“Kayamanan sa Pamamagitan ng Sinungaling na Dila ay . . . Isang Singaw”
SA MGA panahong ito, ang pagsisinungaling at pandaraya ay malimit na itinuturing na matuwid—at malaki ang tagumpay—na pamamaraan sa negosyo. Ito’y nangyari rin noong mga sinaunang panahon sa Bibliya. Ang salmistang si Asaph ay sumulat tungkol sa mga “nangagpayaman,” sa pamamagitan ng mga kadayaan. Ang gayong mga tao ay maaaring magtinging “nasa walang hanggang kaginhawahan” dahilan sa kayamanan na dulot sa kanila ng pandaraya.—Awit 73:8, 12.
Subalit, ang mga Kristiyano sa ngayon ay dapat umiwas ‘sa pag-ibig sa masakim na pakinabang’ at sa kahina-hinala o madadayang mga pamamaraan sa negosyo. (1 Pedro 5:2) Ito ang babala ng Kawikaan 21:6: “Ang pagtatamo ng mga kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay ng paroo’t parito noong nagsisihanap ng kamatayan.” Oo, ang anumang “kayamanan” na natamo sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pandaraya ay magiging pansamantala lamang na gaya ng isang “singaw,” na pumapanaw na gaya ng hamog. “Ang kayamanan ng balakyot ay hindi pakikinabangan” sa tinagal-tagal. (Kawikaan 10:2) Oo, ang sinungaling ay ‘naghahanap ng kamatayan’ sa pamamagitan ng paglakad sa daan ng kamatayan. Ang kaniyang buhay ay maaaring maputol nang wala sa panahon pagka bumalandra na sa kaniya ang kaniyang kasinungalingan. (Ihambing ang Esther 7:10.) O kung hindi man, ang kaniyang buhay ay magwawakas sa araw ng paghuhukom ng Diyos.