-
Humahantong sa Kahihiyan ang KapangahasanAng Bantayan—2000 | Agosto 1
-
-
Humahantong sa Kahihiyan ang Kapangahasan
“Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kahihiyan; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”—KAWIKAAN 11:2.
1, 2. Ano ang kapangahasan, at sa anong mga paraan humantong ito sa kapahamakan?
ISANG inggiterong Levita ang namuno sa isang rebelyosong pulutong ng manggugulo laban sa hinirang ni Jehova na mga awtoridad. Isang ambisyosong prinsipe ang nagpanukala ng isang maitim na balak upang agawin ang trono ng kaniyang ama. Isang mainiping hari ang nagwalang-bahala sa maliliwanag na tagubilin ng propeta ng Diyos. Ang tatlong Israelitang ito ay may pare-parehong ugali: kapangahasan.
2 Ang kapangahasan ay isang kalagayan ng puso na nagiging sanhi ng isang mapanganib na banta sa lahat. (Awit 19:13) Ang isang pangahas na tao ay hindi natatakot gumawa ng mga bagay na doo’y wala siyang karapatang gawin. Kadalasan, ito’y humahantong sa kapahamakan. Sa katunayan, dahil sa kapangahasan, napahamak ang mga hari at bumagsak ang mga imperyo. (Jeremias 50:29, 31, 32; Daniel 5:20) Nasilo pa nga nito ang ilan sa mga lingkod ni Jehova at naakay sila tungo sa kanilang kapahamakan.
3. Paano natin malalaman ang tungkol sa mga panganib ng kapangahasan?
3 May mabuting dahilan kung kaya binanggit ng Bibliya: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kahihiyan; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Ang Bibliya ay naglalaan sa atin ng mga halimbawa na nagpapatunay sa pagiging totoo ng kawikaang ito. Ang pagsusuri sa ilan sa mga ito ay tutulong sa atin upang makita ang panganib ng paglampas sa itinakdang mga hangganan. Kung gayon, isaalang-alang natin kung paanong ang inggit, ambisyon, at pagkainip ay nagpangyari sa tatlong lalaking binanggit sa pasimula upang kumilos nang may kapangahasan, na humantong sa kanilang kahihiyan.
Si Kora—Isang Inggiterong Rebelde
4. (a) Sino ba si Kora, at tiyak na naging bahagi siya ng anong makasaysayang mga pangyayari? (b) Sa kaniyang huling mga taon, anong napakasamang gawa ang pinasimunuan ni Kora?
4 Si Kora ay isang Kohatitang Levita, pinsang buo nina Moises at Aaron. Maliwanag na naging tapat siya kay Jehova sa loob ng mga dekada. Si Kora ay nagkapribilehiyo na mapabilang sa mga makahimalang nailigtas sa Dagat na Pula, at malamang na nakibahagi siya noon sa pagsasagawa sa hatol ni Jehova laban sa mga Israelitang sumasamba sa guya sa Bundok Sinai. (Exodo 32:26) Gayunman, nang dakong huli, si Kora ay naging pasimuno sa isang pag-aalsa laban kina Moises at Aaron na kinabibilangan ng mga Rubenitang sina Datan, Abiram, at On, kasama ang 250 Israelitang pinuno.a “Tama na kayo,” ang sabi nila kina Moises at Aaron, “sapagkat ang buong kapulungan ay banal na lahat at si Jehova ay nasa gitna nila. Bakit nga kayo magmamataas sa kongregasyon ni Jehova?”—Bilang 16:1-3.
5, 6. (a) Bakit nagrebelde si Kora kina Moises at Aaron? (b) Bakit masasabing malamang na minaliit ni Kora ang kaniyang sariling dako sa kaayusan ng Diyos?
5 Matapos ang mga taon ng pagiging tapat, bakit nagrebelde si Kora? Tiyak naman na hindi naging malupit si Moises bilang lider ng Israel, sapagkat siya’y “totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Subalit, lumilitaw na nainggit si Kora kina Moises at Aaron at hindi niya nagustuhan ang kanilang katanyagan, at umakay ito sa kaniya upang sabihin—nang may kamalian—na diumano’y kusa at may-kasakiman nilang itinataas ang kanilang mga sarili sa kongregasyon.—Awit 106:16.
6 Malamang na malamang na naging bahagi sa problema ni Kora ang hindi niya pagpapahalaga sa kaniyang sariling mga pribilehiyo sa kaayusan ng Diyos. Totoo, ang mga Kohatitang Levita ay hindi nga mga saserdote, subalit sila naman ay mga guro ng Batas ng Diyos. Sila rin ang nagdadala ng mga muwebles at mga kagamitan ng tabernakulo kapag ang mga ito’y kailangang ilipat. Ito’y hindi isang maliit na atas, sapagkat tanging ang mga indibiduwal lamang na malinis sa pagsamba at sa moral ang maaaring humawak sa banal na mga kagamitan. (Isaias 52:11) Kaya naman, nang harapin ni Moises si Kora, siya, sa diwa, ay nagtatanong, Napakaliit ba ng tingin mo sa iyong atas anupat kailangan mo pa ring kunin ang pagkasaserdote? (Bilang 16:9, 10) Hindi napag-isip-isip ni Kora na ang pinakadakilang karangalan ay ang tapat na paglilingkod kay Jehova ayon sa kaniyang kaayusan—hindi ang pagkakamit ng isang pantanging katayuan o posisyon.—Awit 84:10.
7. (a) Paano nakitungo si Moises kay Kora at sa kaniyang mga tauhan? (b) Paano humantong sa isang kapaha-pahamak na wakas ang pagrerebelde ni Kora?
