Pag-igib ng “Malalim na Tubig”
GANITO ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang payo sa puso ng isang tao ay parang malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang iigib niyaon.” (Kawikaan 20:5) Noong panahon ng Bibliya ay mas mahirap ang pagkuha ng tubig kaysa sa pagkuha ng tubig sa maraming lupain sa ngayon. Nang kausapin ni Jesus ang babaing Samaritana, ito ay sumasalok ng tubig sa bukal ni Jacob, isang balon na mga 23 metro ang lalim!—Juan 4:5-15.
Gaya ng ipinakikita ng Kawikaan 20:5, ang kaunawaan na kakailanganin upang mapukaw ang malalim na kaisipan at damdamin na nasa puso ng isang tao ay katulad ng pagsisikap na kinakailangan upang makaigib ng tubig sa isang balon. Totoo ito sa maraming pitak ng buhay. Halimbawa, malamang na may kilala kang mga tao na sa loob ng maraming taon ay nakapag-imbak ng saganang kaalaman at karanasan. Kung hindi ugali ng mga ito na magpayo hangga’t hindi hinihiling, baka kailangang pukawin mo muna sila. Sa pagpapakita ng interes, pagtatanong, at mataktikang pag-uusisa, ibinababa mo, wika nga, ang iyong timba sa isang malalim na balon ng karunungan.
Ang payo sa Kawikaan 20:5 ay kapit din sa pamilya. Madalas marinig na sinasabi ng mga asawang babae: “Hindi sinasabi sa akin ng aking asawa ang kaniyang nadarama!” Maaaring sabihin naman ng asawang lalaki: “Basta na lamang ako hindi kinikibo ng aking asawa!” Sa gayong mga situwasyon, kailangan ang kaunawaan upang mapalabas ang malalim na mga kaisipan sa puso ng kabiyak. Ang mataktikang pagtatanong (Nahirapan ka ba sa araw na ito? Ano ang nangyari? Paano ako makatutulong?) ay kadalasang nagbubukas ng puso-sa-pusong pag-uusap. Ang pagpapakita ng gayong kaunawaan ay magpapatibay sa buklod ng pag-aasawa, sa kapakinabangan kapuwa ng asawang lalaki at asawang babae.