Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Diyos na Jehova ay Naawa sa Isang Nalabi
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
    • ‘Ang Pinasisibol ni Jehova’

      5, 6. (a) Paano inilarawan ni Isaias ang mapayapang panahon kasunod ng dumarating na bagyo? (b) Ano ang kahulugan ng terminong “pasibol,” at ano ang ipinahihiwatig nito hinggil sa lupain ng Juda?

      5 Ang tono ni Isaias ay nagiging kanais-nais habang siya’y umaasa sa isang higit na mapayapang panahon kapag nakalipas na ang dumarating na bagyo. Siya’y sumulat: “Sa araw na iyon ang pasisibulin ni Jehova [“ang pinasisibol (pasibol) ni Jehova,” talababa] ay magiging kagayakan at kaluwalhatian, at ang bunga ng lupain ay magiging isang bagay na maipagmamalaki at isang bagay na maganda para roon sa mga nagmula sa Israel na nakatakas.”​—Isaias 4:2.

      6 Binanggit dito ni Isaias ang hinggil sa pagsasauli. Ang Hebreong pangngalan na isinaling “pasibol” ay tumutukoy sa ‘bagay na sumusupang, isang usbong, isang sanga.’ Ito’y iniuugnay sa kasaganaan, pagsulong, at mga pagpapala mula kay Jehova. Kaya iginuguhit ni Isaias ang isang larawan ng pag-asa​—ang dumarating na pagkatiwangwang ay hindi mamamalagi magpakailanman. Taglay ang pagpapala ni Jehova, ang dating masaganang lupain ng Juda ay muling magbubunga nang sagana.a​—Levitico 26:3-5.

      7. Sa paanong paraan “magiging kagayakan at kaluwalhatian” ang pasisibulin ni Jehova?

      7 Si Isaias ay gumamit ng matitingkad na pangungusap upang ilarawan ang dakilang pagbabago na magaganap sa hinaharap. Ang pasisibulin ni Jehova ay “magiging kagayakan at kaluwalhatian.” Ang salitang “kagayakan” ay nagpapaalaala sa kagandahan ng Lupang Pangako nang ipagkaloob ito ni Jehova sa Israel mga ilang siglo na ang kaagahan. Ito’y napakaganda anupat ito’y itinuring na “ang kagayakan [“hiyas,” New American Bible] ng lahat ng mga lupain.” (Ezekiel 20:6) Kaya ang mga salita ni Isaias ay nagbigay-katiyakan sa mga tao na ang lupain ng Juda ay maisasauli sa dating kaluwalhatian at kagandahan nito. Tunay nga, ito ay magiging gaya ng koronang hiyas sa lupa.

      8. Sino ang mapaparoon upang tamasahin ang ibinalik na kagandahan ng lupain, at paano inilalarawan ni Isaias ang kanilang nadarama?

      8 Subalit, sino ang mapaparoon upang tamasahin ang isinauling kagandahan ng lupain? Yaong “mga nagmula sa Israel na nakatakas,” ang sulat ni Isaias. Oo, ang ilan ay makaliligtas sa kahiya-hiyang pagkawasak na dati nang inihula. (Isaias 3:25, 26) Isang nalabi ng mga nakaligtas ang magbabalik sa Juda at makikibahagi sa pagsasauli nito. Para sa mga magbabalik na ito​—“ang mga nakatakas”​—ang saganang bunga ng kanilang naisauling lupain ay magiging “isang bagay na maipagmamalaki at isang bagay na maganda.” (Isaias 4:2; talababa sa Ingles) Ang kahihiyan ng pagkatiwangwang ay magbibigay daan sa isang panibagong kalagayan na maipagmamalaki.

      9. (a) Bilang katuparan ng mga salita ni Isaias, ano ang nangyari noong 537 B.C.E.? (b) Bakit masasabing kasama sa “mga nakatakas” ang ilang ipinanganak samantalang nasa pagkatapon? (Tingnan ang talababa.)

