Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mga Sinag ng Liwanag Noong Panahon ng mga Apostol
    Ang Bantayan—1995 | Mayo 15
    • Mga Sinag ng Liwanag Noong Panahon ng mga Apostol

      “Ang mismong liwanag ay suminag para sa isa na matuwid, at ang kasayahan ay para sa may matuwid na puso.”​—AWIT 97:11.

      1. Papaano nakakatulad ng mga Saksi ni Jehova ngayon ang sinaunang mga Kristiyano?

      ANONG laki nga ng pagpapahalaga natin, bilang tunay na mga Kristiyano, sa mga salita ng Awit 97:11! ‘Ang liwanag ay paulit-ulit na suminag’ para sa atin. Sa katunayan, nakita ng ilan sa atin ang sumisinag na kaliwanagan ni Jehova sa loob ng mga dekada. Lahat ng ito ay nagpapaalaala sa atin ng Kawikaan 4:18, na kababasahan: “Ang landas ng matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw.” Yamang pinahahalagahan natin ang Kasulatan sa halip na ang tradisyon, tayong mga Saksi ni Jehova ay nakakatulad ng sinaunang mga Kristiyano. Maliwanag na makikita ang kanilang saloobin mula sa makasaysayang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at mula sa mga liham nito, na isinulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos.

      2. Ano ang kabilang sa mga unang sinag ng liwanag na natamo ng mga tagasunod ni Jesus?

      2 Kabilang sa mga unang sinag ng liwanag na natamo ng sinaunang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay yaong may kinalaman sa Mesiyas. Sinabi ni Andres sa kaniyang kapatid na si Simon Pedro: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” (Juan 1:41) Pagkaraan, pinapangyari ng Ama sa langit na patotohanan ni apostol Pedro ang bagay na ito nang sabihin niya kay Jesu-Kristo: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”​—Mateo 16:16, 17; Juan 6:68, 69.

      Liwanag Hinggil sa Kanilang Atas na Mangaral

      3, 4. Matapos siyang buhaying-muli, anong kaliwanagan ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod hinggil sa kanilang gawain sa hinaharap?

      3 Matapos na siya’y buhaying-muli, nagbigay si Jesu-Kristo ng mga sinag ng liwanag hinggil sa pananagutang nakaatang sa lahat ng kaniyang mga tagasunod. Malamang na iyon ay sa 500 alagad na nagkakatipon sa Galilea nang sabihin niya: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20; 1 Corinto 15:6) Mula noon, lahat ng tagasunod ni Kristo ay kailangang maging mga mángangarál, at ang kanilang atas na mangaral ay hindi lamang sa “nawawalang mga tupa ng bahay ng Israel.” (Mateo 10:6) Ni sila man ay gaganap ng bautismo ni Juan bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan. Sa halip, babautismuhan nila ang mga tao “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.”

      4 Mga ilang sandali bago umakyat sa langit si Jesus, nagtanong ang kaniyang 11 tapat na mga apostol: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Sa halip na sagutin ang tanong na iyan, nagbigay si Jesus ng karagdagan pang tagubilin tungkol sa kanilang atas na mangaral, na sinasabi: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo, at magiging mga saksi ko kayo kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Hanggang noon, sila ay naging mga saksi tangi lamang ni Jehova, ngunit ngayon sila ay magiging mga saksi rin ni Kristo.​—Gawa 1:6-8.

      5, 6. Anong mga sinag ng liwanag ang natamo ng mga alagad ni Jesus noong Pentecostes?

      5 Pagkaraan lamang ng sampung araw, anong ningning na mga sinag ng liwanag ang tinamasa ng mga tagasunod ni Jesus! Nang araw ng Pentecostes 33 C.E., sa unang pagkakataon, lubusang naunawaan nila ang kahulugan ng Joel 2:28, 29: “Ibubuhos ko [sabi ni Jehova] ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. At maging sa mga lingkod na lalaki at sa mga lingkod na babae ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking espiritu.” Nakita ng mga alagad ni Jesus ang banal na espiritu, sa anyo ng mga dila na parang apoy, na lumapag sa mga ulo nilang lahat​—mga 120 lalaki at babae​—na nagtipon sa Jerusalem.​—Gawa 1:12-15; 2:1-4.

      6 Gayundin noong araw ng Pentecostes, unang naunawaan ng mga alagad na ang mga salita sa Awit 16:10 ay kumapit sa binuhay-muling si Jesu-Kristo. Sinabi ng salmista: “Ang aking kaluluwa ay hindi mo [Diyos na Jehova] iiwan sa Sheol. Ang iyong banal ay hindi mo papayagang makakita ng hukay.” Natanto ng mga alagad na ang mga salitang iyon ay hindi maaaring kumapit kay Haring David, sapagkat ang kaniyang libingan ay nasa kanila hanggang sa araw na iyon. Hindi nakapagtataka na mga 3,000 sa mga nakarinig nang ilahad ang bagong liwanag na ito ang totoong nakumbinsi anupat sila’y nagpabautismo sa mismong araw na iyon!​—Gawa 2:14-41.

      7. Anong maningning na liwanag ang natamo ni apostol Pedro nang dalawin niya ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio?

      7 Sa loob ng maraming siglo, naunawaan ng mga Israelita ang sinabi ng Diyos tungkol sa kanila: “Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng sambahayan sa lupa.” (Amos 3:2) Kaya tunay ngang isang maningning na sinag ng liwanag ang natamo ni apostol Pedro at niyaong mga sumama sa kaniya sa pagtungo sa bahay ng Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio nang sa unang pagkakataon ay bumaba ang banal na espiritu sa di-tuling Gentil na mga mananampalataya. Kapansin-pansin na ito lamang ang tanging pagkakataon na ang banal na espiritu ay ipinagkaloob bago ang bautismo. Subalit kailangang magkagayon. Kung hindi ay di malalaman ni Pedro na ang di-tuling mga Gentil na ito ay kuwalipikado sa bautismo. Palibhasa’y lubusang nauunawaan ang kahulugan ng di-karaniwang pangyayaring ito, nagtanong si Pedro: “Maipagbabawal ba ng sinuman ang tubig upang ang mga [Gentil na] ito na tumanggap ng banal na espiritu na gaya natin ay hindi mabautismuhan?” Mangyari pa, walang sinumang naroroon ang may kawastuang makatututol, at sa gayon ay naganap ang bautismo sa mga Gentil na ito.​—Gawa 10:44-48; ihambing ang Gawa 8:14-17.