7 Inanyayahan ni Moises si Kora at ang kaniyang mga tauhan na magtipon sa kinaumagahan sa tolda ng kapisanan na may dalang mga lalagyan ng apoy at insenso. Si Kora at ang kaniyang mga tauhan ay walang awtoridad na maghandog ng insenso, yamang sila’y hindi mga saserdote. Kung sila’y darating na may dalang mga lalagyan ng apoy at mga insenso, maliwanag na ipinahihiwatig nito na ipinalalagay pa rin ng mga lalaking ito na sila’y may karapatang kumilos bilang mga saserdote—kahit na magdamag silang nagkaroon ng pagkakataon na pag-isipan ang bagay na ito. Nang sila’y humarap kinaumagahan, makatuwiran lamang na ipahayag ni Jehova ang kaniyang matinding galit. Para sa mga Rubenita, ‘ibinuka ng lupa ang bibig nito at nilamon sila.’ Ang iba pa, kasali na si Kora, ay tinupok ng apoy na galing sa Diyos. (Deuteronomio 11:6; Bilang 16:16-35; 26:10) Ang kapangahasan ni Kora ay humantong sa sukdulang kahihiyan—ang di-pagsang-ayon ng Diyos!
Paglabanan ang ‘Hilig na Mainggit’
8. Paano maaaring mahalata ang ‘hilig na mainggit’ sa gitna ng mga Kristiyano?
8 Ang nangyari kay Kora ay isang babala para sa atin. Yamang ang ‘hilig na mainggit’ ay taglay ng di-sakdal na mga tao, mahahalata ito kahit na sa kongregasyong Kristiyano. (Santiago 4:5) Halimbawa, baka tayo’y masyadong palaisip sa posisyon. Gaya ni Kora, baka kainggitan natin yaong mga may pribilehiyong hinahangad natin. O baka tayo’y maging gaya ng unang-siglong Kristiyano na nagngangalang Diotrefes. Siya’y napakapalapintasin hinggil sa apostolikong awtoridad, maliwanag na dahil sa gusto niyang siya ang mangasiwa. Sa katunayan, isinulat ni Juan na si Diotrefes ay “gustong magtaglay ng unang dako.”—3 Juan 9.
9. (a) Anong saloobin tungkol sa mga pananagutan sa kongregasyon ang kailangan nating iwasan? (b) Ano ang tamang pangmalas sa ating dako sa kaayusan ng Diyos?
9 Mangyari pa, hindi naman masama para sa isang lalaking Kristiyano na maghangad ng mga pananagutan sa kongregasyon. Pinasigla pa nga ni Pablo ang hakbanging ito. (1 Timoteo 3:1) Gayunman, hindi natin kailanman dapat ituring ang mga pribilehiyo ng paglilingkod bilang mga sagisag ng karangalan, na para bang sa pagkakamit nito, nakaakyat na tayo sa isang baitang ng tinatawag na hagdan ng pagsulong. Tandaan, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging ministro ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” (Mateo 20:26, 27) Maliwanag, isang kamalian na mainggit sa mga may higit na pananagutan, na para bang ang ating kahalagahan sa Diyos ay nakasalalay sa ating “ranggo” sa loob ng kaniyang organisasyon. Sinabi ni Jesus: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Oo, mamamahayag man o payunir, bagong bautismo o matagal nang nag-iingat ng katapatan—lahat ng buong-kaluluwang naglilingkod kay Jehova ay may mahalagang dako sa kaniyang kaayusan. (Lucas 10:27; 12:6, 7; Galacia 3:28; Hebreo 6:10) Tunay ngang isang pagpapala ang gumawang kabalikat ng milyun-milyong nagsisikap na magkapit ng payo ng Bibliya: “Magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa.”—1 Pedro 5:5.
Si Absalom—Isang Ambisyosong Oportunista
10. Sino si Absalom, at paano niya tinangkang suyuin yaong mga pumaparoon sa hari ukol sa paghatol?
10 Ang landas ng buhay na tinahak ng ikatlong anak ni Haring David, si Absalom, ay naglalaan ng isang aral hinggil sa ambisyon. Ang oportunistang ito na may maitim na balak ay nagsikap na suyuin yaong mga pumupunta sa hari ukol sa paghatol. Una, nagparinig siya na si David ay hindi interesado sa kanilang mga pangangailangan. Pagkatapos ay nagpahalata na siya at dineretso na ang ibig niyang sabihin. “O kung maatasan sana akong hukom sa lupain,” ang patalumpating binigkas ni Absalom, “upang sa akin ay makaparito ang bawat taong may usapin sa batas o kahatulan! Kung magkagayon ay bibigyan ko nga siya ng katarungan.” Ang mapandayang pamumulitika ni Absalom ay walang kinikilalang hangganan. “Kapag may taong lumalapit upang yumukod sa kaniya,” ang sabi ng Bibliya, “iniuunat niya ang kaniyang kamay at sinusunggaban siya at hinahalikan siya. At patuloy na ginagawa ni Absalom ang bagay na tulad nito sa lahat ng mga Israelita na pumaparoon sa hari ukol sa paghatol.” Ano ang naging bunga? “Patuloy na ninanakaw ni Absalom ang mga puso ng mga tao sa Israel.”—2 Samuel 15:1-6.
11. Paano sinikap ni Absalom na agawin ang trono ni David?
11 Determinado si Absalom na agawin ang pagiging hari ng kaniyang ama. Limang taon bago nito, ipinapaslang niya ang panganay na anak ni David, si Amnon, bilang paghihiganti diumano sa panghahalay sa kapatid na babae ni Absalom na si Tamar. (2 Samuel 13:28, 29) Gayunman, maaaring noon pa man ay inaasam-asam na ni Absalom ang trono, anupat itinuturing na ang pagpaslang kay Amnon ay isang madaling paraan upang iligpit ang isang karibal.b Anuman ang nangyari, nang sumapit ang takdang panahon, kumilos na si Absalom. Ipinahayag niya sa buong lupain ang kaniyang pagiging hari.—2 Samuel 15:10.
