Natatandaan Mo Ba?
Isinaalang-alang mo bang mabuti ang katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, masusumpungan mong kawili-wiling alalahanin ang mga sumusunod:
◻ Ano ang ilan sa mga katanungan na dapat itanong ng dalawang Kristiyano sa kanilang sarili bago nila pag-isipan ang pakikipagtipan?
‘Talaga bang nakasisiguro na ako sa kaniyang espirituwalidad at debosyon sa Diyos? Nakikini-kinita ko ba ang habambuhay na paglilingkod sa Diyos kasama ng isang iyon? Alam na alam na ba namin ang mga pag-uugali ng bawat isa? Makapagtitiwala ba ako na habang-panahon kaming magkakasundo? Sapat na ba ang alam namin tungkol sa mga nakaraang ginawa at kasalukuyang kalagayan ng bawat isa?’—8/15, pahina 31.
◻ Ano ang ibig ipakahulugan ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod na: “Kayo ang asin ng lupa”? (Mateo 5:13)
Ipinahiwatig ni Jesus na ang pangangaral ng kaniyang mga tagasunod sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos ay may potensiyal na impluwensiyang mangalaga, o magligtas ng buhay ng kanilang mga tagapakinig. Sa katunayan, yaong mga nagkakapit ng mga salita ni Jesus ay ipagsasanggalang mula sa kabulukan sa moral at espirituwal sa daigdig.—8/15, pahina 32.
◻ Paano maiiwasan ng nagliligawang mga magkasintahan ang silo ng seksuwal na imoralidad?
Kung kayo ay nakikipag-date, isang katalinuhan na iwasang mapag-isa kasama ng inyong mapapangasawa sa di-angkop na mga kalagayan. Pinakamabuti na masiyahan sa isa’t isa kasama ng isang grupo o sa mga pampublikong lugar. Magtakda ng limitasyon sa pagpapakita ng pagmamahal, na iginagalang ang damdamin at budhi ng bawat isa.—9/1, pahina 17, 18.
◻ Ano ang unawa?
Ito ay ang kakayahang makita ang isang bagay at maintindihan ang kayarian nito anupat nasasakyan ang kaugnayan ng mga bahagi at kabuuan nito, sa gayo’y nakukuha natin ang diwa nito. (Kawikaan 4:1)—9/15, pahina 13.
◻ Ano ang hinihiling ni Jehova sa atin ngayon?
Pangunahin na, ang hinihiling ni Jehova sa atin ay ang makinig sa Kaniyang Anak at sundin ang kaniyang halimbawa at mga turo. (Mateo 16:24; 1 Pedro 2:21)—9/15, pahina 22.
◻ Sino lamang ang makapagtatamasa ng kapayapaan?
Yamang si Jehova “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan,” ang kapayapaan ay matatamasa niyaon lamang mga taong umiibig sa Diyos at gumagalang sa kaniyang matuwid na mga simulain. (Roma 15:33)—10/1, pahina 11.
◻ Paano nagkaroon si Jose ng moral na lakas na tumanggi sa asawa ni Potipar sa araw-araw?
Higit na pinahalagahan ni Jose ang kaugnayan niya kay Jehova kaysa sa panandaliang kaluguran. Gayundin, kahit na wala siya sa ilalim ng isang kodigong kautusan ng Diyos, maliwanag ang pagkaunawa ni Jose sa moral na mga simulain. (Genesis 39:9)—10/1, pahina 29.
◻ Gaano kahalaga ang ating pagiging handang magpatawad sa ating mga kapatid?
Ang ating pag-asang patuloy na tumanggap ng kapatawaran ng Diyos ay nakasalalay nang malaki sa ating pagiging handang magpatawad sa ating mga kapatid. (Mateo 6:12, 14; Lucas 11:4)—10/15, pahina 17.
◻ Sa anong uri ng kasalanan tumutukoy ang Mateo 18:15-17, at ano ang nagpapahiwatig niyan?
Ang mga kasalanang ibig sabihin ni Jesus ay gayon na lamang ang kaselanan anupat maaaring maging dahilan upang ituring ang nagkamali bilang “gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis.” Ang mga Judio ay hindi nakikisalamuha sa mga Gentil, at iniiwasan nila ang mga maniningil ng buwis. Kaya ang Mateo 18:15-17 ay tumutukoy hinggil sa malulubhang kasalanan, hindi personal na pang-iinsulto o pananakit na madaling patawarin at limutin. (Mateo 18:21, 22)—10/15, pahina 19.
◻ Ano ang nasasangkot sa tunay na pag-ibig sa Salita ng Diyos?
Ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ay umaakay sa isa na mamuhay ayon sa mga kahilingan nito. (Awit 119:97, 101, 105) Ito’y humihiling na laging ibagay ang pag-iisip at paraan ng pamumuhay ng isa.—11/1, pahina 14.
◻ Palibhasa’y gayon na lamang kalaki ang tinanggap sa kamay ni Jehova, ano naman ang maibibigay natin sa pinakadakilang Hari at Tagapagbigay?
Isinisiwalat ng Bibliya na ang pinakamabuting kaloob na maibibigay natin kay Jehova ay isang “hain ng papuri.” (Hebreo 13:15) Bakit? Sapagkat ang haing ito ay tuwirang may kaugnayan sa pagliligtas ng buhay, na siyang pangunahing pinagkakaabalahan ni Jehova sa panahong ito ng kawakasan. (Ezekiel 18:23)—11/1, pahina 21.
◻ Ano ang ibig ipakahulugan ni Solomon nang isulat niya: “Ang mga salita ng mga marurunong ay gaya ng mga pantaboy sa baka”? (Eclesiastes 12:11)
Ang mga salita niyaong mga nagtataglay ng makadiyos na karunungan ay nagpapakilos sa mga mambabasa o mga tagapakinig na sumulong kasuwato ng matalinong pananalita na nabasa o narinig.—11/15, pahina 21.
◻ Ano ang makadiyos na kaunawaan?
Ito ang kakayahang kilalanin ang kaibahan ng tama sa mali at pagkatapos ay piliin ang tamang landas. Ang pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos ay nagdudulot ng kaunawaan.—11/15, pahina 25.
◻ Ang pagiging handang tumanggap ng mga pananagutan ay kailangang timbangan ng ano? (1 Timoteo 3:1)
Ito’y kailangang timbangan ng matinong pagpapasiya. Walang sinuman ang dapat na bumalikat ng napakaraming atas anupat nawawala ang kaniyang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Ang isang laging-handang espiritu ay kapuri-puri, subalit ang pagiging laging handa ay kailangan ding magpabanaag ng kahinhinan at ng “katinuan ng pag-iisip.” (Tito 2:12; Apocalipsis 3:15, 16)—12/1, pahina 28.
◻ Paano haharapin ang hamon ng pagiging magulang?
Ang mga magulang ay pinapayuhan ng Diyos na maging mga halimbawa, kasama, kausap, at mga guro. (Deuteronomio 6:6, 7)—12/1, pahina 32.