      Wala Nang Pagtutuli

      8. Bakit nahirapan ang ilang sinaunang Kristiyano na talikuran ang pagtutuli?

      8 Lumitaw ang mas maliwanag na sinag ng katotohanan may kaugnayan sa suliranin ng pagtutuli. Ang pagtutuli ay nagsimulang isagawa noong 1919 B.C.E. sa pamamagitan ng tipan ni Jehova kay Abraham. Iniutos noon ng Diyos kay Abraham na siya at lahat ng iba pang lalaki sa kaniyang sambahayan ay kailangang tuliin. (Genesis 17:9-14, 23-27) Kaya ang pagtutuli ay naging isang pagkakakilanlang tanda ng mga inapo ni Abraham. At gayon na lamang ang kanilang pagmamalaki hinggil sa gawaing ito! Bunga nito, ang pananalitang “di-tuli” ay naging isang katawagan ng paghamak. (Isaias 52:1; 1 Samuel 17:26, 27) Madaling maunawaan kung bakit ibig ng ilang Judiong Kristiyano noong una na panatilihin ang palatandaang ito. Ang ilan sa kanila ay nakipagtalo kina Pablo at Bernabe hinggil dito. Upang lutasin ito, naparoon si Pablo at ang iba pa sa Jerusalem upang sumangguni sa Kristiyanong lupong tagapamahala.​—Gawa 15:1, 2.

      9. Anong mga sinag ng liwanag ang isiniwalat sa lupong tagapamahala noong una, gaya ng nakaulat sa Mga Gawa kabanata 15?

      9 Sa pagkakataong ito, hindi sa pamamagitan ng nakikitang himala kung kaya natamo ng sinaunang mga Kristiyanong iyon ang liwanag na hindi na isang kahilingan ang pagtutuli para sa mga lingkod ni Jehova. Sa halip, natamo nila ang karagdagang liwanag na iyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa Kasulatan, anupat umaasa sa banal na espiritu ukol sa patnubay, at pinakinggan ang mga karanasan nina Pedro at Pablo hinggil sa pagkakumberte ng di-tuling mga Gentil. (Gawa 15:6-21) Ang pasiya ay inilabas sa isang liham na ang isang bahagi ay kababasahan ng ganito: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.” (Gawa 15:28, 29) Sa gayon ay pinalaya na ang sinaunang mga Kristiyano buhat sa utos na isagawa ang pagtutuli at buhat sa iba pang kahilingan ng Batas Mosaiko. Kaya naman, masasabi ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Galacia: “Ukol sa gayong kalayaan ay pinalaya tayo ni Kristo.”​—Galacia 5:1.

      Liwanag sa Mga Ebanghelyo

      10. Ano ang ilan sa mga sinag ng liwanag na isiniwalat sa Ebanghelyo ni Mateo?

      10 Walang alinlangan na ang Ebanghelyo ni Mateo, na isinulat humigit-kumulang noong 41 C.E., ay naglalaman ng maraming sinag ng liwanag sa kapakinabangan ng mga mambabasa nito. Halos iilan lamang sa unang-siglong mga Kristiyano ang personal na nakarinig kay Jesus sa pagpapaliwanag ng kaniyang mga turo. Higit sa lahat, idiniin ng Ebanghelyo ni Mateo na ang tema ng pangangaral ni Jesus ay ang Kaharian. At gayon na lamang ang pagdiriin ni Jesus sa kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang motibo! Kayrami ngang sinag ng liwanag ang matatagpuan sa kaniyang Sermon sa Bundok, sa kaniyang mga talinghaga (tulad niyaong nakaulat sa Mat kabanata 13), at sa kanyang dakilang hula sa mga Mat kabanata 24 at 25! Lahat ng ito ay itinawag-pansin sa sinaunang mga Kristiyano ayon sa salaysay sa Ebanghelyo ni Mateo na isinulat halos mga walong taon lamang pagkalipas ng Pentecostes 33 C.E.

      11. Ano ang masasabi tungkol sa nilalaman ng Mga Ebanghelyo nina Lucas at Marcos?

      11 Pagkaraan ng mga 15 taon, isinulat ni Lucas ang kaniyang Ebanghelyo. Samantalang ang kalakhang bahagi nito ay katulad ng salaysay ni Mateo, ang 59 na porsiyento ay karagdagan. Itinala ni Lucas ang anim sa mga himala ni Jesus at mahigit sa dalawang ulit ng dami ng Kaniyang mga ilustrasyon na hindi binanggit ng ibang manunulat ng Ebanghelyo. Lumilitaw na mga ilang taon lamang pagkaraan, isinulat naman ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo, na nagdiriin kay Jesu-Kristo bilang isang lalaking kilala sa gawa, isa na gumagawa ng mga himala. Samantalang karamihan sa inilahad ni Marcos ay mga pangyayaring naiulat na nina Mateo at Lucas, itinala naman niya ang isang talinghaga na hindi nila itinala. Sa ilustrasyong iyan, inihalintulad ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa binhi na sumibol, lumaki, at unti-unting namunga.a​—Marcos 4:26-29.

