-
Ibunyi si Kristo, ang Maluwalhating Hari!Ang Bantayan—2014 | Pebrero 15
-
-
HUMAHAYO “ALANG-ALANG SA KATOTOHANAN”
11. Paano humahayo si Kristo “alang-alang sa katotohanan”?
11 Basahin ang Awit 45:4. Ang Mandirigmang-Hari ay hindi nakikipagdigma para lang manakop at manupil. Marangal ang tunguhin ng pakikipagdigma niya. Humahayo siya “alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran.” Ang pinakamahalagang katotohanan na dapat ipagtanggol ay hinggil sa pansansinukob na soberanya ni Jehova. Hinamon ni Satanas ang pagiging nararapat ng pamamahala ni Jehova nang maghimagsik ito laban sa Kaniya. Mula noon, ang katotohanang iyan ay kinukuwestiyon kapuwa ng mga demonyo at ng mga tao. Dumating na ang panahon para humayo ang Haring pinahiran ni Jehova upang lubos na itatag ang katotohanan tungkol sa pagiging soberano ni Jehova.
12. Sa anong diwa humahayo ang Hari ‘alang-alang sa kapakumbabaan’?
12 Humahayo rin ang Hari ‘alang-alang sa kapakumbabaan.’ Bilang bugtong na anak ng Diyos, nagpakita siya ng napakahusay na halimbawa ng kapakumbabaan at pagpapasakop sa soberanya ng kaniyang Ama. (Isa. 50:4, 5; Juan 5:19) Lahat ng tapat na sakop ng Hari ay dapat tumulad sa kaniya at mapagpakumbabang magpasakop sa soberanya ni Jehova sa lahat ng bagay. Tanging ang mga gumagawa nito ang pahihintulutang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Zac. 14:16, 17.
13. Paano humahayo si Kristo ‘alang-alang sa katuwiran’?
13 Humahayo rin si Kristo ‘alang-alang sa katuwiran.’ Ang katuwirang ipinagtatanggol ng Hari ay ang “katuwiran ng Diyos”—ang pamantayan ni Jehova ng tama at mali. (Roma 3:21; Deut. 32:4) Tungkol sa haring si Jesu-Kristo, inihula ni Isaias: “Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran.” (Isa. 32:1) Sa paghahari ni Jesus, iiral ang ipinangakong “mga bagong langit” at “bagong lupa,” na ‘tatahanan ng katuwiran.’ (2 Ped. 3:13) Lahat ng maninirahan sa bagong sanlibutan ay kailangang sumunod sa mga pamantayan ni Jehova.—Isa. 11:1-5.
GAGAWA NG “MGA KAKILA-KILABOT NA BAGAY”
14. Paano gagawa ng “mga kakila-kilabot na bagay” ang kanang kamay ni Kristo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)
14 Habang humahayo ang Hari, isang tabak ang nakabigkis sa kaniyang hita. (Awit 45:3) Pero darating ang panahon na hahawakan at iwawasiwas iyon ng kaniyang kanang kamay. Inihula ng salmista: “Tuturuan ka ng iyong kanang kamay ng mga kakila-kilabot na bagay.” (Awit 45:4) Kapag humayo si Jesu-Kristo para ilapat ang hatol ni Jehova sa Armagedon, gagawa siya ng “mga kakila-kilabot na bagay” laban sa mga kaaway. Hindi natin alam kung paano niya pupuksain ang sistema ni Satanas. Pero manghihilakbot sa gagawin niya ang mga hindi nakinig sa babala ng Diyos na magpasakop sa pamamahala ng Hari. (Basahin ang Awit 2:11, 12.) Sa hula ni Jesus tungkol sa panahon ng kawakasan, sinabi niyang ang mga tao ay ‘manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa, sapagkat ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.’ Idinagdag pa niya: “At kung magkagayon ay makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa ulap taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”—Luc. 21:26, 27.
15, 16. Sinu-sino ang kabilang sa “mga hukbo” na susunod kay Kristo sa labanan?
15 Ang pagdating ng Hari “taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” para maglapat ng hatol ay binabanggit sa aklat ng Apocalipsis: “Nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong puti. At ang nakaupo roon ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya ay humahatol at nakikipagdigma ayon sa katuwiran. Gayundin, ang mga hukbo na nasa langit ay sumusunod sa kaniya na nakasakay sa mga kabayong puti, at nadaramtan sila ng mapuputi, malilinis, maiinam na lino. At mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang kaniyang saktan ang mga bansa sa pamamagitan nito, at papastulan niya sila ng isang tungkod na bakal. Niyuyurakan din niya ang pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”—Apoc. 19:11, 14, 15.
16 Sinu-sino ang kabilang sa makalangit na “mga hukbo” na susunod kay Kristo sa labanan? Nang unang ibigkis ni Jesus ang kaniyang tabak para palayasin si Satanas at ang mga demonyo mula sa langit, kasama niya ang “kaniyang mga anghel.” (Apoc. 12:7-9) Makatuwirang isipin na sa digmaan ng Armagedon, kasama sa mga hukbo ni Kristo ang banal na mga anghel. May iba pa bang kabilang sa kaniyang hukbo? Ipinangako ni Jesus sa kaniyang pinahirang mga kapatid: “Sa kaniya na nananaig at tumutupad sa aking mga gawa hanggang sa wakas ay ibibigay ko ang awtoridad sa mga bansa, at magpapastol siya sa mga tao sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal anupat magkakadurug-durog sila na tulad ng mga sisidlang luwad, gaya naman ng tinanggap ko mula sa aking Ama.” (Apoc. 2:26, 27) Kaya kabilang din sa makalangit na mga hukbo ni Kristo ang kaniyang pinahirang mga kapatid, na tumanggap na sa panahong iyon ng kanilang gantimpala sa langit. Kasama niya ang mga ito kapag gumawa siya ng “mga kakila-kilabot na bagay” habang pinapastulan ng tungkod na bakal ang mga bansa.
-
-
Ibunyi si Kristo, ang Maluwalhating Hari!Ang Bantayan—2014 | Pebrero 15
-
-
19. Paano patuloy na ‘magtatagumpay’ si Kristo at lulubusin ang kaniyang pananaig?
19 Matapos puksain ang sanlibutan ni Satanas, si Kristo ‘sa kaniyang karilagan’ ay patuloy na ‘magtatagumpay.’ (Awit 45:4) Lulubusin niya ang pananaig sa pamamagitan ng pagbubulid kay Satanas at sa mga demonyo sa kalaliman hanggang sa matapos ang Sanlibong Taóng Paghahari. (Apoc. 20:2, 3) Habang nasa tulad-patay na kalagayan ang Diyablo at ang mga demonyo, ang mga naninirahan sa lupa ay magiging malaya sa impluwensiya nila at maaari nang lubusang magpasakop sa matagumpay at maluwalhating Hari. Pero bago maging paraiso ang buong lupa, may isa pa silang dahilan para makigalak sa Hari at sa kaniyang mga kasamang tagapamahala. Susuriin sa kasunod na artikulo ang masayang kaganapang iyan.
-