Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Biláng ni Jehova “ang Mismong mga Buhok ng Inyong Ulo”
    Ang Bantayan—2005 | Agosto 1
    • “Ilagay Mo ang Aking mga Luha sa Iyong Sisidlang Balat”

      12. Paano natin nalalaman na alam na alam ni Jehova ang mga paghihirap na dinaranas ng kaniyang bayan?

      12 Hindi lamang kilala ni Jehova ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod kundi alam na alam din niya ang mga paghihirap na dinaranas ng bawat isa. Halimbawa, nang sinisiil ang mga Israelita bilang mga alipin, sinabi ni Jehova kay Moises: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” (Exodo 3:7) Talaga ngang nakaaaliw malaman na kapag nagbabata tayo ng pagsubok, nakikita pala ni Jehova ang nangyayari at naririnig niya ang ating mga daing! Hinding-hindi niya ipinagwawalang-bahala ang ating pagtitiis.

      13. Ano ang nagpapakita na talagang nadarama ni Jehova ang nadarama ng kaniyang mga lingkod?

      13 Ang malasakit ni Jehova sa mga may kaugnayan sa kaniya ay makikita rin sa kaniyang damdamin para sa mga Israelita. Kahit na ang pagdurusa nila ay kadalasang dahil na rin sa katigasan ng kanilang ulo, sumulat si Isaias tungkol kay Jehova: “Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.” (Isaias 63:9) Bilang tapat na lingkod ni Jehova, makatitiyak ka kung gayon na kapag nasasaktan ka, nasasaktan din si Jehova. Hindi ba’t nauudyukan ka nitong harapin nang walang takot ang paghihirap at patuloy na gawin ang iyong buong makakaya upang paglingkuran siya?​—1 Pedro 5:6, 7.

      14. Ano ang mga kalagayan nang kathain ang Awit 56?

      14 Ang pananalig ni Haring David na si Jehova ay may malasakit sa kaniya at nadarama rin ang nadarama niya ay makikita sa Awit 56, na kinatha ni David habang tumatakas sa mapamaslang na si Haring Saul. Tumakas si David patungong Gat subalit nangamba siyang madakip nang makilala siya ng mga Filisteo. Sumulat siya: “Sinasakmal ako ng mga kagalit ko buong araw, sapagkat maraming nakikipagdigma laban sa akin nang may kapalaluan.” Dahil nanganganib siya, bumaling si David kay Jehova. “Buong araw nilang pinipinsala ang aking mga pansariling gawain,” ang sabi niya. “Ang lahat ng kaisipan nila ay laban sa akin sa ikasasama.”​—Awit 56:2, 5.

      15. (a) Ano ang ibig sabihin ni David nang hilingin niya kay Jehova na ilagay ang kaniyang mga luha sa isang sisidlang balat o sa isang aklat? (b) Kapag nagbabata tayo ng isang pagsubok sa ating pananampalataya, sa ano tayo makatitiyak?

      15 Pagkaraan, gaya ng nakaulat sa Awit 56:8, binanggit ni David ang nakapagtatakang pananalitang ito: “Ang aking pagiging takas ay iniulat mo. Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat. Hindi ba nasa iyong aklat ang mga iyon?” Isa ngang nakaaantig-damdaming paglalarawan ng maibiging pagmamalasakit ni Jehova! Kapag tayo’y nasa kagipitan, maaaring mapaluha tayo sa pagtawag kay Jehova. Kahit ang sakdal na lalaking si Jesus ay lumuha rin. (Hebreo 5:7) Kumbinsido si David na pinagmamasdan siya ni Jehova at inaalaala ang kaniyang paghihirap, na parang tinitipon ang kaniyang mga luha sa isang sisidlang balat o isinusulat ang mga ito sa isang aklat.d Marahil ay iniisip mong mapupuno ng iyong mga luha ang sisidlang balat na iyon o ang maraming pahina ng aklat na iyon. Kung gayon, kaaliwan ito para sa iyo. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”​—Awit 34:18.

  • Biláng ni Jehova “ang Mismong mga Buhok ng Inyong Ulo”
    Ang Bantayan—2005 | Agosto 1
    • d Noong unang panahon, ang mga sisidlang balat ay yari sa kinulting balat ng tupa, kambing, at baka. Ang mga sisidlang ito ay pinaglalagyan ng gatas, mantikilya, keso, o tubig. Ang mga balat na kinulting mabuti ay puwedeng paglagyan ng langis o alak.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share