-
Sino ang Makapagliligtas sa mga Humihingi ng Tulong?Ang Bantayan—2010 | Agosto 15
-
-
14, 15. Paano natin nalaman na nauunawaan ni Jesus ang nadarama ng mga tao at na “ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong”?
14 Kaawa-awa ang makasalanang sangkatauhan at kailangang-kailangan nito ng tulong. Pero may pag-asa tayo. (Basahin ang Awit 72:12-14.) May simpatiya sa atin si Jesus dahil nauunawaan niyang makasalanan tayo. Bukod diyan, nagdusa si Jesus alang-alang sa katuwiran, at ipinahintulot ng Diyos na mapaharap siya sa mga pagsubok. Gayon na lang ang igting na naramdaman ni Jesus, anupat ang “kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa!” (Luc. 22:44) Habang nasa pahirapang tulos, sumigaw siya: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat. 27:45, 46) Sa kabila ng mga dinanas niya, at bagaman ginawa na ni Satanas ang lahat para italikod siya kay Jehova, si Jesus ay nanatili pa ring tapat.
-
-
Sino ang Makapagliligtas sa mga Humihingi ng Tulong?Ang Bantayan—2010 | Agosto 15
-
-
16. Bakit may simpatiya si Solomon sa kaniyang mga sakop?
16 Dahil sa karunungan at kaunawaan ni Solomon, tiyak na ‘naawa siya sa maralita at sa dukha.’ Bukod diyan, nakaranas din siya ng malungkot at masaklap na mga pangyayari sa buhay niya. Hinalay ng kapatid niyang si Amnon ang kapatid nilang si Tamar. Dahil dito, ipinapatay si Amnon ng kapatid nilang si Absalom. (2 Sam. 13:1, 14, 28, 29) Tinangkang agawin ni Absalom ang trono ni David, pero nabigo siya, at pinatay siya ni Joab. (2 Sam. 15:10, 14; 18:9, 14) Pagkaraan, ang kapatid naman ni Solomon na si Adonias ang nagtangkang umagaw ng trono. Kung nagtagumpay ito, tiyak na buhay ni Solomon ang kapalit. (1 Hari 1:5) Makikita sa panalangin ni Solomon noong inagurasyon ng templo ni Jehova na naunawaan niya ang paghihirap ng tao. Tungkol sa kaniyang mga sakop, nanalangin ang hari: “Alam ng bawat isa sa kanila ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling kirot . . . Magpatawad ka [Jehova] at magbigay sa bawat isa ng ayon sa lahat ng kaniyang mga lakad.”—2 Cro. 6:29, 30.
17, 18. Anong kirot ang binabata ng ilan sa mga lingkod ng Diyos? Ano ang nakatulong sa kanila na makapagbata?
17 Ang ‘ating sariling kirot’ ay maaaring dahil sa ilang karanasan sa buhay. Si Mary,a mahigit 30 taóng gulang at isang Saksi ni Jehova, ay sumulat: “Napakarami kong dahilan para maging maligaya, pero ayaw pa rin akong patahimikin ng aking nakaraan. Palagi tuloy akong malungkot at umiiyak, na para bang kahapon lang iyon nangyari. Pakiramdam ko’y wala akong halaga at palagi akong nakokonsiyensiya.”
18 Nauunawaan ng maraming lingkod ng Diyos ang ganitong damdamin. Pero ano ang makakatulong sa kanila para makapagbata? “Ang nagpapasaya sa akin ngayon ay ang aking mga tunay na kaibigan at mga kakongregasyon,” ang sabi ni Mary. “Itinutuon ko rin ang isip ko sa mga pangako ni Jehova at nagtitiwalang mapapalitan ng mga luha ng kagalakan ang aking mga luha ng kalungkutan.” (Awit 126:5) Dapat tayong umasa sa Anak ng Diyos, ang Kaniyang inatasang Tagapamahala. Ganito ang inihula tungkol sa kaniya: “Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.” (Awit 72:13, 14) Napakaganda ngang pag-asa!
-