-
Isang Maaasahang ManaAng Bantayan—2004 | Oktubre 1
-
-
Isang Maaasahang Mana
“KAPAG tumanggap ka ng sulat mula sa isang ‘estate locator’ na nagsasabing may naghihintay sa iyong isang mana na wala pang umaangkin, mag-ingat ka. Maaaring puntirya ka ng isang tusong manloloko.”
Iyan ang babalang inilagay ng United States Postal Inspection Service sa Web site nito. Bakit? Sapagkat libu-libong tao ang tumatanggap ng sulat na nagsasabing, ‘Isang kamag-anak mo ang namatay at nag-iwan sa iyo ng mana.’ Bunga nito, marami ang nagpadala sa koreo ng $30 o higit pa para sa isang ‘report ng ari-arian’ na magpapaliwanag sana kung saan naroon ang mana at kung paano ito makukuha. Bigung-bigo sila. Lahat ng tumugon ay tumanggap ng iisang report—at walang tsansang magmana ang sinuman ng anumang bagay.
Nakaaakit ang gayong mga pakana sa likas na hangarin ng tao na tumanggap ng mana. Gayunman, may pagsang-ayong binabanggit ng Bibliya ang mga naglalaan ng mana nang sabihin nito: “Ang isa na mabuti ay mag-iiwan ng mana sa mga anak ng mga anak.” (Kawikaan 13:22) Sa katunayan, sinabi mismo ni Jesu-Kristo ang kilalá at lubhang kinagigiliwang pananalitang ito sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Mapapalad ang maaamo: sapagka’t mamanahin nila ang lupa.”—Mateo 5:5, Ang Biblia.
Ipinaaalaala ng mga pananalita ni Jesus ang kinasihang isinulat ni Haring David ng sinaunang Israel mga ilang siglo na ang nakalilipas: “Ang maamo ay magmamana ng lupain [“lupa” NW], at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11, Ang Biblia.
“Magmamana ng lupain”—isa ngang kapana-panabik na pag-asa! Subalit nakatitiyak kaya tayo na hindi ito isang tusong pakana lamang na nilayon upang linlangin ang mga tao? Oo, makatitiyak tayo. Yamang kabilang ang lupa sa kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova, siya bilang Maylikha at May-ari nito ang may legal na karapatang ipamana ito sa kaninumang piliin niya. Sa pamamagitan ni Haring David, makahulang ipinangako ito ni Jehova sa Kaniyang minamahal na Anak, si Jesu-Kristo: “Humingi ka sa akin, upang maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana at ang mga dulo ng lupa bilang iyong sariling pag-aari.” (Awit 2:8) Sa kadahilanang ito, inilarawan ni apostol Pablo si Jesus bilang ang isa “na inatasan [ng Diyos na] tagapagmana ng lahat ng bagay.” (Hebreo 1:2) Kaya, lubusan tayong makapagtitiwala na nang sabihin ni Jesus na “mamanahin [ng maaamo] ang lupa,” ginawa niya iyon nang buong katapatan, at siya ang may tunay na awtoridad upang tuparin ang kaniyang pangako.—Mateo 28:18.
Kung gayon, ang mahalagang tanong ay, Paano magkakatotoo ang pangakong iyan? Saanman tayo tumingin ngayon, tila ang mga agresibo at mapagmataas ang pinakamatagumpay at nakakakuha ng gusto nila. Ano pa ang matitira para manahin ng maaamo? Bukod pa riyan, ang lupa ay sinasalot ng malulubhang problema sa polusyon, at ang mga yaman nito ay pinagsasamantalahan ng mga sakim at makikitid ang pananaw. Magkakaroon pa kaya ng isang lupa na sulit manahin? Inaanyayahan ka naming basahin ang susunod na artikulo upang masumpungan ang sagot dito at sa iba pang mahahalagang katanungan.
-
-
‘Ang Maaamo ay Magmamana ng Lupa’—Paano?Ang Bantayan—2004 | Oktubre 1
-
-
‘Ang Maaamo ay Magmamana ng Lupa’—Paano?
“MARAHIL ay pamilyar ka sa nakapagpapasiglang pananalita ni Jesus na ‘ang maaamo ay magmamana ng lupa.’ Ngunit dahil sa lahat ng ginagawa ng tao sa isa’t isa at sa lupa, ano pa kaya ang matitira para manahin ng maaamo?”—Mateo 5:5; Awit 37:11; Ang Biblia.
