gayong katapatan sa sinaunang nakikitang organisasyon ng Diyos ay ginantimpalaan nang nararapat. Ito ay nang ang Babilonya, ang ikatlong pandaigdig na kapangyarihan sa kasaysayan ng Bibliya, ay ibinagsak, at isinagawa ng Medo-Persia, ang ikaapat na kapangyarihang pandaigdig, ang kalooban ng Diyos ng Israel. Papaano? Sa pamamagitan ng pagbabalik sa bihag na mga Judio sa lupain ng nakikitang organisasyon ni Jehova, na may mga tagubilin na itayong-muli ang templo ng kanilang Diyos bilang ang sentro ng kabiserang lunsod, ang Jerusalem. (2 Cronica 36:22, 23) Hindi lamang ang templo ng tunay na pagsamba ang itatayong muli kundi ang napapaderang lunsod ng Jerusalem ay itatayo ring muli, upang maging lunsod kung saan si Jehova ay maghahari bilang Hari ng kaniyang bayan.

14. (a) Pagkalipas ng mga dantaon, ano ang sinabi ng Mesiyas tungkol sa nakikitang organisasyon ni Jehova? (b) Sa anong diwa naghari si Jehova sa Jerusalem?

14 Mahigit na anim na siglo pagkawasak ng Jerusalem, si Jesus ay nagsabi: “Huwag ninyong ipanumpa ang anuman, kahit ang langit, sapagkat ito ang trono ng Diyos; kahit ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagkat ito ang lunsod ng dakilang Hari.” (Mateo 5:34, 35) Nang ang Mesiyas ay nasa lupa, ang itinayong-muling templo ni Jehova ay nakatayo sa Jerusalem, at, sa simbolikong pananalita, ang Diyos na Jehova ay naghari sa Kabanal-banalan ng templong iyon. Kaya mula sa Jerusalem na kabiserang lunsod ng kaniyang bayan, si Jehova ay naghari sa kaniyang nakikitang organisasyon.

Si Jehova ay Nanatiling Matapat sa Kaniyang Organisasyon

15. Tinanggihan ba ni Jesus ang nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova nang ilantad niya ang di-tapat na relihiyosong mga lider ng Israel? Ipaliwanag.

15 Bueno, ngayon, itinakwil ba ni Jesus ang nakikitang organisasyon ng Diyos nang ilantad niya ang di-tapat na relihiyosong mga lider ng Israel at nagsalita laban sa kanila? Oo, sapagkat sinabi niya: “Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya,​—makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit kayong mga tao ay umayaw. Narito! Ang inyong bahay ay iniwang wasak sa inyo.” (Mateo 23:37, 38) Nang tanggihan ni Jesus ang Jerusalem at ang kaniyang “mga anak,” iniiwan ba niya sa gayon ang kaniyang makalangit na Ama nang walang makalupang organisasyon? Hindi! Sapagkat si Jesus mismo ang pundasyon ng bagong nakikitang organisasyon na itatayo ng Maylikha ng sansinukob.

16. Noong kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos, paano ipinakita ang pagtanggi sa likas na Israel?

16 Ang pagtanggi sa likas na Israel ay tiyak na ipinakita nang, sa kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos, ang makapal na tabing o kurtina na naghihiwalay sa Kabanal-banalan sa Banal sa templo sa Jerusalem ay nahapak sa dalawa “buhat sa itaas hanggang sa ibaba.” At kasabay nito, “nayanig ang lupa, at nangabaak ang mga bato.” Ito ay makahimalang mga pagkilos sa bahagi ng Diyos na dati’y naghari roon sa tipikong paraan, ipinakikita ang pagtanggi niya sa bansang Israel at sa kaniyang relihiyon.​—Mateo 27:51.

17. Paano ipinakita ni Jesus at ni Jehova ang katapatan sa magiging mga membro ng bagong nakikitang organisasyon ng Diyos?

17 Ang magiging mga membro ng bagong nakikitang organisasyon na malapit nang itayo ng Diyos na Jehova ay naiwan doon sa lupain ng Jerusalem. Inihabilin sila ni Jesus sa pangangalaga ng Diyos, na itinatakwil ang makalupang lunsod alang-alang sa ibang bagay na mas nakahihigit. (Juan 17:9-15) Sa gayon si Jehova ay nanatiling matapat sa kaniyang organisasyon, nagpapakita ng pantanging konsiderasyon sa kanilang tapat na mga ninuno, si Abraham, Isaac, at Jacob at ang 12 mga anak ni Jacob. (Daniel 12:1) Tatalakayin pa ng susunod na kabanata ang ating pinag-uusapan tungkol sa katapatan, batay sa Awit 137.

[Talababa]

a Isang inskripsiyong cuneiform mula sa sinaunang Babilonya ay nag-uulat: “Lahat-lahat mayroong 53 mga templo ng mga pangunahing diyos sa Babilonya, 55 mga kapilya para kay Marduk, 300 mga kapilya para sa makalupang mga diwata, 600 para sa makalangit na mga diwata, 180 mga altar para sa diyosang si Ishtar, 180 para sa mga diyos na sina Nergal at Adad at 12 iba pang mga altar para sa iba’t ibang mga diyos.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share