-
Pagkilala sa Tamang Uri ng MensaheroAng Bantayan—1997 | Mayo 1
-
-
7, 8. Anong kinasihang mensahe ang taglay ni Isaias para sa Babilonya, at ano ang kahulugan ng kaniyang mga salita?
7 Ititiwangwang ang Juda at ang Jerusalem, anupat walang taong maninirahan sa loob ng 70 taon. Gayunman, ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan nina Isaias at Ezekiel na ang lunsod ay muling itatayo at ang lupain ay tatahanan sa eksaktong panahon na kaniyang inihula! Ito ay isang pambihirang prediksiyon. Bakit? Sapagkat kilalang-kilala ang Babilonya na hindi kailanman nagpapalaya ng kaniyang mga bilanggo. (Isaias 14:4, 15-17) Kaya sino kaya ang makapagpapalaya sa mga bihag na ito? Sino ang makapagbabagsak sa makapangyarihang Babilonya, na may matataas na pader at sistema ng depensang mula sa ilog? Kaya ito ni Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat! At sinabi niyang gagawin niya: “Ako . . . ang Isa na nagsasabi sa matubig na kalaliman [alalaong baga, ang matubig na depensa ng lunsod], ‘Matuyo ka; at lahat ng iyong mga ilog ay aking tutuyuin’; ang Isa na nagsasabi tungkol kay Ciro, ‘Siya’y aking pastol, at lahat ng aking kaluguran ay kaniyang lubusang gagampanan’; maging ang pagsasabi ko sa Jerusalem, ‘Siya’y muling itatayo,’ at sa templo, ‘Malalagay ang iyong patibayan.’ ”—Isaias 44:25, 27, 28.
8 Isipin ito! Para kay Jehova, ang Ilog Eufrates, na isang ubod-laking hadlang para sa mga tao, ay tulad lamang sa isang patak ng tubig sa isang napakainit na kalan. Sa isang kisap-mata, ang hadlang ay matutuyo! Babagsak ang Babilonya. Bagaman noon ay mga 150 taon pa bago ipanganak si Ciro na Persiano, inudyukan ni Jehova si Isaias na ihula ang pagbihag ng haring ito sa Babilonya at ang pagpapalaya sa mga bihag na Judio sa pamamagitan ng pagpapahintulot niya na bumalik sila upang muling maitayo ang Jerusalem at ang templo nito.
-
-
Pagkilala sa Tamang Uri ng MensaheroAng Bantayan—1997 | Mayo 1
-
-
11. Bakit nakadama ng kapanatagan ang mga naninirahan sa Babilonya?
11 Nang magsimulang lumaban si Ciro laban sa Babilonya, inakala ng mga mamamayan nito na sila’y totoong ligtas at panatag. Ang kanilang lunsod ay napalilibutan ng isang malalim at malawak na pananggalang na katubigan na likha ng Ilog Eufrates. Sa dakong dinadaluyan ng ilog sa gitna ng lunsod, may isang mahabang pantalan sa pampang sa gawing silangan ng ilog. Upang ihiwalay ito sa lunsod, si Nabucodonosor ay nagtayo ng tinatawag niyang “isang malaking pader, na tulad ng isang bundok ay hindi makikilos . . . Ang taluktok nito ay ginawa [niyang] sintaas ng bundok.”a Ang pader na ito ay may mga pintuang-daan na may napakalalaking pintuang tanso. Upang makapasok sa mga ito, ang isa’y kailangang umakyat sa talibis mula sa tabi ng ilog. Hindi kataka-taka na ang mga bilanggo sa Babilonya ay walang kapag-a-pag-asa na sila’y mapalaya kailanman!
12, 13. Paano nagkatotoo ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mensaherong si Isaias nang bumagsak ang Babilonya kay Ciro?
12 Pero hindi ang mga Judiong bihag na iyon na sumasampalataya kay Jehova! Mayroon silang maningning na pag-asa. Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, nangako ang Diyos na sila’y palalayain. Paano tinupad ng Diyos ang kaniyang pangako? Inutusan ni Ciro ang kaniyang hukbo na ilihis ang Ilog Eufrates mga ilang kilometro sa bandang hilaga ng lunsod. Kaya naman, ang pangunahing depensa ng Babilonya ay naging halos tuyong pinakasahig ng ilog. Nang napakahalagang gabing iyon, basta na lamang iniwang bukas ng mga naglasingan sa Babilonya ang dalawang-pohas na pintuan na nakaharap sa pampang ng Eufrates. Hindi naman literal na pinagdurug-durog ni Jehova ang mga pintuang tanso; ni pinutol ang mga rehas na bakal na nagsasara sa mga pintuang iyon, ngunit ang kaniyang kahanga-hangang pagmamaniobra upang ang mga ito’y manatiling bukás at di-natatarangkahan ay may pareho ring epekto. Nawalan ng kabuluhan ang mga pader ng Babilonya. Hindi na kinailangang akyatin pa ang mga ito ng mga kawal ni Ciro upang makapasok sa loob. Nagpauna si Jehova kay Ciro, anupat pinapatag ang “baku-bakong mga dako,” oo, lahat ng mga hadlang. Si Isaias ay napatunayang isang tunay na mensahero ng Diyos.
-