Ginamit ni Myriam, isang Saksi ni Jehova, ang tanong na ito upang simulan ang isang pag-uusap sa Bibliya. Ang taong kausap niya ay tumugon na kung ipinangako ito ni Jesus, tiyak na ang lupa ay sulit tawaging mana at hindi isang wasak o hindi na matirhang kagibaan.
Iyan ay isa ngang positibong kasagutan. Subalit may dahilan ba tayo upang magkaroon ng gayong positibong pangmalas? Mayroon nga, sapagkat ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng matibay na mga dahilan upang maniwala na magkakatotoo nga ang pangakong iyon. Sa katunayan, ang katuparan ng pangakong iyon ay malapít na nauugnay sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa. At tinitiyak sa atin na kung ano ang nilalayon ng Diyos, isasakatuparan niya ito. (Isaias 55:11) Kung gayon, ano ba ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan, at paano ito maisasakatuparan?
Ang Walang-Hanggang Layunin ng Diyos Para sa Lupa
Nilalang ng Diyos na Jehova ang lupa para sa isang espesipikong layunin. “Ito ang sinabi ni Jehova, na Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa.’ ” (Isaias 45:18) Kaya, espesipikong nilalang ang lupa upang tirahan ng tao. Karagdagan pa, layunin ng Diyos na ang lupa ay maging isang walang-hanggang tahanan para sa sangkatauhan. “Itinatag niya ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”—Awit 104:5; 119:90.
Niliwanag din ang layunin ng Diyos may kinalaman sa lupa sa atas na ibinigay niya sa unang mag-asawa. Kina Adan at Eva, sinabi ni Jehova: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Ang lupa, na ipinagkatiwala ng Diyos kina Adan at Eva, ay magiging isang walang-hanggang tahanan para sa kanila at sa kanilang mga supling. “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova,” ang sabi ng salmista pagkalipas ng maraming dantaon, “ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”—Awit 115:16.
Upang magkatotoo ang kamangha-manghang pag-asang iyon, dapat tanggapin nina Adan at Eva, gayundin ng kanilang mga supling, ang Diyos na Jehova, ang Maylalang at Tagapagbigay-Buhay, bilang ang kanilang Soberano at maging handang sumunod sa kaniya. Tiniyak ni Jehova ang bagay na ito nang ibigay niya ang utos na ito sa lalaki: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Upang patuloy na mabuhay sa hardin ng Eden sina Adan at Eva, kailangan nilang sundin ang simple at maliwanag na utos na iyon. Kapahayagan ng kanilang pasasalamat sa lahat ng ginawa para sa kanila ng makalangit na Ama ang pagsunod dito.
Nang sadyang sumuway sina Adan at Eva sa Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa utos na ibinigay sa kanila, sa katunayan ay kanilang tinalikuran ang isa na naglaan sa kanila ng lahat ng bagay na taglay nila. (Genesis 3:6) Sa paggawa nito, naiwala nila ang kanilang magandang Paraisong tahanan hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa kanilang mga supling. (Roma 5:12) Binigo ba ng pagsuway ng unang mag-asawa ang layunin ng Diyos sa paglalang ng lupa?
Isang Diyos na Hindi Nagbabago
Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, sinabi ng Diyos: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Sa pagkokomento sa talatang ito, sinabi ng Pranses na iskolar sa Bibliya na si L. Fillion na ang kapahayagang ito ay malapit na nauugnay sa pagsasakatuparan ng mga pangako ng Diyos. “Maaari sanang nilipol na ni Jehova ang kaniyang mapaghimagsik na bayan,” ang sulat ni Fillion, “subalit dahil sa siya’y hindi nagbabago sa kaniyang mga pangako, magiging tapat siya, sa kabila ng lahat, sa mga ipinangako niya noon.” Hindi malilimutan ng Diyos ang mga pangako niya, sa isang indibiduwal man, sa isang bansa, o sa buong sangkatauhan, kundi tutuparin niya ang mga ito sa kaniyang takdang panahon. “Naalaala niya ang kaniyang tipan maging hanggang sa panahong walang takda, ang salita na kaniyang iniutos, hanggang sa isang libong salinlahi.”—Awit 105:8.