      12. Gaano kalawak ang kaliwanagan na inilaan ng Ebanghelyo ni Juan?

      12 Pagkatapos ay nariyan ang Ebanghelyo ni Juan, na isinulat mahigit na 30 taon matapos sulatin ni Marcos ang kaniyang ulat. Gayon na lamang ang ipinasinag na liwanag ni Juan hinggil sa ministeryo ni Jesus, lalo na sa pamamagitan ng maraming pagbanggit tungkol sa Kaniyang pag-iral bago siya naging tao! Si Juan lamang ang nag-ulat tungkol sa pagkabuhay-muli ni Lazaro, at siya lamang ang nagbibigay sa atin ng marami sa maiinam na pangungusap ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol gayundin ng kaniyang nakapagpapasigla-sa-pusong panalangin noong gabing siya’y ipagkanulo, gaya ng nakaulat sa mga Ju kabanata 13 hanggang 17. Sa katunayan, sinasabi na 92 porsiyento ng Ebanghelyo ni Juan ay walang-katulad.

      Mga Sinag ng Liwanag sa mga Liham ni Pablo

      13. Bakit minalas ng ilan ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma na waring ito ay isang Ebanghelyo?

      13 Si apostol Pablo ay pantanging ginamit upang magdala ng mga sinag ng katotohanan sa mga Kristiyanong nabubuhay noong panahon ng mga apostol. Halimbawa, nariyan ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma, na isinulat noong mga 56 C.E.​—humigit-kumulang kasabay ng pagsulat ni Lucas ng kaniyang Ebanghelyo. Sa liham na ito ay itinatampok ni Pablo ang bagay na ang katuwiran ay itinuturing na bunga ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Ang pagdiriin ni Pablo sa katangiang ito ng mabuting balita ay nag-udyok sa ilan upang malasin ang kaniyang liham sa mga taga-Roma na waring ito ay ikalimang Ebanghelyo.

      14-16. (a) Sa kaniyang unang liham sa mga Kristiyano sa Corinto, anong liwanag ang pinasinag ni Pablo tungkol sa pangangailangang magkaisa? (b) Anong karagdagang liwanag hinggil sa paggawi ang nilalaman ng Unang Corinto?

      14 Sumulat si Pablo tungkol sa ilang bagay na bumabagabag sa mga Kristiyano sa Corinto. Kasali sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto ang maraming kinasihang payo na pinakikinabangan ng mga Kristiyano hanggang sa ating panahon. Una, kinailangan niyang bigyan ng kaliwanagan ang mga taga-Corinto hinggil sa pagkakamaling ginagawa nila sa pagbubuo ng mga kulto na nakasentro sa labis na pagpapahalaga sa ilang tao. Itinuwid sila ng apostol, anupat buong-tapang na sinasabi sa kanila: “Masidhi kong pinapayuhan kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay dapat magsalita nang magkakasuwato, at na hindi dapat na magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi na kayo ay lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.”​—1 Corinto 1:10-15.

      15 Ang malubhang imoralidad ay pinababayaan sa Kristiyanong kongregasyon sa Corinto. Kinuha ng isang lalaki roon ang asawa ng kaniyang ama, sa gayo’y nagsasagawa ng ‘gayong pakikiapid na hindi masusumpungan kahit sa gitna man ng mga bansa.’ Ganito ang maliwanag na isinulat ni Pablo: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (1 Corinto 5:1, 11-13) Iyan ay isang bagay na bago para sa Kristiyanong kongregasyon​—ang pagtitiwalag. Isa pang bagay na doo’y nangangailangan ng kaliwanagan ang kongregasyon sa Corinto ay may kinalaman sa bagay na ang ilan sa mga miyembro nito ay naghahabla ng kanilang espirituwal na mga kapatid sa makasanlibutang mga hukuman upang lutasin ang mga reklamo. Matinding sinaway sila ni Pablo dahil sa paggawa nito.​—1 Corinto 6:5-8.

      16 Isa pang suliranin na sumasalot sa kongregasyon sa Corinto ay may kinalaman sa seksuwal na mga ugnayan. Sa 1 Corinto kabanata 7, ipinakita ni Pablo na dahil sa laganap na seksuwal na imoralidad, makabubuti para sa bawat lalaki na magkaroon ng kaniyang sariling asawa at para sa bawat babae ng kaniyang sariling asawa. Ipinakita rin ni Pablo na samantalang ang mga taong walang-asawa ay nakapaglilingkod kay Jehova nang walang gaanong abala, hindi lahat ay may kaloob ng pagiging walang-asawa. At kung mamatay ang asawa ng isang babae, siya’y malayang muling makapag-asawa ngunit “tangi lamang sa Panginoon.”​—1 Corinto 7:39.

      17. Anong liwanag ang pinasinag ni Pablo hinggil sa pagkabuhay-muli?

      17 Napakaningning na mga sinag ng liwanag hinggil sa pagkabuhay-muli ang pinasikat ng Panginoon sa pamamagitan ni Pablo! Sa anong uri ng katawan ibabangon ang pinahirang mga Kristiyano? “Inihahasik itong isang katawang pisikal, ibinabangon itong isang katawang espirituwal,” ang sulat ni Pablo. Walang mga katawang laman na dadalhin sa langit, sapagkat “ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” Sinabi pa ni Pablo na hindi lahat ng pinahiran ay matutulog sa kamatayan kundi sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus ang ilan ay ibabangon tungo sa walang-kamatayang buhay karaka-raka pagkamatay.​—1 Corinto 15:43-53.

      18. Anong liwanag hinggil sa hinaharap ang nilalaman ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica?

      18 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Tesalonica, ginamit si Pablo upang magbigay-liwanag hinggil sa hinaharap. Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw sa gabi. Ipinaliwanag din ni Pablo: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.”​—1 Tesalonica 5:2, 3.

      19, 20. Anong mga sinag ng liwanag ang natamo ng mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea mula sa mga liham ni Pablo sa mga Hebreo?

