Ang Iyo Bang Pananalita ay Nananaksak o Nagpapagaling?
SA MAHIRAP na panahong ito, hindi kataka-taka na ang marami ay “wasak ang puso” at “bagbag sa espiritu.” (Awit 34:18) Kaya nga, sa mga salita ni apostol Pablo, kailangan na laging “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo” at “alalayan ang mahihina.” (1 Tesalonica 5:14) Subalit kumusta naman kung tayo’y ginagalit o ginagawan ng malubhang pagkakamali ng ating kapuwa-tao? Sa gayong kalagayan, baka makadama tayo na makatuwiran lamang na pagwikaan nang masakit ang isang iyon. Gayunman, kailangang maging maingat. Ang payo, kahit na kung nararapat, ay maaaring maging nakapipinsala kung ito ay binigkas sa nakasasakit na paraan. Ganito ang sabi ng Kawikaan 12:18: “May nagsasalita na di-pinag-iisipan ang sinasabi na gaya ng mga saksak ng tabak.”
Kaya nga, kung balak nating ituwid o ayusin ang isang di-pagkakaunawaan, mahalagang tandaan ang ikalawang bahagi ng Kawikaan 12:18: “Ang dila ng marurunong ay kagalingan.” Laging tanungin ang iyong sarili, ‘Kung kailangan ko ng pagtutuwid, ano ang gusto kong pakikitungo?’ Karamihan sa atin ay higit na tumutugon sa pampatibay-loob kaysa sa pagpuna. Kaya maging sagana sa pagbibigay ng komendasyon. Ito kadalasan na ay magbibigay sa nagkasala ng pangganyak na sumulong, at mas malamang na siya’y maging mapagpasalamat sa anumang tulong na ibinibigay.
Anong pagkahala-halaga nga na laging lakipan ang ating mga salita ng kahinahunan! Ang mga salitang nakapagpapagaling ay magpapadama sa nakikinig na gaya ng nadama ng salmista, na sumulat: “Saktan man ako ng matuwid, iyon ay maibiging-kabaitan pa nga; at sawayin man niya ako, iyon ay magiging langis sa aking ulo, na hindi tatanggihan ng aking ulo.”—Awit 141:5.