12. Ipaliwanag kung paano humantong sa kahihiyan ang kapangahasan ni Absalom.
12 Pansamantalang nagtagumpay si Absalom, sapagkat “ang sabuwatan ay patuloy na tumitindi, at ang bayang kasama ni Absalom ay patuloy na dumarami.” Nang maglaon, napilitang tumakas si Haring David upang iligtas ang kaniyang buhay. (2 Samuel 15:12-17) Gayunman, di-nagtagal, naputol agad ang panunungkulan ni Absalom nang siya’y patayin ni Joab, inihagis sa isang hukay, at tinabunan ng mga bato. Akalain mo—ang ambisyosong lalaking ito na naghangad na maging hari ay hindi man lamang tumanggap ng marangal na libing nang siya’y mamatay!c Ang kapangahasan ay talagang humantong sa kahihiyan ni Absalom.—2 Samuel 18:9-17.
Iwaksi ang Sakim na Ambisyon
13. Paano maaaring mag-ugat ang isang ambisyosong espiritu sa puso ng isang Kristiyano?
13 Ang pag-akyat ni Absalom sa kapangyarihan at ang kasunod na pagbagsak niya ay nagsisilbing isang aral para sa atin. Sa malupit na daigdig sa ngayon, karaniwan na para sa mga tao na mambola sa mga nakatataas sa kanila, anupat sinisikap na ipagmagaling ang kanilang mga sarili sa mga ito para lamang pahangain ang mga ito o marahil ay upang makakuha ng isang uri ng pribilehiyo o pag-asenso. Kasabay nito, maaaring nagpapasikat naman sila sa kanilang mga tauhan, anupat umaasang makakamit ang kanilang pabor at suporta. Kung hindi tayo mag-iingat, maaaring mag-ugat sa ating puso ang gayong ambisyosong espiritu. Lumilitaw na nangyari ito sa ilan noong unang siglo, anupat kinailangang magbigay ang mga apostol ng matitinding babala laban sa mga taong ito.—Galacia 4:17; 3 Juan 9, 10.
14. Bakit kailangan nating iwasan ang isang ambisyoso at mapagtanghal-sa-sariling espiritu?
14 Hindi binigyan ni Jehova ng dako sa kaniyang organisasyon ang nagpapalakas-sa-sariling mga taong ito na may maitim na balak na nagsisikap ‘humanap ng sarili nilang kaluwalhatian.’ (Kawikaan 25:27) Sa katunayan, ang Bibliya ay nagbababala: “Lilipulin ni Jehova ang lahat ng madudulas na labi, ang dilang nagsasalita ng mga dakilang bagay.” (Awit 12:3) Si Absalom ay may madudulas na labi. Nagsalita siya nang may pambobola sa mga taong ang pabor ay kailangan niya—para lamang makamit ang pinakahahangad na posisyon ng awtoridad. Sa kabaligtaran naman, isang tunay na pagpapala para sa atin na mapabilang sa isang kapatiran na sumusunod sa payo ni Pablo: “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip [anupat ituring] na ang iba ay nakatataas sa inyo.”—Filipos 2:3.
Si Saul—Isang Mainiping Hari
15. Paano ipinakita ni Saul na may panahon noon na siya’y nagtaglay ng kahinhinan?
15 May panahon noon na si Saul, na naging hari ng Israel noong dakong huli, ay nagtaglay ng kahinhinan. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari noong kabataan niya. Nang purihin siya ng propeta ng Diyos na si Samuel, buong-pagpapakumbabang sumagot si Saul: “Hindi ba ako ay isang Benjaminita mula sa pinakamaliit sa mga tribo ng Israel, at ang aking pamilya ang pinakawalang-halaga sa lahat ng mga pamilya ng tribo ni Benjamin? Kaya bakit ka nagsasalita sa akin ng ganitong bagay?”—1 Samuel 9:21.
16. Sa anong paraan ipinamalas ni Saul ang isang mainiping saloobin?
16 Gayunman, nang maglaon, nawala ang kahinhinan ni Saul. Nang nakikipagdigma sa mga Filisteo, siya’y umurong patungo sa Gilgal, kung saan inaasahang hihintayin niya si Samuel na dumating at makiusap sa Diyos sa pamamagitan ng mga hain. Nang hindi dumating si Samuel sa takdang panahon, si Saul mismo ang buong-kapangahasang naghandog ng haing sinusunog. Pagkatapos na pagkatapos niya, dumating naman si Samuel. “Ano itong ginawa mo?” tanong ni Samuel. Sumagot si Saul: “Nakita kong nangangalat ang bayan mula sa akin, at ikaw—hindi ka dumating sa itinakdang mga araw . . . Sa gayon ay napilitan ako at inihandog ko ang haing sinusunog.”—1 Samuel 13:8-12.
17. (a) Sa unang tingin, bakit mukhang makatuwiran ang mga ginawa ni Saul? (b) Bakit pinuna ni Jehova si Saul sa kaniyang ginawa dahil sa pagkainip?