      19 Sa pamamagitan ng kaniyang liham sa mga Hebreo, ipinatalastas ni Pablo ang mga sinag ng liwanag sa sinaunang mga Kristiyano sa Jerusalem at sa Judea. Gayon na lamang kahusay na ipinakita niya ang kahigitan ng Kristiyanong sistema sa Mosaikong sistema ng pagsamba! Sa halip na sundin ang Batas na ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel, may pananampalataya ang mga Kristiyano sa kaligtasan na unang sinalita ng Anak ng Diyos, na makapupong nakahihigit sa gayong anghelikong mga mensahero. (Hebreo 2:2-4) Si Moises ay isang lingkod lamang sa bahay ng Diyos. Subalit, si Jesu-Kristo ang nangangasiwa sa buong bahay. Si Kristo ay isang mataas na saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec, anupat nagtataglay ng posisyon na totoong nakahihigit sa pagkasaserdote ni Aaron. Binanggit din ni Pablo na ang mga Israelita ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos dahil sa kawalan ng pananampalataya at ng pagkamasunurin, ngunit pumapasok dito ang mga Kristiyano dahil sa kanilang katapatan at pagkamasunurin.​—Hebreo 3:1–4:11.

      20 Kung gayon ay totoong nakahihigit din ang bagong tipan sa tipang Batas. Gaya ng inihula 600 taon bago nito sa Jeremias 31:31-34, yaong nasa bagong tipan ay nagtataglay ng batas ng Diyos na nakasulat sa kanilang mga puso at nagtatamasa ng tunay na kapatawaran ng mga kasalanan. Sa halip na may isang mataas na saserdote na kailangang maghandog ng mga hain taun-taon para sa mga kasalanan niya at niyaong sa bayan, ang Mataas na Saserdote ng mga Kristiyano ay si Jesu-Kristo, na walang kasalanan at naghandog ng hain para sa kasalanan nang minsanan. Sa halip na pumasok sa isang dakong banal na ginawa ng mga kamay upang iharap ang kaniyang handog, siya’y pumasok sa langit mismo, upang doon magpakita sa harap ng persona ni Jehova. Isa pa, ang mga hayop na inihahain sa ilalim ng tipang Batas Mosaiko ay hindi lubusang makapag-aalis ng mga kasalanan, o kung gayon ay hindi na sana kailangang maghandog ng mga ito sa taun-taon. Subalit ang hain ni Kristo, na inihandog nang minsanan, ay nag-aalis ng mga kasalanan. Lahat ng ito ay nagbibigay-liwanag sa dakilang espirituwal na templo, na sa mga looban nito ay naglilingkod ngayon ang pinahirang nalabi at ang “ibang mga tupa”.​—Juan 10:16; Hebreo 9:24-28.

      21. Ano ang ipinakita ng pagtalakay na ito hinggil sa katuparan ng Awit 97:11 at Kawikaan 4:18 noong panahon ng mga apostol?

      21 Hindi sapat ang espasyo upang bumanggit ng higit pang mga halimbawa, tulad ng mga sinag ng liwanag na masusumpungan sa mga liham ni apostol Pedro at niyaong sa mga alagad na sina Santiago at Judas. Subalit ang mga nabanggit ay makasasapat na upang ipakita na ang Awit 97:11 at Kawikaan 4:18 ay may kapuna-punang katuparan noong panahon ng mga apostol. Ang katotohanan ay nagsimulang sumulong buhat sa mga tipo at anino hanggang sa mga katuparan at katunayan.​—Galacia 3:23-25; 4:21-26.

      22. Ano ang nangyari pagkamatay ng mga apostol, at ano ang ipakikita ng susunod na artikulo?

      22 Pagkamatay ng mga apostol ni Jesus at sa pasimula ng inihulang apostasya, dumilim ang sinag ng liwanag ng katotohanan. (2 Tesalonica 2:1-11) Gayunman, kaayon ng pangako ni Jesus, makalipas ang maraming siglo ang Panginoon ay bumalik at nasumpungan “ang tapat at maingat na alipin” na nagbibigay sa “mga lingkod ng sambahayan” ng kanilang pagkain sa tamang panahon. Bunga nito, inatasan ni Jesus ang aliping iyan “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Anong mga sinag ng liwanag ang sumunod? Ito’y tatalakayin sa sumusunod na artikulo.

      [Talababa]

      a Ang lupa rito ay tumutukoy sa kapaligiran na doo’y pinili ng Kristiyano na linangin ang mga katangian ng personalidad.​—Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1980, pahina 22-3.

  • Mga Sinag ng Liwanag—Malalaki at Maliliit (Unang Bahagi)
    Ang Bantayan—1995 | Mayo 15
    • Mga Sinag ng Liwanag​—Malalaki at Maliliit (Unang Bahagi)

      “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw.”​—KAWIKAAN 4:18.

      1. Bakit unti-unti ang pagsisiwalat ng katotohanan?

      KATUNAYAN iyan ng banal na karunungan na, kaayon ng Kawikaan 4:18, ang pagsisiwalat ng espirituwal na mga katotohanan ay unti-unting nagaganap sa pamamagitan ng mga sinag ng liwanag. Sa naunang artikulo, nakita natin kung papaano natupad ang tekstong ito noong panahon ng mga apostol. Kung ang kabuuan ng maka-Kasulatang katotohanan ay pawang isiniwalat agad, ito’y kapuwa nakasisilaw at nakalilito​—kagayang-kagaya ng epekto kapag lumalabas mula sa isang madilim na yungib tungo sa maningning na sikat ng araw. Bukod dito, ang unti-unting pagsisiwalat ng katotohanan ay nagpapatibay sa pananampalataya ng mga Kristiyano sa isang patuloy na paraan. Ginagawa nitong mas maningning higit kailanman ang kanilang pag-asa at mas maliwanag higit kailanman ang landas na kanilang tatahakin.

