Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Atin?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
    • Aralin 25. Larawan ng mundo, kuha mula sa kalawakan.

      ARALIN 25

      Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Atin?

      Sinasabi ng Bibliya na “maikli at punô ng problema” ang buhay ng tao. (Job 14:1) Ito ba talaga ang gustong mangyari ng Diyos para sa atin? Kung hindi, ano ang gusto niya para sa atin? Mangyayari kaya iyon? Tingnan ang sagot ng Bibliya.

      1. Anong uri ng buhay ang gusto ng Diyos para sa atin?

      Gusto ni Jehova ang pinakamagandang buhay para sa atin. Nang lalangin niya ang unang mga tao, sina Adan at Eva, inilagay niya sila sa magandang paraiso​—ang hardin ng Eden. Pagkatapos, “pinagpala sila ng Diyos at sinabi: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon.’” (Genesis 1:28) Gusto ni Jehova na magkaroon ng mga anak ang mga tao, gawing paraiso ang buong mundo, at alagaan ang mga hayop. Layunin niya na magkaroon ng perpektong kalusugan ang lahat ng tao at mabuhay sila magpakailanman.

      Kahit hindi ganito ang buhay natin ngayon,a hindi nagbago ang layunin ng Diyos. (Isaias 46:​10, 11) Gusto pa rin niya na mabuhay magpakailanman ang tapat na mga tao sa isang napakagandang kalagayan.​—Basahin ang Apocalipsis 21:​3, 4.

      2. Paano magiging masaya at makabuluhan ang buhay natin ngayon?

      Normal sa mga tao na maramdaman na “kailangan nila ang Diyos”​—ang kilalanin at sambahin siya​—kasi ganiyan tayo ginawa ni Jehova. (Basahin ang Mateo 5:​3-6.) Gusto niya na magkaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa kaniya, “lumakad sa lahat ng daan niya, ibigin siya,” at paglingkuran siya “nang buong puso.” (Deuteronomio 10:12; Awit 25:14) Kapag ginawa natin iyan, magiging masaya tayo kahit may mga problema tayo. At kapag sinamba natin si Jehova, magiging makabuluhan ang buhay natin.

      PAG-ARALAN

      Tingnan kung paano ipinakita ni Jehova ang pag-ibig niya sa atin nang gawin niya ang lupa, at ang itinuturo ng Salita niya tungkol sa layunin ng buhay.

      Sina Adan at Eva na nasa isang magandang hardin habang nakatingin sa maraming puno at hayop.

      3. Napakaganda ng layunin ni Jehova para sa mga tao

      Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      VIDEO: Bakit Ginawa ng Diyos ang Lupa?​—Video Clip (1:​41)

      • Bakit ginawa ng Diyos ang magandang planeta natin?

      Basahin ang Eclesiastes 3:11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Ano ang itinuturo ng tekstong ito tungkol kay Jehova?

      4. Hindi nagbago ang layunin ni Jehova

      Basahin ang Awit 37:​11, 29 at Isaias 55:11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Paano natin nalaman na hindi nagbago ang layunin ni Jehova para sa atin?

      A. Napabayaang bahay. Sira na ang mga bubong, basag ang mga bintana, at punô ng basura ang bakuran. B. Ang bahay ring iyon na inayos at pinaganda.

      Puwede pa ring ayusin ang isang bahay na napabayaan na. Ganiyan din ang lupa na pinabayaan ng tao. Aayusin ito ng Diyos para sa mga taong mahal niya

      5. Magiging masaya at makabuluhan ang buhay natin kapag sinamba natin si Jehova

      Magiging masaya tayo kapag alam natin ang layunin ng buhay. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      VIDEO: Nalaman Ko ang Layunin ng Buhay (5:​03)

      • Ano ang naging epekto kay Terumi nang malaman niya ang layunin ng buhay?

      Basahin ang Eclesiastes 12:13. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Dahil maraming ginawa si Jehova para sa atin, ano ang obligasyon natin?

      KUNG MAY MAGTANONG: “Ano ba talaga ang layunin ng buhay?”

      • Ano ang isasagot mo?

      SUMARYO

      Gusto ni Jehova na mabuhay tayo magpakailanman sa isang napakagandang kalagayan dito sa lupa. Kapag sinamba natin siya nang buong puso, magiging mas masaya at makabuluhan ang buhay natin.

      Ano ang Natutuhan Mo?

      • Ano ang orihinal na layunin ni Jehova para kina Adan at Eva?