17 Sa unang tingin, mukha namang makatuwiran ang ginawa ni Saul. Tutal, ang bayan ng Diyos noon ay “nasa kagipitan,” “napipighati,” at nanginginig dahil sa kanilang desperadong kalagayan. (1 Samuel 13:6, 7) Mangyari pa, hindi naman masamang magkusa kung hinihingi ng pagkakataon.d Subalit, tandaan na si Jehova ay nakababasa ng puso at nakababatid ng ating kaloob-loobang mga motibo. (1 Samuel 16:7) Samakatuwid, maaaring may nakita siyang ilang salik tungkol kay Saul na hindi tuwirang binanggit sa salaysay ng Bibliya. Halimbawa, maaaring nakita ni Jehova na ang pagkamainipin ni Saul ay udyok ng pagmamataas. Marahil ay inis na inis si Saul na siya—ang hari ng buong Israel—ay kailangang maghintay sa isa na sa pangmalas niya’y isang matanda na at mapagpaliban na propeta! Anuman ang nangyari, inakala ni Saul na ang kabagalan ni Samuel ay nagbigay sa kaniya ng karapatang siya na mismo ang gumawa ng mga bagay-bagay at ipagwalang-bahala ang maliliwanag na tagubilin na ibinigay sa kaniya. Ang resulta? Hindi pinuri ni Samuel ang pagkukusa ni Saul. Sa kabaligtaran, kinagalitan niya si Saul, na sinasabi: “Hindi mamamalagi ang iyong kaharian . . . sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos sa iyo ni Jehova.” (1 Samuel 13:13, 14) Minsan pa, ang kapangahasan ay humantong sa kahihiyan.
Mag-ingat Laban sa Pagkainip
18, 19. (a) Ilarawan kung paanong ang pagkamainipin ay magpapangyari sa isang modernong-panahong lingkod ng Diyos na kumilos nang may kapangahasan. (b) Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa pagpapatakbo sa kongregasyong Kristiyano?
18 Ang salaysay tungkol sa ginawang kapangahasan ni Saul ay itinala sa Salita ng Diyos para sa ating kapakinabangan. (1 Corinto 10:11) Napakadali para sa atin na mainis sa mga di-kasakdalan ng ating mga kapatid. Gaya ni Saul, baka tayo ay mainip din, anupat inaakala na upang magawa nang tama ang mga bagay-bagay, dapat na tayo ang gumawa ng mga iyon. Halimbawa, ipagpalagay nang ang isang kapatid ay mahusay sa ilang kakayahang pang-organisasyon. Siya’y nasa oras, kaalinsabay sa mga bagong tuntunin sa kongregasyon, at may likas na kahusayan sa pagsasalita at pagtuturo. Kasabay nito, sa tingin niya’y hindi nakaaabot ang iba sa kaniyang metikulosong mga pamantayan, at hindi sila kasinghusay na gaya ng gusto niyang mangyari. Dahil ba rito’y may katuwiran na siyang magpakita ng pagkainip? Dapat ba niyang pintasan ang kaniyang mga kapatid, anupat ipinahihiwatig na kung hindi dahil sa kaniyang mga pagsisikap ay walang mangyayari at hihina ang kongregasyon? Ito’y isang kapangahasan!
19 Ano ba talaga ang nagbubuklod sa isang kongregasyon ng mga Kristiyano? Kakayahang mangasiwa? kahusayan? lalim ng kaalaman? Totoo, ang mga bagay na ito ay nakatutulong sa maayos na takbo ng isang kongregasyon. (1 Corinto 14:40; Filipos 3:16; 2 Pedro 3:18) Gayunman, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay pangunahing makikilala sa kanilang pag-ibig. (Juan 13:35) Kaya nga ang maasikasong mga elder, bagaman gumagawi nang may kaayusan, ay nakababatid na ang kongregasyon ay hindi isang negosyo na nangangailangan ng mahigpit na pangangasiwa; sa halip, ito’y binubuo ng isang kawan na nangangailangan ng mapagmahal na pangangalaga. (Isaias 32:1, 2; 40:11) Ang pangahas na pagwawalang-bahala sa gayong mga simulain ay madalas na nagbubunga ng alitan. Sa kabaligtaran naman, ang makadiyos na kaayusan ay nagluluwal ng kapayapaan.—1 Corinto 14:33; Galacia 6:16.
20. Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
20 Ang salaysay ng Bibliya tungkol kina Kora, Absalom, at Saul ay maliwanag na nagpapakita na ang kapangahasan ay humahantong sa kahihiyan, gaya ng binabanggit sa Kawikaan 11:2. Subalit, ang talata ring iyan ng Bibliya ay nagsabi pa: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” Ano ba ang kahinhinan? Anong mga halimbawa sa Bibliya ang makatutulong upang mabigyang-liwanag ang katangiang ito, at paano tayo makapagpapakita ng kahinhinan sa ngayon? Ang mga tanong na ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Yamang si Ruben ang panganay ni Jacob, maaaring ang kaniyang mga inapo na nahikayat ni Kora na magrebelde ay nagdamdam sa pagkakaroon ni Moises—isang inapo ni Levi—ng administratibong awtoridad sa kanila.
b Si Kileab, ang pangalawang anak ni David, ay hindi na binabanggit matapos itong ipanganak. Marahil ay namatay ito bago ang pag-aalsa ni Absalom.
c Noong panahon ng Bibliya, ang paglilibing sa bangkay ng isang namatay na indibiduwal ay isang napakahalagang gawain. Samakatuwid, ang pagiging hindi nailibing ay kapaha-pahamak at karaniwan nang isang kapahayagan ng di-pagsang-ayon ng Diyos.—Jeremias 25:32, 33.
d Halimbawa, dali-daling kumilos si Finehas upang pigilin ang salot na kumitil ng sampu-sampung libong Israelita, at pinasigla ni David ang kaniyang gutom na gutom na mga tauhan na makisalo sa kaniya sa pagkain ng tinapay na pantanghal na nasa “bahay ng Diyos.” Alinman sa ginawang ito ay hindi hinatulan ng Diyos bilang kapangahasan.—Mateo 12:2-4; Bilang 25:7-9; 1 Samuel 21:1-6.
-
-
“Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”Ang Bantayan—2000 | Agosto 1
-
-
“Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”
“Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang . . . maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—MIKAS 6:8.