      “Ang Tapat at Maingat na Alipin”

      2. Sino ang ipinahiwatig ni Jesus na gagamitin niya upang magdulot ng espirituwal na liwanag sa kaniyang mga tagasunod, at sinu-sino ang bumubuo ng kasangkapang iyan?

      2 Noong panahon ng mga apostol, minabuti ni Jesus na gumamit ng kahima-himalang mga paraan upang bigyan ng pinakamaaagang sinag ng liwanag ang kaniyang mga tagasunod. Mayroon tayong dalawang halimbawa nito: ang Pentecostes 33 C.E. at ang pagkakumberte kay Cornelio noong 36 C.E. Pagkaraan, minabuti ni Jesus na gumamit ng isang ahensiya ng tao, gaya ng inihula niya: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang ginagawa ang gayon! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Hindi maaaring isa lamang tao ang aliping ito sapagkat siya’y maglalaan ng espirituwal na pagkain mula nang itatag ang Kristiyanong kongregasyon noong Pentecostes hanggang sa ang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay dumating upang magsiyasat. Ipinakikita ng mga pangyayari na ang tapat at maingat na aliping ito ay binubuo ng lahat ng pinahirang Kristiyano bilang isang grupo sa lupa sa bawat panahon.

      3. Sino ang kabilang sa mga unang miyembro ng uring alipin?

      3 Sino ang kabilang sa mga unang miyembro ng uring tapat at maingat na alipin? Isa na si apostol Pedro, na sumunod sa utos ni Jesus: “Pakanin mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:17) Kasali sa iba pang naunang miyembro ng uring alipin ay si Mateo, na sumulat ng Ebanghelyong isinunod sa kaniyang pangalan, gayundin sina Pablo, Santiago, at Judas, na sumulat ng kinasihang mga liham. Si apostol Juan, na sumulat ng aklat na Apocalipsis, ng kaniyang Ebanghelyo, at ng kaniyang mga liham, ay isa ring miyembro ng uring tapat at maingat na alipin. Sumulat ang mga lalaking ito ayon sa iniatas ni Jesus.

      4. Sino ang “mga lingkod ng sambahayan”?

      4 Kung ang lahat ng pinahiran bilang isang grupo, saanman sila naninirahan sa lupa, ay mga miyembro ng uring alipin, sino naman ang “mga lingkod ng sambahayan”? Sila rin ang mga pinahiran ngunit minamalas buhat sa naiibang punto de vista​—bilang mga indibiduwal. Oo, bilang mga indibiduwal sila ay makakabilang sa “alipin” o sila ay ibinibilang na “mga lingkod ng sambahayan,” depende kung alinman sa sila’y namamahagi ng espirituwal na pagkain o tumatanggap niyaon. Upang ilarawan: Gaya ng nakaulat sa 2 Pedro 3:15, 16, bumabanggit si apostol Pedro mula sa mga liham ni Pablo. Kapag binabasa ang mga ito, si Pedro ay nagiging isa sa mga lingkod ng sambahayan na tumatanggap ng espirituwal na pagkain na inilaan ni Pablo bilang kinatawan ng uring alipin.

      5. (a) Ano ang nangyari sa alipin sa loob ng mga siglo pagkamatay ng mga apostol? (b) Anong mga pangyayari ang naganap sa huling kakalahatian ng ika-19 na siglo?

      5 Hinggil dito, ganito ang sabi ng aklat na God’s Kingdom of a Thousand Years Has Approached: “Kung papaanong ang uring ‘tapat at maingat na alipin’ ay umiral at naglingkod sa loob ng mga siglo pagkamatay ng mga apostol ng Panginoong Jesu-Kristo, hindi natin taglay ang maliwanag na ulat ng kasaysayan. Waring ang isang salinlahi ng uring ‘alipin’ ang nagpakain sa kasunod nitong salinlahi. (2 Timoteo 2:2) Subalit sa huling kakalahatian ng ikalabinsiyam na siglo may mga taong may-takot sa Diyos na umibig sa espirituwal na pagkain ng Banal na Bibliya at nagnais na kumain mula rito . . . Ang mga klase sa pag-aaral ng Bibliya . . . ay binuo at sumulong sa pagkaunawa sa mahahalagang katotohanan ng Sagradong Kasulatan. Ang mga taimtim at walang-pag-iimbot na kabilang sa mga estudyanteng ito ng Bibliya ay sabik na ibahagi sa iba ang mahahalagang bahaging ito ng espirituwal na pagkain. Taglay nila ang tapat na espiritu ng ‘alipin’ na inatasan upang magbigay sa ‘mga lingkod ng sambahayan’ ng kinakailangang espirituwal na ‘pagkain sa tamang panahon.’ Sila’y ‘maingat’ sa pag-unawa na iyon ang wasto at tamang panahon noon at kung ano ang pinakamainam na paraan upang ilaan ang pagkain. Sinikap nilang idulot iyon.”​—Pahina 344-5.a

      Mga Unang Sinag ng Liwanag sa Modernong Panahon

      6. Anong bagay ang lubhang kapansin-pansin may kinalaman sa unti-unting pagsisiwalat ng katotohanan?

      6 Lubhang kapansin-pansin may kinalaman sa mga ginamit ni Jehova upang pangyarihin ang unti-unting pagsikat na ito ng espirituwal na liwanag ay ang bagay na hindi nila inangkin ang karangalan ukol sa kanilang sarili. Ang pangmalas ni C. T. Russell, unang presidente ng Samahang Watch Tower, ay na ang Panginoon ay nalugod na gamitin ang kanilang karaniwang mga kakayahan. Hinggil sa mga bansag na mahilig gamitin ng kaniyang mga kaaway, ipinahayag ni Brother Russell na kailanman ay hindi pa siya nakatatagpo ng isang “Russellite” at na talagang wala namang tinatawag na “Russellism.” Lahat ng karangalan ay nauukol sa Diyos.