      • Paano natin nalaman na hindi nagbago ang layunin ng Diyos para sa mga tao?

      • Paano magiging mas masaya at makabuluhan ang buhay mo?

      Subukan Ito

      TINGNAN DIN

      Tingnan ang mga ebidensiya na talagang may hardin ng Eden noon.

      “Ang Hardin ng Eden​—Alamat o Katotohanan?” (Ang Bantayan, Enero 1, 2011)

      Pag-aralan kung bakit tayo makakatiyak na hindi magugunaw ang mundo.

      “Magugunaw Ba ang Mundo?” (Artikulo sa jw.org/tl)

      Alamin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa layunin ng buhay.

      “Ano ang Layunin ng Buhay?” (Artikulo sa jw.org/tl)

      Inakala ng isang lalaki na nasa kaniya na ang lahat, pero may kulang pala sa buhay niya. Alamin kung paano niya ito nakita.

      May Layunin Na Ngayon ang Buhay Ko (3:​55)

      a Sa susunod na aralin, tatalakayin natin kung ano ang nangyari.

  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
    • 2. Sino ang kasamang mamamahala ni Jesus?

      Hindi mag-isang mamamahala si Jesus. Kasama niya ang mga tao “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa . . . at pamamahalaan nila ang lupa bilang mga hari.” (Apocalipsis 5:​9, 10) Ilan ang kasama ni Kristo na mamamahala? Mula nang bumaba si Jesus sa lupa, milyon-milyong Kristiyano ang naging tagasunod niya. Pero 144,000 lang sa kanila ang pupunta sa langit para mamahalang kasama ni Jesus. (Basahin ang Apocalipsis 14:​1-4.) Lahat ng iba pang Kristiyano na nasa lupa ay magiging mamamayan ng Kaharian.​—Awit 37:29.

  • Ano ang Gagawin ng Kaharian?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
    • Ano ang Gagawin ng Kaharian?

      Namamahala na ang Kaharian ng Diyos. At malapit na itong gumawa ng malalaking pagbabago sa lupa. Tatalakayin natin ang magagandang bagay na gagawin ng Kaharian.

      1. Paano ibabalik ng Kaharian ng Diyos ang kapayapaan at katarungan sa lupa?

      Bilang Hari sa Kaharian ng Diyos, pupuksain ni Jesus ang masasamang tao at mga gobyerno sa digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:​14, 16) Sa panahong iyon, matutupad ang pangako ng Bibliya: “Kaunting panahon na lang at ang masasama ay mawawala na.” (Awit 37:10) Gagamitin ni Jesus ang Kaharian para magkaroon ng kapayapaan at katarungan sa buong lupa.​—Basahin ang Isaias 11:4.

      2. Ano ang magiging buhay sa lupa kapag nangyari na ang kalooban ng Diyos?

      Kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos, “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Isipin ito: Lahat ng tao ay matuwid, o mabuti at mahal si Jehova at ang isa’t isa! Wala nang magkakasakit, at lahat ay mabubuhay magpakailanman.

      3. Ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos kapag wala na ang masasama?

      Pagkatapos puksain ang masasama, mamamahala si Jesus bilang Hari nang 1,000 taon. Sa panahong iyon, makakasama niya ang 144,000 tagapamahala at tutulungan nila ang mga tao na maging perpekto. Sa pagtatapos ng panahong iyon, magiging napakagandang paraiso ang lupa. Lahat ng tao ay magiging masaya kasi sinusunod nila ang mga utos ni Jehova. Pagkatapos, ibabalik ni Jesus ang pamamahala sa Ama niya, si Jehova. Sa panahong iyon, lubusan nang ‘mapapabanal ang pangalan’ ni Jehova. (Mateo 6:​9, 10) Talagang mapapatunayan na si Jehova ay isang mabuting Tagapamahala na nagmamalasakit sa mga tao. Pagkatapos, pupuksain ni Jehova si Satanas, ang mga demonyo, at ang lahat ng magrerebelde sa pamamahala niya. (Apocalipsis 20:​7-10) Ang magagandang bagay na gagawin ng Kaharian ng Diyos sa lupa ay mananatili magpakailanman.

      PAG-ARALAN

      Alamin kung bakit tayo makakapagtiwala na gagamitin ng Diyos ang Kaharian niya para tuparin ang lahat ng pangako ng Bibliya tungkol sa hinaharap.