1, 2. Ano ba ang kahinhinan, at paano ito naiiba sa kapangahasan?
ISANG kilalang apostol ang tumangging iukol ang pansin sa kaniyang sarili. Tinawag ng isang malakas-ang-loob na Israelitang hukom ang kaniyang sarili na pinakamaliit sa sambahayan ng kaniyang ama. Ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman ay umamin na hindi niya taglay ang pinakamataas na awtoridad. Bawat isa sa mga lalaking ito ay nagpamalas ng kahinhinan.
2 Ang kahinhinan ay kabaligtaran ng kapangahasan. Ang isang taong mahinhin ay hindi lumalabis sa pagtantiya sa kaniyang mga kakayahan at kahalagahan at hindi mayabang o palalo. Sa halip na maging mapagmataas, hambog, o ambisyoso, ang mahinhing tao ay palaging nakababatid sa kaniyang mga limitasyon. Kaya naman, siya’y gumagalang at nagbibigay ng nararapat na konsiderasyon sa damdamin at pangmalas ng iba.
3. Sa anong paraan ang karunungan ay “nasa mga mahinhin”?
3 May mabuting dahilan kung kaya binanggit ng Bibliya: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Ang isang mahinhing tao ay matalino sapagkat sinusunod niya ang isang landasing sinasang-ayunan ng Diyos, at iniiwasan niya ang isang pangahas na espiritu na humahantong sa kahihiyan. (Kawikaan 8:13; 1 Pedro 5:5) Ang karunungan ng pagiging mahinhin ay pinatunayan ng landasin ng pamumuhay ng maraming lingkod ng Diyos. Tingnan natin ang tatlong halimbawa na binanggit sa unang parapo.
Si Pablo—Isang “Nasasakupan” at Isang “Katiwala”
4. Anong pambihirang mga pribilehiyo ang tinamasa ni Pablo?
4 Si Pablo ay isang kilalang tao sa gitna ng mga Kristiyano noon, at mauunawaan naman kung bakit. Sa kaniyang pagmiministeryo, naglakbay siya nang libu-libong kilometro sa karagatan at sa lupa, at nakapagtatag siya ng maraming kongregasyon. Karagdagan pa, biniyayaan ni Jehova si Pablo ng mga pangitain at ng kaloob na pagsasalita ng ibang mga wika. (1 Corinto 14:18; 2 Corinto 12:1-5) Kinasihan din niya si Pablo na isulat ang 14 na liham na bahagi ngayon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maliwanag, masasabi na ang pagpapagal ni Pablo ay nakahihigit sa ginawa ng lahat ng iba pang mga apostol.—1 Corinto 15:10.
5. Paano ipinakita ni Pablo na siya’y may mahinhing pangmalas sa kaniyang sarili?
5 Yamang si Pablo ay nangunguna sa gawaing Kristiyano, maaaring inaasahan ng ilan na ipinagpaparangalan niya ang pagiging sikat, anupat ipinagmamalaki pa nga ang kaniyang awtoridad. Subalit, nagkakamali sila, sapagkat si Pablo ay may kahinhinan. Tinawag niya ang kaniyang sarili na “pinakamababa sa mga apostol,” na idinagdag pa: “Hindi ako naaangkop na tawaging apostol, sapagkat pinag-usig ko ang kongregasyon ng Diyos.” (1 Corinto 15:9) Bilang dating mang-uusig sa mga Kristiyano, hindi kailanman nalimutan ni Pablo na dahil lamang sa di-sana-nararapat na kabaitan kung kaya siya nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa paanuman, anupat nagtamasa pa nga ng pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod. (Juan 6:44; Efeso 2:8) Kaya nga, hindi ipinalagay ni Pablo na ang kaniyang pambihirang mga nagawa sa ministeryo ay nagpangyari na makahigit siya sa iba.—1 Corinto 9:16.
6. Paano nagpakita ng kahinhinan si Pablo sa kaniyang pakikitungo sa mga taga-Corinto?
6 Ang kahinhinan ni Pablo ay kitang-kita sa kaniyang pakikitungo sa mga taga-Corinto. Lumilitaw, ang ilan sa kanila ay humanga sa mga inaakala nilang prominenteng mga tagapangasiwa, kasali na sina Apolos, Cefas, at si Pablo mismo. (1 Corinto 1:11-15) Subalit hindi hinangad ni Pablo ang papuri ng mga taga-Corinto ni sinamantala man ang kanilang paghanga. Nang dinadalaw niya sila, hindi niya iniharap ang kaniyang sarili “taglay ang karangyaan ng pananalita o ng karunungan.” Sa halip, sinabi ni Pablo tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kasama: “Hayaang tayahin tayo ng tao bilang mga nasasakupan ni Kristo at mga katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.”a—1 Corinto 2:1-5; 4:1.
7. Paano nagpamalas ng kahinhinan si Pablo kahit nagpapayo?
7 Nagpamalas pa nga si Pablo ng kahinhinan nang kailanganing magbigay siya ng matinding payo at patnubay. Nakiusap siya sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano “sa pamamagitan ng pagkamadamayin ng Diyos” at “salig sa pag-ibig” sa halip na sa pamamagitan ng bigat ng kaniyang apostolikong awtoridad. (Roma 12:1, 2; Filemon 8, 9) Bakit ito ginawa ni Pablo? Sapagkat talagang minalas niya ang kaniyang sarili bilang isang “kamanggagawa” ng kaniyang mga kapatid, hindi bilang isang ‘panginoon ng kanilang pananampalataya.’ (2 Corinto 1:24) Walang-alinlangang nakatulong ang kahinhinan ni Pablo upang mapamahal siya nang husto sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.—Gawa 20:36-38.