      7. Anong katunayan ang ibinigay ni Brother Russell at ng kaniyang mga kamanggagawa na sila’y tunay ngang bahagi ng tapat at maingat na alipin?

      7 Kung ibabatay sa mga resulta, walang-alinlangan na ang banal na espiritu ni Jehova ang siyang pumapatnubay sa mga pagsisikap ni Brother Russell at niyaong mga kasama niya. Sila’y nagbigay ng katunayan ng pagiging kabilang sa tapat at maingat na alipin. Bagaman maraming klerigo noong panahong iyon ang nag-aangking naniniwala na ang Bibliya ang kinasihang Salita ng Diyos at na si Jesus ang Anak ng Diyos, sinang-ayunan naman nila ang huwad, maka-Babilonyang mga doktrina, tulad ng Trinidad, kawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at walang-hanggang pagpapahirap. Kaayon ng pangako ni Jesus, dahil sa banal na espiritu kung kaya ang mapagpakumbabang pagsisikap ni Brother Russell at ng kaniyang mga kasama ang nagpangyari na ang katotohanan ay sumikat nang maliwanag higit kailanman. (Juan 16:13) Nagbigay-patotoo ang pinahirang mga Estudyanteng iyon ng Bibliya na sila ay tunay ngang bahagi ng uring tapat at maingat na alipin, na ang atas ay maglaan ng espirituwal na pagkain para sa mga lingkod ng sambahayan ng Panginoon. Ang kanilang mga pagpapagal ay naging malaking tulong sa pagtitipon sa mga pinahiran.

      8. Anong saligang mga katotohanan tungkol kay Jehova, sa Bibliya, kay Jesu-Kristo, at sa banal na espiritu ang malinaw na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya?

      8 Kapansin-pansin kung gaano katindi ang mga sinag ng liwanag na ipinagkaloob ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, sa unang mga Estudyanteng ito ng Bibliya. Una, matatag na pinatunayan nila na ang Maylikha ay umiiral at na siya ay may bukod-tanging pangalan na Jehova. (Awit 83:18; Roma 1:20) Naunawaan nila na si Jehova ay may apat na pangunahing katangian​—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. (Genesis 17:1; Deuteronomio 32:4; Roma 11:33; 1 Juan 4:8) Malinaw na pinatunayan ng pinahirang mga Kristiyanong ito na ang Bibliya ang siyang kinasihang Salita ng Diyos at ang katotohanan. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Isa pa, nanghawakan sila na ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nilalang at na ibinigay niya ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa buong sangkatauhan. (Mateo 20:28; Colosas 1:15) Ang banal na espiritu, na malayung-malayo sa pagiging ikatlong persona ng isang Trinidad, ay naunawaan bilang ang aktibong puwersa ng Diyos.​—Gawa 2:17.

      9. (a) Anong mga katotohanan ang malinaw na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa kalikasan ng tao at sa mga kahihinatnan na inihaharap ng Bibliya? (b) Ano pang ibang katotohanan ang malinaw na nakita ng mga lingkod ni Jehova?

      9 Malinaw na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang tao ay hindi nagtataglay ng isang imortal na kaluluwa kundi isa siyang mortal na kaluluwa. Natanto nila na “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” hindi walang-hanggang pagpapahirap, kaya nga walang lugar na gaya ng nag-aapoy na impiyerno. (Roma 5:12; 6:23; Genesis 2:7; Ezekiel 18:4) Bukod dito, maliwanag na nakita nila na ang teoriya ng ebolusyon ay hindi lamang di-maka-Kasulatan kundi ganap na walang tunay na batayan. (Genesis, kabanata 1 at 2) Naunawaan din nila na ang Bibliya ay naghaharap ng dalawang kahihinatnan​—isang makalangit para sa 144,000 pinahirang tagasunod-yapak ni Kristo at isang paraisong lupa para sa di-mabilang na “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” (Apocalipsis 7:9; 14:1; Juan 10:16) Nakilala ng mga unang Estudyanteng ito ng Bibliya na ang lupa ay nananatili magpakailanman at hindi matutupok, gaya ng itinuro ng maraming relihiyon. (Eclesiastes 1:4; Lucas 23:43) Natutuhan din nila na ang pagbabalik ni Kristo ay hindi makikita at pagkatapos ay isasagawa niya ang hatol sa mga bansa at paiiralin ang isang paraiso sa lupa.​—Gawa 10:42; Roma 8:19-21; 1 Pedro 3:18.

      10. Anong mga katotohanan ang natutuhan ng mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa bautismo, paghihiwalay ng klero at lego, at sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo?

      10 Natutuhan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang maka-Kasulatang bautismo ay hindi lamang pagwiwisik sa mga sanggol kundi kaayon sa utos ni Jesus sa Mateo 28:19, 20, iyon ay ang paglulubog ng mga mananampalataya na naturuan na. Nabatid nila na walang batayan sa Kasulatan para sa paghihiwalay ng klero at lego. (Mateo 23:8-10) Sa kabaligtaran, lahat ng Kristiyano ay kailangang maging mangangaral ng mabuting balita. (Gawa 1:8) Naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay nararapat na ganapin minsan lamang sa isang taon, tuwing Nisan 14. Isa pa, natanto nila na ang Easter ay isang paganong kapistahan. At saka, gayon na lamang ang pagtitiwala niyaong mga pinahiran na inaalalayan ng Diyos ang kanilang gawain anupat hindi sila kailanman lumikom ng mga koleksiyon. (Mateo 10:8) Buhat pa noong sinauna, naunawaan na nila na ang mga Kristiyano ay kailangang mamuhay ayon sa mga simulain sa Bibliya, na doo’y kasali ang paglinang ng mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos.​—Galacia 5:22, 23.