      9 Bilang katuparan ng mga salita ni Isaias, ang bagyo ng paghatol ay dumating noong 607 B.C.E. nang wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem anupat marami sa mga Israelita ang nasawi. Ang ilan ay nakaligtas at dinalang tapon sa Babilonya, subalit kung hindi sa awa ng Diyos, wala sanang nakaligtas. (Nehemias 9:31) Sa dakong huli, ang Juda ay naging lubos na tiwangwang. (2 Cronica 36:17-21) Pagkatapos, noong 537 B.C.E., ang Diyos ng kaawaan ay nagpahintulot sa mga “nakatakas” na magbalik sa Juda upang isauli ang tunay na pagsamba.b (Ezra 1:1-4; 2:1) Ang taos-pusong pagsisisi ng mga nagbalik na tapong ito ay buong gandang ipinahayag sa Awit 137, na malamang na isinulat sa panahon ng pagkabihag o di-kalaunan pagkatapos nito. Doon sa Juda sila ay nag-araro at naghasik ng binhi sa lupain. Isip-isipin na lamang ang tiyak na nadama nila nang kanilang nakita na pinagpapala ng Diyos ang kanilang mga pagsisikap, anupat ang lupain ay nagsibol gaya ng mabungang “hardin ng Eden”!​—Ezekiel 36:34-36.

      10, 11. (a) Sa paanong paraan naging bihag sa “Babilonyang Dakila” ang mga Estudyante ng Bibliya noong unang bahagi ng ika-20 siglo? (b) Paano pinagpala ni Jehova ang nalabi ng espirituwal na mga Israelita?

      10 Isang katulad na pagsasauli ang nagaganap ngayon sa ating kaarawan. Maaga pa noong ika-20 siglo, ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay napasa espirituwal na pagkabihag sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:5) Bagaman itinakwil na nila ang maraming huwad na turong relihiyoso, ang mga Estudyante ng Bibliya ay may bahid pa rin ng ilang ideya at gawaing maka-Babilonya. Bilang resulta ng udyok ng klerong pagsalansang, ang ilan sa kanila ay literal na nabilanggo. Ang kanilang espirituwal na lupain​—ang kanilang relihiyoso, o espirituwal, na kalagayan​—ay naiwang tiwangwang.

      11 Subalit noong tagsibol ng 1919, naawa si Jehova sa nalabing ito ng espirituwal na mga Israelita. (Galacia 6:16) Nakita niya ang kanilang pagsisisi at ang kanilang pagnanais na sumamba sa kaniya sa katotohanan, kaya sila’y pinalaya niya mula sa literal na pagkabilanggo at, higit sa lahat, mula sa espirituwal na pagkabihag. Ang mga “nakatakas” na ito ay naisauli sa kanilang bigay-Diyos na espirituwal na kalagayan, na pinangyari niyang sumibol nang sagana. Ang espirituwal na kalagayang ito ay nagkaroon ng nakagaganyak at kaayaayang anyo na nakaakit sa iba pang milyun-milyong mga taong may takot sa Diyos na sumama sa nalabi sa tunay na pagsamba.

      12. Paano pinatingkad ng mga salita ni Isaias ang awa ni Jehova sa kaniyang bayan?

      12 Ang mga salita ni Isaias dito ay nagpapatingkad sa awa ng Diyos sa kaniyang bayan. Bagaman ang mga Israelita bilang isang bansa ay tumalikod kay Jehova, siya’y naawa sa nagsising nalabi. Maaaliw tayo sa pagkaalam na kahit na yaong mga malubhang nagkasala ay may pag-asang makapanumbalik kay Jehova. Ang mga nagsisisi ay hindi kailangang makadama na sila’y hindi na kaaawaan pa ni Jehova, dahil sa hindi niya tatanggihan ang isang pusong nagsisisi. (Awit 51:17) Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya.” (Awit 103:8, 13) Tunay nga, ang gayong maawaing Diyos ay karapat-dapat sa lahat ng ating papuri!

  • Ang Diyos na Jehova ay Naawa sa Isang Nalabi
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
    • a Ang ilang iskolar ay nagsasabi na ang pariralang ‘pasibol ni Jehova’ ay isang pagtukoy sa Mesiyas, na hindi lilitaw kundi pagkatapos na maisauli ang Jerusalem. Sa Aramaikong mga Targum, ang pagpapakahulugan sa pananalitang ito ay kababasahan ng ganito: “Ang Mesiyas [Kristo] ni Jehova.” Kapansin-pansin nga, ang Hebreong pangngalan ding ito (tseʹmach) ay ginamit ni Jeremias sa dakong huli nang tukuyin niya ang Mesiyas bilang “isang sibol na matuwid” na ibinangon kay David.​—Jeremias 23:5; 33:15.

      b Kasama sa ‘mga nakatakas’ ang ilan sa mga ipinanganak samantalang nasa pagkatapon. Ang mga ito ay maaaring ituring na “nakatakas,” yamang sila’y hindi sana naipanganak kung ang kanilang mga ninuno ay hindi nakaligtas sa pagkapuksa.​—Ezra 9:13-15; ihambing ang Hebreo 7:9, 10.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share