Isang Mahinhing Pangmalas sa Ating mga Pribilehiyo
8, 9. (a) Bakit dapat tayong magkaroon ng isang mahinhing pangmalas sa ating mga sarili? (b) Paano makapagpapamalas ng kahinhinan yaong mga may isang antas ng pananagutan?
8 Si Pablo ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa para sa mga Kristiyano sa ngayon. Anumang pananagutan ang ipinagkatiwala sa atin, walang sinuman sa atin ang dapat mag-isip na tayo’y nakahihigit sa iba. “Kung ang sinuman ay nag-iisip na siya ay kung sino samantalang siya ay walang anuman,” isinulat ni Pablo, “nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan.” (Galacia 6:3) Bakit? Sapagkat ang “lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23; 5:12) Oo, hindi natin dapat kalimutan kailanman na lahat tayo’y nagmana ng kasalanan at kamatayan mula kay Adan. Ang pantanging mga pribilehiyo ay hindi nagtataas sa atin mula sa ating mababa at makasalanang kalagayan. (Eclesiastes 9:2) Gaya ng naging kalagayan ni Pablo, tanging sa pamamagitan lamang ng di-sana-nararapat na kabaitan kung kaya ang mga tao ay posibleng magkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa paanuman, anupat nakapaglilingkod pa nga sa kaniya sa isang natatanging tungkulin.—Roma 3:12, 24.
9 Sa pagkatanto nito, hindi ipinaghahambog ng isang taong mahinhin ang kaniyang mga pribilehiyo ni ipinagmamalaki man ang kaniyang mga nagawa. (1 Corinto 4:7) Kapag nagbibigay ng payo o patnubay, ginagawa niya ito bilang isang kamanggagawa—hindi bilang isang panginoon. Mangyari pa, hindi tama para sa isa na mahusay sa ilang gawain na humiling ng papuri o magsamantala sa paghanga ng mga kapananampalataya. (Kawikaan 25:27; Mateo 6:2-4) Ang tanging papuri na mahalaga ay yaong nagmumula sa iba—at dapat na ito’y nakamit nang hindi hinihiling. Makamit man ito, hindi natin dapat hayaang maging dahilan ito upang mag-isip tayo nang higit sa ating sarili kaysa nararapat.—Kawikaan 27:2; Roma 12:3.
10. Ipaliwanag kung paanong ang ilan na waring mabababa ay maaaring sa totoo’y “mayaman [pala] sa pananampalataya.”
10 Kapag tayo’y pinagkatiwalaan ng isang antas ng pananagutan, ang kahinhinan ay tutulong sa atin upang maiwasang magbigay ng di-nararapat na pagtingin sa ating mga sarili, anupat lumilikha ng impresyon na kaya lamang sumusulong ang kongregasyon ay dahil sa ating pagsisikap at mga kakayahan. Halimbawa, baka nga tayo’y likas na magaling magturo. (Efeso 4:11, 12) Gayunman, kung tayo’y mahinhin, kailangang kilalanin natin na ang ilan sa pinakamahahalagang leksiyon na natututuhan sa isang pulong ng kongregasyon ay hindi binibigkas mula sa plataporma. Halimbawa, hindi ba’t napasisigla ka kapag nakikita mo ang isang nagsosolong magulang na regular na dumadalo sa Kingdom Hall kasama ang mga anak? O ang isang nanlulumong kaluluwa na palaging dumadalo sa mga pulong sa kabila ng patuloy na pagkadama ng kawalan ng halaga? O ang kabataan na patuloy na sumusulong sa espirituwal sa kabila ng masasamang impluwensiya sa paaralan at sa iba pang dako? (Awit 84:10) Ang mga indibiduwal na ito ay maaaring hindi nga sikat. Ang mga pagsubok sa katapatan na kinakaharap nila ay karaniwan nang hindi napapansin ng iba. Subalit, maaaring sila ay “mayaman sa pananampalataya” na gaya niyaong mga mas tanyag. (Santiago 2:5) Kung sa bagay, sa dakong huli, ang katapatan ang nagpapangyari na makamit ang pabor ni Jehova.—Mateo 10:22; 1 Corinto 4:2.
Si Gideon—“Ang Pinakamaliit” sa Sambahayan ng Kaniyang Ama
11. Sa anong paraan ipinakita ni Gideon ang kahinhinan sa pakikipag-usap sa anghel ng Diyos?
11 Si Gideon, isang binatang malakas at may matipunong pangangatawan mula sa tribo ni Manases, ay nabuhay noong magulong panahon ng kasaysayan ng Israel. Sa loob ng pitong taon, ang bayan ng Diyos ay nagtiis sa paniniil ng mga Midianita. Gayunman, dumating na ang panahon para iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan. Kaya naman, nagpakita ang isang anghel kay Gideon at nagsabi: “Si Jehova ay sumasaiyo, ikaw na magiting at makapangyarihan.” Si Gideon ay mahinhin, kaya hindi niya ipinagparangalan ang di-inaasahang papuring ito. Sa halip, buong-paggalang niyang sinabi sa anghel: “Pagpaumanhinan mo ako, panginoon ko, ngunit kung si Jehova ay sumasaamin, bakit nga sumapit sa amin ang lahat ng ito?” Niliwanag ng anghel ang mga bagay-bagay at sinabi kay Gideon: “Tiyak na ililigtas mo ang Israel mula sa palad ng Midian.” Paano tumugon si Gideon? Sa halip na buong-pananabik na sunggaban ang atas bilang pagkakataon upang magawa niya ang kaniyang sarili na isang bayani, sumagot si Gideon: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Paano ko ililigtas ang Israel? Narito! Ang aking sanlibo ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa sambahayan ng aking ama.” Isa ngang tunay na kahinhinan!—Hukom 6:11-15.