      Tumitinding mga Sinag ng Liwanag

      11. Anong liwanag ang sumikat hinggil sa atas ng mga Kristiyano at sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing?

      11 Higit kailanman sapol noong 1919 ang mga lingkod ni Jehova ay pinagpala ng tumitinding mga sinag ng liwanag. Anong ningning na sinag ng liwanag ang sumikat sa kombensiyon sa Cedar Point noong 1922 habang matibay na idiniin ni J. F. Rutherford, ang ikalawang presidente ng Samahang Watch Tower, ang punto na ang pangunahing pananagutan ng mga lingkod ni Jehova ay ang “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian”! Nang sumunod na taon mismo, maningning na liwanag ang sumikat sa talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. Naunawaan na ang hulang ito ay matutupad sa kasalukuyang araw ng Panginoon, hindi sa hinaharap sa panahon ng Milenyo, gaya ng dating inakala. Sa panahon ng Milenyo, ang mga kapatid ni Kristo ay hindi magkakasakit, ni ibibilanggo man sila. Bukod dito, sa katapusan ng Milenyo, ang Diyos na Jehova, hindi si Jesu-Kristo, ang siyang hahatol.​—Mateo 25:31-46.

      12. Anong sinag ng liwanag ang mayroon tungkol sa Armagedon?

      12 Noong 1926 isiniwalat ng isa pang maningning na sinag ng liwanag na ang digmaan ng Armagedon ay hindi isang panlipunang himagsikan, gaya ng minsang inakala ng mga Estudyante ng Bibliya. Sa halip, ito ay isang digmaan na kung saan itatanghal ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan nang buong linaw anupat lahat ng tao ay maniniwalang siya nga ang Diyos.​—Apocalipsis 16:14-16; 19:17-21.

      Pasko​—Isang Paganong Kapistahan

      13. (a) Anong liwanag ang ipinasinag hinggil sa pagdiriwang ng Pasko? (b) Bakit hindi na ipinagdiriwang ang mga kapanganakan? (Ilakip ang talababa.)

      13 Di-nagtagal pagkatapos, isang sinag ng liwanag ang nagpangyari upang itigil ng mga Estudyante ng Bibliya ang pagdiriwang ng Pasko. Bago nito ang Pasko ay ipinagdiriwang sa tuwina ng mga Estudyante ng Bibliya sa buong daigdig, at ang pagdiriwang nito sa punung-tanggapan sa Brooklyn ay isang napakasayang okasyon. Subalit noon ay naunawaan na ang pagdiriwang ng Disyembre 25 ay talagang pagano at pinili ng apostatang Sangkakristiyanuhan upang gawing madali ang pagkomberte sa mga pagano. Isa pa, natuklasan na hindi maaaring isilang si Jesus sa panahon ng taglamig, yamang nang siya’y isilang, ang mga pastol ay naroroon sa bukid habang nanginginain ang kanilang mga kawan​—isang bagay na hindi nila ginagawa kung gabi kapag papatapos na ang Disyembre. (Lucas 2:8) Sa halip, ipinahihiwatig ng Kasulatan na si Jesus ay isinilang humigit-kumulang noong Oktubre 1. Natanto rin ng mga Estudyante ng Bibliya na ang umano’y mga pantas na lalaki na dumalaw kay Jesus mga dalawang taon pagkasilang sa kaniya ay mga paganong mago.b

      Isang Bagong Pangalan

      14. Bakit ang pangalang mga Estudyante ng Bibliya ay hindi sapat sa pagpapakilala sa bayan ni Jehova?

      14 Noong 1931 isang maningning na sinag ng katotohanan ang nagsiwalat sa mga Estudyante ng Bibliya ng isang angkop na pangalan ayon sa Kasulatan. Naunawaan ng bayan ni Jehova na sila’y hindi maaaring tumanggap ng anumang palayaw na ibinansag ng iba sa kanila, tulad ng Russellites, Millennial Dawnists, at “no hellers.”c Ngunit nagsimula rin nilang maunawaan na ang pangalang ginagamit nila​—International Bible Students​—​ay hindi sapat sa pagpapakilala sa kanila. Sila ay higit pa sa pagiging mga estudyante ng Bibliya. Isa pa, napakaraming iba pa na mga nag-aaral ng Bibliya ngunit hindi naman nakakatulad ng mga Estudyante ng Bibliya.

      15. Anong pangalan ang tinanggap ng mga Estudyante ng Bibliya noong 1931, at bakit ito naaangkop?

      15 Papaano nagkaroon ng isang bagong pangalan ang mga Estudyante ng Bibliya? Maraming taon nang itinatanyag ng The Watch Tower ang pangalan ni Jehova. Samakatuwid, angkop na angkop lamang na ikapit ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalan na masusumpungan sa Isaias 43:10: “ ‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘samakatuwid nga’y ang aking lingkod na aking pinili, upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong maunawaan na ako nga ang iyon ding Isang iyon. Walang ibang Diyos na inanyuan na nauna sa akin, at hindi na rin nagkaroon ng iba pagkatapos ko.’ ”

      Pagbabangong-Puri at ang “Malaking Pulutong”

      16. Bakit ang mga hula tungkol sa pagsasauli ay hindi maaaring kumapit sa pagbabalik sa Palestina ng likas na mga Judio, ngunit kanino kumakapit ang mga ito?

      16 Sa ikalawang tomo ng Vindication, na inilathala ng Samahang Watch Tower noong 1932, isang sinag ng liwanag ang nagsiwalat na ang mga hula tungkol sa pagsasauli na isinulat nina Isaias, Jeremias, Ezekiel, at iba pang propeta ay hindi kumakapit (gaya ng dating inaakala) sa mga likas na Judio, na bumabalik sa Palestina taglay ang pag-aalinlangan at pulitikal na mga hangarin. Sa halip, ang mga hulang ito tungkol sa pagsasauli, na may maliit na katuparan nang bumalik ang mga Judio buhat sa pagkabihag sa Babilonya noong 537 B.C.E., ay nagkaroon ng malaking katuparan sa pagkaligtas at pagsasauli ng espirituwal na Israel pasimula noong 1919 at sa ibinungang kaunlaran sa espirituwal na paraisong tinatamasa ng tunay na mga mananamba ni Jehova sa ngayon.