Pero, paano tayo makatitiyak na hindi binago ni Jehova ang kaniyang orihinal na layunin may kinalaman sa lupa? Makatitiyak tayo rito sapagkat sa buong kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, masusumpungan natin ang pagbanggit hinggil sa layunin ng Diyos na ibigay ang lupa sa masunuring sangkatauhan. (Awit 25:13; 37:9, 22, 29, 34) Higit pa riyan, inilalarawan sa Kasulatan ang mga pinagpala ni Jehova bilang naninirahan sa katiwasayan, bawat isa’y nauupo “sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos,” na “walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:4; Ezekiel 34:28) Ang mga pinili ni Jehova ay “tiyak na magtatayo . . . ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon.” Magtatamasa sila ng kapayapaan kahit sa mga hayop sa parang.—Isaias 11:6-9; 65:21, 25.
Inilalarawan ng Bibliya ang pangako ng Diyos sa iba pang paraan. Noong panahon ng paghahari ni Haring Solomon, ang bansang Israel ay nagtamasa ng isang yugto ng kapayapaan at kasaganaan. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, “ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.” (1 Hari 4:25) Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay “higit pa kaysa kay Solomon,” at tungkol sa kaniyang paghahari, makahulang ipinahayag ng salmista: “Sa kaniyang mga araw ay sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan.” Sa panahong iyon, “magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Lucas 11:31; Awit 72:7, 16.
Tapat sa kaniyang salita, titiyakin ng Diyos na Jehova na hindi lamang makakamit ang ipinangakong mana kundi maisasauli rin sa lahat ng karilagan nito. Sa Apocalipsis 21:4, sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na sa ipinangakong bagong sanlibutan, ‘papahirin ng Diyos ang bawat luha sa mga mata ng mga tao, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.’ Ang ipinangako ay aktuwal na isang Paraiso.—Lucas 23:43.
Kung Paano Makakamit ang Ipinangakong Mana
Ang pagbabago ng lupa tungo sa isang paraiso ay mangyayari sa ilalim ng isang gobyerno na mamamahala mula sa langit, isang Kaharian na si Jesu-Kristo ang Hari. (Mateo 6:9, 10) Una, ‘ipapahamak ng Kahariang iyon yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18; Daniel 2:44) Pagkatapos, bilang “Prinsipe ng Kapayapaan,” tutuparin ni Jesu-Kristo ang makahulang pananalitang ito: “Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7) Sa ilalim ng Kahariang iyon, milyun-milyong tao, pati na ang mga bubuhaying muli, ang magkakaroon ng pagkakataong manahin ang lupa.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Sino ang nakahanay upang magtamasa ng kahanga-hangang mana na iyon? Isaalang-alang ang pananalita ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Ano ang ibig sabihin ng maging mahinahong-loob, o maamo? Karaniwang binibigyang-kahulugan ng mga diksyunaryo ang “maamo,” o “mahinahon,” bilang banayad, katamtaman, mapagpasakop, tahimik, mahiyain pa nga. Gayunman, mas malalim pa ang kahulugan ng orihinal na salitang Griego na ginamit. “May pagkabanayad” sa salitang iyon, ang sabi ng New Testament Wordbook ni William Barclay, “subalit sa likod ng pagkabanayad ay naroroon ang lakas ng bakal.” Tumutukoy ito sa isang mental na disposisyon na nagpapangyaring mabata ng isang tao ang pinsala nang walang hinanakit o hindi nag-iisip na maghiganti, ang lahat ay bunga ng pagkakaroon ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos, at ang kaugnayang iyan ang siyang pinagmumulan ng lakas para sa kaniya.—Isaias 12:2; Filipos 4:13.
Mapagpakumbabang tinatanggap ng isang maamo ang mga pamantayan ng Diyos sa lahat ng aspekto ng kaniyang personal na buhay; hindi niya iginigiit na kumilos ayon sa kaniyang sariling pangmalas o sa mga opinyon ng iba. Madali rin siyang turuan, handang magpaturo kay Jehova. Sumulat ang salmistang si David: “Palalakarin [ni Jehova] ang maaamo sa kaniyang hudisyal na pasiya, at ituturo niya sa maaamo ang kaniyang daan.”—Awit 25:9; Kawikaan 3:5, 6.
Kabilang ka kaya sa “maaamo” na magmamana ng lupa? Sa pagkilala kay Jehova at pag-alam sa kaniyang kalooban sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng kaniyang Salita at sa pagkakapit ng iyong natutuhan, ikaw man ay makaaasang magmamana ng isang makalupang paraiso at mamumuhay roon magpakailanman.—Juan 17:3.
-