Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Huwag Ninyong Ilagak ang Inyong Tiwala sa mga Taong Mahal”
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
    • 9. Sino ang Shilo, at anong uri siya ng guro?

      9 Lumipas ang mga siglo. Dumating na “ang hustong hangganan ng panahon,” at ang isa na tinatawag na Shilo, ang Panginoong Jesu-Kristo, ay lumitaw sa makalupang eksena. (Galacia 4:​4; Hebreo 1:​1, 2) Ang bagay na hinirang ni Jehova ang kaniyang pinakamatalik na kasama bilang kaniyang Tagapagsalita sa mga Judio ay nagpapakita kung gaano kamahal ni Jehova ang kaniyang bayan. Naging anong uri ba ng tagapagsalita si Jesus? Pinakamagaling na uri! Si Jesus ay hindi lamang tagapagsalita, siya’y isang guro​—isang Dalubhasang Guro. Hindi nga iyan kataka-taka, sapagkat mayroon siyang kahanga-hangang Tagapagturo​—ang Diyos na Jehova mismo. (Juan 5:​30; 6:​45; 7:​15, 16, 46; 8:26) Ito’y pinatunayan ng makahulang pagsasabi ni Jesus sa pamamagitan ni Isaias: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung paano sasagutin ng salita ang pagód. Nanggigising siya uma-umaga; ginigising niya ang aking pandinig upang makarinig na gaya ng mga naturuan.”​—Isaias 50:4.b

      10. Paano tinularan ni Jesus ang pag-ibig ni Jehova sa Kaniyang bayan, at anong pagtugon ang tinanggap ni Jesus?

      10 Bago pumarito sa lupa, si Jesus ay gumawang kapiling ng kaniyang Ama sa langit. Ang matalik na ugnayan ng Ama at Anak ay patuláng inilarawan sa Kawikaan 8:​30: “Nasa piling ako [ni Jehova] bilang isang dalubhasang manggagawa, . . . nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” Ang pakikinig sa kaniyang Ama ay nagdulot kay Jesus ng malaking kagalakan. Taglay rin niya ang pag-ibig para sa “mga anak ng mga tao” na gaya ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:31) Nang siya’y pumarito na sa lupa, sinagot ni Jesus “ng salita ang pagód.” Pinasimulan niya ang kaniyang ministeryo sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang nakaaaliw na talata mula sa hula ni Isaias: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, . . . upang payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya.” (Lucas 4:​18; Isaias 61:1) Mabuting balita para sa mga dukha! Ginhawa para sa mga pagód! Laking kagalakan ang dapat sanang idulot sa bayan ng patalastas na iyan! Ang ilan ay talaga namang nagsaya​—ngunit hindi lahat. Sa dakong huli, marami ang hindi tumanggap sa mga kredensiyal ni Jesus bilang isa na naturuan ni Jehova.

      11. Sino ang nagpasailalim sa pamatok ni Jesus, at ano ang kanilang naranasan?

      11 Subalit, ang ilan ay nagnanais na makarinig pa. Sila’y malugod na tumugon sa masiglang paanyaya ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:​28, 29) Kabilang sa mga lumapit kay Jesus ay ang mga lalaking naging mga apostol niya. Batid nila na ang pagpapasailalim sa pamatok ni Jesus ay nangangahulugan ng mabigat na gawain para sa kanila. Ang gawaing ito ay nagsasangkot, bukod sa ibang bagay, ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa mga dulo ng lupa. (Mateo 24:14) Habang nakikibahagi ang mga apostol at iba pang mga alagad sa gawaing ito, nasumpungan nila na talaga nga palang nagdudulot ito ng kaginhawahan sa kanilang mga kaluluwa. Ang gawain ding ito ay isinasagawa ng tapat na mga Kristiyano sa ngayon, at ang pakikibahagi rito ay nagdudulot sa kanila ng nakakatulad na kagalakan.

  • “Huwag Ninyong Ilagak ang Inyong Tiwala sa mga Taong Mahal”
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
    • b Mula sa Isa 50 talata 4-11 hanggang sa katapusan ng kabanata, lumilitaw na ang manunulat ay nagsasalita hinggil sa kaniyang sarili. Maaaring naranasan ni Isaias ang ilang pagsubok na kaniyang binanggit sa mga talatang ito. Gayunman, sa lubusang diwa nito, ang hula ay natupad kay Jesu-Kristo.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share