12. Paano nagpakita si Gideon ng taktika sa pagsasakatuparan sa kaniyang atas?
12 Bago ipadala si Gideon sa labanan, sinubok muna siya ni Jehova. Paano? Sinabihan si Gideon na gibain ang altar ni Baal na pag-aari ng kaniyang ama at putulin ang sagradong poste na nakatayo sa tabi niyaon. Kailangan ang lakas ng loob sa atas na ito, subalit nagpakita rin si Gideon ng kahinhinan at taktika sa paraan ng kaniyang pagsasakatuparan nito. Sa halip na ipakita niya sa madla ang kaniyang gagawin, si Gideon ay gumawa sa kadiliman ng gabi sa panahong malamang na hindi siya mahahalata. Isa pa, ginawa ni Gideon ang kaniyang atas taglay ang kinakailangang pag-iingat. Nagsama siya ng sampung lingkod—marahil upang ang ilan ay magbantay habang ang iba naman ay katulong niya sa paggiba sa altar at sa sagradong poste.b Anuman ang nangyari noon, taglay ang pagpapala ni Jehova, natupad ni Gideon ang kaniyang atas, at sa kalaunan ay ginamit siya ng Diyos upang palayain ang Israel mula sa mga Midianita.—Hukom 6:25-27.
Pagpapamalas ng Kahinhinan at Taktika
13, 14. (a) Paano natin maipakikita ang kahinhinan kapag pinagkalooban tayo ng isang pribilehiyo ng paglilingkod? (b) Paano nagpakita si Brother A. H. Macmillan ng isang mainam na halimbawa sa pagpapamalas ng kahinhinan?
13 Marami tayong matututuhan sa kahinhinan ni Gideon. Halimbawa, paano tayo tumutugon kapag pinagkalooban tayo ng isang pribilehiyo ng paglilingkod? Una ba nating iniisip ang katanyagan o karangalang idudulot nito? O buong-kahinhinan at may pananalangin nating iniisip kung matutupad natin ang mga kahilingan sa atas? Si Brother A. H. Macmillan, na nakatapos ng kaniyang makalupang landasin noong 1966, ay nagpakita ng mainam na halimbawa may kinalaman dito. Si C. T. Russell, ang unang presidente ng Samahang Watch Tower, ay nagtanong minsan kay Brother Macmillan kung ano ang kaniyang masasabi tungkol sa kung sino ang maaaring pumalit sa pangangasiwa kung siya’y wala. Sa kasunod na pag-uusap, ni minsan ay hindi inirekomenda ni Brother Macmillan ang kaniyang sarili, bagaman napakadali niyang magagawa ito. Sa dakong huli, inalok ni Brother Russell si Brother Macmillan na pag-isipan kung matatanggap niya ang atas. “Hindi ako nakaimik sa aking pagkakatayo,” isinulat ni Brother Macmillan makalipas ang mga taon. “Pinag-isipan ko nga ito, nang buong taimtim, at ipinanalangin nang ilang panahon bago ko sinabi sa kaniya sa wakas na matutuwa akong gawin ang lahat ng aking magagawa para matulungan siya.”
14 Hindi nagtagal pagkatapos, namatay si Brother Russell, anupat naiwang bakante ang posisyon ng pagkapresidente ng Samahang Watch Tower. Yamang si Brother Macmillan ang nangangasiwa noon sa panahon ng huling paglilibot ni Brother Russell para mangaral, isang kapatid na lalaki ang nagsabi sa kaniya: “Mac, magandang pagkakataon mo na ito para ikaw ang maging presidente. Ikaw ang pantanging kinatawan ni Brother Russell noong wala siya, at sinabihan niya kaming lahat na sumunod sa lahat ng sasabihin mo. Buweno, umalis siya at hindi na nakabalik. Lumalabas na ikaw ang taong nararapat magpatuloy nito.” Sumagot si Brother Macmillan: “Kapatid, hindi sa ganiyang paraan dapat malasin ang bagay na ito. Ito’y gawain ng Panginoon at ang tanging posisyon na makukuha mo sa organisasyon ng Panginoon ay ang nakikita ng Panginoon na nababagay na ibigay sa iyo; at natitiyak kong hindi ako ang nababagay sa gawaing ito.” Pagkatapos ay ibang tao ang inirekomenda ni Brother Macmillan para sa nasabing posisyon. Gaya ni Gideon, siya’y may mahinhing pangmalas sa kaniyang sarili—isang pangmalas na makabubuting ikapit natin.
15. Ano ang ilang praktikal na paraan na doo’y magagamit natin ang ating kaunawaan kapag tayo’y nangangaral sa iba?
15 Tayo rin ay dapat na maging mahinhin sa paraan ng pagsasakatuparan natin sa ating atas. Si Gideon ay maingat, at hangga’t maaari ay sinikap niyang hindi mapagalit ang mga sumasalansang sa kaniya. Sa gayunding paraan, sa ating gawaing pangangaral, dapat tayong maging mahinhin at maingat sa paraan ng ating pakikipag-usap sa iba. Totoo, tayo’y nakikibahagi sa espirituwal na pakikidigma upang itiwarik ang “mga bagay na matibay ang pagkakatatag” at ang “mga pangangatuwiran.” (2 Corinto 10:4, 5) Subalit hindi natin dapat maliitin ang iba o bigyan sila ng anumang makatuwirang dahilan upang magalit sa ating mensahe. Sa halip, dapat nating igalang ang kanilang mga pangmalas, idiin ang punto na maaaring mapagkasunduan natin, at pagkatapos ay itutok ang pansin sa positibong mga pitak ng ating mensahe.—Gawa 22:1-3; 1 Corinto 9:22; Apocalipsis 21:4.