      4. Tatapusin ng Kaharian ng Diyos ang gobyerno ng tao

      “Namamahala [ang tao] sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Gagamitin ni Jehova ang Kaharian niya para alisin ang kawalang-katarungan.

      Basahin ang Daniel 2:44 at 2 Tesalonica 1:​6-8. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

      • Ano ang gagawin ni Jehova at ng Anak niyang si Jesus sa gobyerno ng tao at sa mga sumusuporta rito?

      • Ngayong nalaman mo ang tungkol kay Jehova at kay Jesus, paano ka makakasiguro na magiging patas at makatarungan ang gagawin nila?

      Si Jesus, bilang Hari, na namamahala sa paraisong lupa.

      5. Karapat-dapat si Jesus bilang Hari

      Bilang Hari sa Kaharian ng Diyos, maraming gagawin si Jesus para tulungan ang mga tao sa lupa. Panoorin ang VIDEO para makita na talagang gusto ni Jesus na tulungan ang mga tao at na binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan para gawin ito.

      VIDEO: Ipinakita ni Jesus ang mga Gagawin ng Kaharian (1:​13)

      Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya ang gagawin ng Kaharian. Alin sa mga pagpapalang mababasa mo rito ang gustong-gusto mo? Basahin ang mga teksto kung saan makikita ang mga pagpapalang iyon.

      NOONG NASA LUPA, . . .

      MULA SA LANGIT,  . . .

      • kinontrol ni Jesus ang kalikasan.​—Marcos 4:​36-41.

      • sosolusyunan ni Jesus ang lahat ng problema sa kapaligiran.​—Isaias 35:​1, 2.

      • pinakain ni Jesus ang marami.​—Mateo 14:​17-21.

      • aalisin ni Jesus ang taggutom sa mundo.​—Awit 72:16.

      • pinagaling ni Jesus ang mga maysakit.​—Lucas 18:​35-43.

      • sisiguraduhin ni Jesus na magkakaroon ang lahat ng perpektong kalusugan.​—Isaias 33:24.

      • bumuhay si Jesus ng mga patay.​—Lucas 8:​49-55.

      • bubuhayin ni Jesus ang mga patay at aalisin ang kamatayan.​—Apocalipsis 21:​3, 4.

      6. Isang magandang kinabukasan ang ibibigay ng Kaharian ng Diyos

      Gagawin ng Kaharian ang orihinal na layunin ni Jehova para sa mga tao. Mabubuhay sila magpakailanman sa isang paraisong lupa. Panoorin ang VIDEO para makita kung paano gagamitin ni Jehova ang Anak niyang si Jesus para tuparin ang layunin niya.

      VIDEO: Sulyap sa Isang Napakagandang Kinabukasan (4:​35)

      Basahin ang Awit 145:16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na ‘ibibigay ni Jehova ang inaasam,’ o kagustuhan, ng bawat bagay na may buhay?

      MAY NAGSASABI: “Kung magtutulungan ang lahat ng tao, masosolusyunan ang mga problema sa mundo.”

      • Anong mga problema ang masosolusyunan ng Kaharian ng Diyos na hindi kayang solusyunan ng gobyerno ng tao?

      SUMARYO

      Tutuparin ng Kaharian ng Diyos ang layunin ni Jehova. Gagawin nitong paraiso ang buong mundo at titira doon magpakailanman ang mabubuting tao na sumasamba kay Jehova.

      Ano ang Natutuhan Mo?

      • Paano papabanalin ng Kaharian ng Diyos ang pangalan ni Jehova?

      • Bakit tayo makakapagtiwala na tutuparin ng Kaharian ng Diyos ang mga pangako ng Bibliya?

      • Alin sa mga gagawin ng Kaharian ang gustong-gusto mong makita?

      Subukan Ito

      TINGNAN DIN

      Alamin kung ano ang Armagedon.

      “Ano ang Digmaan ng Armagedon?” (Artikulo sa jw.org/tl)

      Alamin ang mga mangyayari sa panahong tinawag ni Jesus na “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21.

      “Ano ang Malaking Kapighatian?” (Artikulo sa jw.org/tl)

      Tingnan kung paano puwedeng bulay-bulayin ng mga pamilya ang mga pagpapala ng Kaharian.

      Isiping Nasa Paraiso Ka Na (1:​50)

      Sa kuwentong “Maraming Tanong na Gumugulo sa Aking Isipan,” alamin kung paano nakita ng isang dating rebelde ang solusyon na hinahanap niya.

      “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Enero 1, 2012)

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share