      17, 18. (a) Nang maglaon, sa pamamagitan ng isang sinag ng liwanag, ano ang ipinakita na siyang pangunahing layunin ni Jehova? (b) Anong pagsinag ng liwanag hinggil sa Apocalipsis 7:9-17 ang naganap noong 1935?

      17 Nang maglaon, isiniwalat ng mga sinag ng liwanag na ang pangunahing layunin ni Jehova ay, hindi ang kaligtasan ng mga nilalang, kundi ang pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya. Naunawaan na ang pinakamahalagang tema ng Bibliya ay, hindi ang pantubos, kundi ang Kaharian, sapagkat ibabangong-puri nito ang soberanya ni Jehova. Anong ningning na sinag ng liwanag iyon! Ang nakaalay na mga Kristiyano ay hindi na pangunahing nababahala sa kanilang pag-akyat sa langit.

      18 Noong 1935 isang maningning na sinag ng liwanag ang nagsiwalat na ang malaking pulutong na binanggit sa Apocalipsis 7:9-17 ay hindi isang pangalawahing uring makalangit. Inakala na yaong mga binanggit sa mga talatang iyon ay ilan sa mga pinahiran na hindi naging lubusang tapat at sa gayo’y nakatayo sa harap ng trono sa halip na nakaupo sa mga trono na nagpupuno bilang mga hari at mga saserdote kasama ni Jesu-Kristo. Subalit ang totoo’y wala namang tinatawag na pagiging di-lubusang tapat. Alinman sa ang isa ay tapat o di-tapat. Kaya naunawaan na ang hulang ito ay tumutukoy sa di-mabilang na malaking pulutong buhat sa lahat ng bansa na ngayon ay tinitipon at ang pag-asa ay makalupa. Sila ang “mga tupa” sa Mateo 25:31-46 at ang “ibang mga tupa” sa Juan 10:16.

      Ang Krus​—Hindi Isang Kristiyanong Sagisag

      19, 20. Bakit ang krus ay hindi maaaring maging isang sagisag ng tunay na Kristiyanismo?

      19 Sa loob ng maraming taon ay binigyang-halaga ng mga Estudyante ng Bibliya ang krus bilang isang sagisag ng Kristiyanismo. Sila ay mayroon pa ngang “krus-at-korona” na alpilér. Ayon sa King James Version, hiniling ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na pasanin ang kanilang “krus,” at marami ang naniwala na siya’y pinatay sa isang krus. (Mateo 16:24; 27:32) Sa loob ng ilang dekada ang sagisag na ito ay nasa pabalat din ng magasing Watch Tower.

      20 Niliwanag ng aklat na Riches, inilathala ng Samahan noong 1936, na si Jesus ay pinatay, hindi sa isang krus, kundi sa isang patindig na haligi, o tulos. Ayon sa isang awtoridad, ang Griegong salita (stau·rosʹ) na isinaling “krus” sa King James Version “ay nangangahulugan, pangunahin na, ng isang patindig na istaka o tulos. [Iyon ay] naiiba buhat sa eklesyastikong anyo ng dalawang magkasanggang krus. . . . Ang pinagmulan ng huli ay ang sinaunang Caldea, at ginamit bilang sagisag ng diyos na si Tammuz.” Palibhasa’y hindi dapat sambahin, ang kasangkapan na siyang ginamit upang ibayubay si Jesus ay dapat na kasuklaman.

      21. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

      21 Mayroon pang mga halimbawa kapuwa ng malalaking sinag ng liwanag at niyaong maaaring ituring na maliliit. Sa pagtalakay ng mga ito, pakisuyong tingnan ang sumusunod na artikulo.

      [Mga talababa]

      a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

      b Sumapit ang panahon, nakita na kung ang pinakamahalagang kapanganakan na naganap kailanman ay hindi maaaring ipagdiwang, hindi natin dapat ipagdiwang ang anumang kapanganakan. At saka, maging ang mga Israelita ni ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nagdiwang ng kapanganakan. Bumabanggit ang Bibliya ng dalawa lamang na kapanganakan, yaong kay Faraon at ang isa naman ay kay Herodes Antipas. Bawat pagdiriwang ay pinapangit dahil may pinatay. Hindi ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang kapanganakan sapagkat ang ganitong mga kaugalian ay may paganong pinagmulan at nauuwi sa pagpaparangal sa taong nagdiriwang ng kapanganakan.​—Genesis 40:20-22; Marcos 6:21-28.

      c Ito ay isang pagkakamaling ginawa ng ilang denominasyon ng Sangkakristiyanuhan. Lutheran ang palayaw na itinawag ng mga kaaway ni Martin Luther sa kaniyang mga tagasunod, na tumanggap naman nito. Gayundin, ginamit ng mga Baptist ang palayaw na ibinansag sa kanila ng mga tagalabas dahil sa ipinangangaral nila ang bautismo sa pamamagitan ng paglulubog. Medyo nahahawig, tinanggap naman ng mga Methodist ang pangalan na ibinigay sa kanila ng isang tagalabas. Hinggil sa kung papaanong ang Society of Friends ay tinawag na Quakers, ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang salitang Quaker ay orihinal na sinadya bilang isang insulto kay Fox [ang nagtatag], na nagsabi sa isang hukom na Ingles na ‘manginig sa Salita ng Panginoon.’ Tinawag ng hukom si Fox na isang ‘quaker.’ ”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share