Si Jesus—Ang Pinakadakilang Halimbawa ng Kahinhinan
16. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y may mahinhing pangmalas sa kaniyang sarili?
16 Ang pinakamainam na halimbawa ng kahinhinan ay yaong kay Jesu-Kristo.c Sa kabila ng kaniyang matalik na kaugnayan sa kaniyang Ama, hindi nag-atubili si Jesus na aminin na may ilang bagay na hindi sakop ng kaniyang awtoridad. (Juan 1:14) Halimbawa, nang hilingin ng ina nina Santiago at Juan na ang kaniyang dalawang anak ay maupo sa tabi ni Jesus sa kaniyang kaharian, sinabi ni Jesus: “Ang pag-upong ito sa aking kanang kamay at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagbibigay.” (Mateo 20:20-23) Sa isa pang pagkakataon, tahasang inamin ni Jesus: “Hindi ako makagagawa ng kahit isang bagay sa aking sariling pagkukusa . . . hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 5:30; 14:28; Filipos 2:5, 6.
17. Paano nagpakita ng kahinhinan si Jesus sa kaniyang pakikitungo sa iba?
17 Si Jesus ay nakahihigit sa di-sakdal na mga tao sa lahat ng paraan, at siya’y nagtataglay ng walang-katulad na awtoridad mula sa kaniyang Ama, si Jehova. Magkagayunman, si Jesus ay mahinhin sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga tagasunod. Hindi niya sila binigla sa kahanga-hangang pagpapamalas ng kaalaman. Mabilis siyang makiramdam at madamayin at isinaalang-alang niya ang kanilang mga pangangailangan bilang tao. (Mateo 15:32; 26:40, 41; Marcos 6:31) Samakatuwid, bagaman sakdal si Jesus, hindi siya perpeksiyonista. Hindi niya hiniling sa kaniyang mga alagad ang higit sa kanilang maibibigay, at hindi niya kailanman ipinapasan sa kanila ang higit sa kanilang madadala. (Juan 16:12) Hindi nga kataka-taka na siya ay nasumpungan ng marami na nakapagpapanariwa!—Mateo 11:29.
Tularan ang Halimbawa ni Jesus Hinggil sa Kahinhinan
18, 19. Paano natin matutularan ang kahinhinan ni Jesus sa (a) paraan ng ating pangmalas sa ating sarili, at (b) sa paraan ng pakikitungo natin sa iba?
18 Kung ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman ay nagpakita ng kahinhinan, lalo na ngang nararapat na gayundin ang gawin natin. Karaniwan nang atubili ang di-sakdal na mga tao na amining hindi nila taglay talaga ang pinakamataas na awtoridad. Gayunman, bilang pagtulad kay Jesus, nagsisikap ang mga Kristiyano na maging mahinhin. Hindi sila labis na mapagmataas upang hindi bigyan ng pananagutan yaong mga kuwalipikadong magkaroon nito; ni sila’y napakapalalo at ayaw tumanggap ng patnubay mula sa mga may awtoridad na magbigay niyaon. Sa pagpapakita ng matulunging espiritu, hinahayaan nilang ang mga bagay sa kongregasyon ay maganap “nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Corinto 14:40.
19 Ang kahinhinan ay mag-uudyok din sa atin na maging makatuwiran sa ating mga inaasahan sa iba at maging makonsiderasyon sa kanilang mga pangangailangan. (Filipos 4:5) Maaaring taglay natin ang ilang kakayahan at kalakasan na maaaring wala sa iba. Subalit, kung tayo’y mahinhin, hindi natin palaging aasahan ang iba na kumilos sa paraang nais nating ikilos nila. Sa pagkaalam na bawat tao ay may kani-kaniyang limitasyon, buong-kahinhinan nating pagpapasensiyahan ang mga pagkukulang ng iba. Sumulat si Pedro: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—1 Pedro 4:8.
20. Ano ang magagawa natin upang madaig ang anumang tendensiya na maging di-mahinhin?
20 Gaya ng natutuhan natin, ang karunungan ay talagang nasa mga mahinhin. Paano kaya kung masumpungan mong ikaw ay may tendensiyang maging di-mahinhin o pangahas? Huwag masiraan ng loob. Sa halip, sundin ang halimbawa ni David, na nanalangin: ‘Mula sa mga gawang mapangahas ay pigilan mo ang iyong lingkod; huwag mong hayaang manaig sa akin ang mga iyon.’ (Awit 19:13) Sa pagtulad sa pananampalataya ng mga lalaking gaya nina Pablo, Gideon, at—higit kaninuman—ni Jesu-Kristo, personal nating mararanasan ang katotohanan ng pananalitang: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”—Kawikaan 11:2.
[Mga talababa]
a Ang salitang Griego na isinaling “mga nasasakupan” ay maaaring tumukoy sa isang alipin na tagasagwan sa gawing ibaba ng pinaggagauran sa isang malaking barko. Sa kabaligtaran, ang “mga katiwala” naman ay maaaring pagkatiwalaan ng mas maraming pananagutan, marahil ay ang pangangalaga sa isang ari-arian. Gayunpaman, sa paningin ng karamihan sa mga pinuno, ang katiwala ay alipin din na gaya ng alipin sa galera.
b Ang taktika at pag-iingat ni Gideon ay hindi dapat ipagkamali na isang tanda ng karuwagan. Sa kabaligtaran, ang kaniyang katapangan ay pinatunayan ng Hebreo 11:32-38, na ibinibilang si Gideon sa mga “napalakas” at “naging magiting sa digmaan.”
c Yamang kalakip sa kahinhinan ang kabatiran sa limitasyon ng isa, hindi tama na sabihing si Jehova ay mahinhin. Gayunman, siya’y mapagpakumbaba.—Awit 18:35.
-