Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Mensahe ng Pag-asa Para sa Nasisiraan-ng-Loob na mga Bihag
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
    • “Kumandante sa mga Liping Pambansa”

      13. Paanong si Jesus ay naging isang “saksi sa mga liping pambansa” kapuwa noong panahon ng kaniyang ministeryo at pagkaakyat niya sa langit?

      13 Ano kaya ang gagawin ng magiging haring ito? Sinabi ni Jehova: “Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.” (Isaias 55:4) Nang lumaki si Jesus, siya ang naging kinatawan ni Jehova sa lupa, ang saksi ng Diyos sa mga bansa. Sa buong buhay niya bilang tao, ang kaniyang ministeryo ay nakatuon sa “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” Gayunman, nang malapit na siyang umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa . . . Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 10:​5, 6; 15:​24; 28:​19, 20) Kaya nang maglaon, ang mensahe ng Kaharian ay dinala sa mga di-Judio, at ang ilan sa kanila ay nakibahagi sa katuparan ng tipan kay David. (Gawa 13:46) Sa ganitong paraan, kahit pagkatapos na siya’y mamatay, buhaying-muli, at umakyat sa langit, si Jesus ay patuloy na naging “saksi [ni Jehova] sa mga liping pambansa.”

      14, 15. (a) Paano pinatunayan ni Jesus na siya’y isang “lider at kumandante”? (b) Anong pag-asa ang inaasam ng mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo?

      14 Si Jesus ay magiging isa ring “lider at kumandante.” Kasuwato ng makahulang paglalarawang ito, lubusang tinanggap ni Jesus noong siya’y nasa lupa ang mga pananagutan ng kaniyang pagkaulo at nanguna sa lahat ng paraan, anupat nakaaakit sa napakalalaking pulutong, na tinuturuan sila ng mga salita ng katotohanan, at ipinababatid ang mga pakinabang na darating doon sa mga susunod sa kaniyang pangunguna. (Mateo 4:​24; 7:​28, 29; 11:5) Mabisa niyang sinanay ang kaniyang mga alagad, anupat inihahanda sila upang isagawa ang kampanya ng pangangaral na naghihintay sa kanila. (Lucas 10:​1-12; Gawa 1:​8; Colosas 1:23) Sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon, nailatag ni Jesus ang pundasyon para sa isang nagkakaisa at pandaigdig na kongregasyon na may libu-libong miyembro mula sa maraming lahi! Tanging isang tunay na “lider at kumandante” lamang ang makagagawa ng ganitong napakalaking gawain.b

      15 Yaong mga natipon sa Kristiyanong kongregasyon noong unang siglo ay pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos, at taglay nila ang pag-asang maging kasamang tagapamahala ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Apocalipsis 14:1) Gayunman, ang hula ni Isaias ay lampas pa sa panahon ng pagsisimula ng Kristiyanismo. Ipinakikita ng katibayan na noon lamang 1914 nagsimulang mamahala si Jesu-Kristo bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Di-nagtagal pagkatapos nito, naganap ang isang kalagayan sa gitna ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa na may maraming pagkakatulad sa naging kalagayan ng mga tapong Judio noong ikaanim na siglo B.C.E. Sa katunayan, ang nangyari sa mga Kristiyanong iyon ay bumubuo ng mas malaking katuparan ng hula ni Isaias.

      Makabagong-Panahong Pagkabihag at Paglaya

      16. Anong kabagabagan ang kasunod ng pagluklok ni Jesus sa trono noong 1914?

      16 Ang pagluklok ni Jesus sa trono bilang Hari noong 1914 ay inihudyat ng isang wala-pang-katulad na kabagabagan sa daigdig. Bakit? Sapagkat nang maging Hari, pinalayas ni Jesus si Satanas at ang iba pang balakyot na mga espiritung nilalang mula sa langit. Nang makulong sa lupa, sinimulan ni Satanas ang pakikidigma laban sa mga natitirang banal, ang nalabi ng mga pinahirang Kristiyano. (Apocalipsis 12:​7-12, 17) Sumapit ang kasukdulan noong 1918 nang halos mapahinto ang gawaing pangangaral sa madla at mabilanggo ang mga responsableng opisyal ng Samahang Watch Tower dahil sa mga maling paratang na sedisyon. Sa paraang ito, ang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova ay naging bihag sa espirituwal, na nagpapagunita sa pisikal na pagkabihag ng sinaunang mga Judio. Nakaumang sa kanila ang matinding kadustaan.

      17. Paano nabaligtad ang kalagayan ng mga pinahiran noong 1919, at paano sila pinatibay noon?

      17 Subalit hindi naman nagtagal ang pagiging bihag ng mga pinahirang lingkod ng Diyos. Noong Marso 26, 1919, pinalaya ang mga nakabilanggong opisyal, at nang dakong huli ay iniurong na ang lahat ng paratang laban sa kanila. Binuhusan ni Jehova ng banal na espiritu ang kaniyang pinalayang bayan, anupat pinasigla sila para sa gawaing naghihintay sa kanila. Taglay ang kagalakan, tinugon nila ang paanyaya na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Sila’y bumili ng “alak at gatas kahit walang salapi at walang bayad” at pinatibay sa espirituwal para sa isang kahanga-hangang pagpapalawak na malapit nang maganap, isang bagay na hindi patiunang nakita ng pinahirang nalabi.

      Tatakbo sa Pinahiran ng Diyos ang Isang Malaking Pulutong

      18. Anong dalawang grupo ang nasusumpungan sa mga alagad ni Jesu-Kristo, at bumubuo sila ng ano sa ngayon?

      18 Inaasam ng mga alagad ni Jesus ang isa sa dalawang pag-asa. Una, isang “munting kawan” na may bilang na 144,000 ang natipon na​—ang mga pinahirang Kristiyano na nagmula kapuwa sa mga Judio at mga Gentil na siyang “Israel ng Diyos” at may pag-asa na mamahalang kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Lucas 12:​32; Galacia 6:​16; Apocalipsis 14:1) Ikalawa, sa mga huling araw, lumitaw ang “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” Ang mga ito’y may pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. Bago sumiklab ang malaking kapighatian, ang karamihang ito​—na walang takdang bilang—​ay naglilingkod na kasama ng munting kawan, at ang dalawang grupong ito ay bumubuo ng “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol.”​—Apocalipsis 7:​9, 10; Juan 10:16.

  • Isang Mensahe ng Pag-asa Para sa Nasisiraan-ng-Loob na mga Bihag
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
    • b Patuloy na pinangangasiwaan ni Jesus ang paggawa ng mga alagad. (Apocalipsis 14:​14-16) Sa ngayon, si Jesus ay minamalas ng mga Kristiyanong lalaki at babae bilang ang Ulo ng kongregasyon. (1 Corinto 11:3) At sa takdang panahon ng Diyos, kikilos si Jesus bilang isang “lider at kumandante” sa iba namang paraan, kapag pinangunahan niya ang pangwakas na pakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos sa digmaan ng Armagedon.​— Apocalipsis 19:​19-21.

  • Isang Mensahe ng Pag-asa Para sa Nasisiraan-ng-Loob na mga Bihag
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
    • [Larawan sa pahina 239]

      Pinatunayan ni Jesus na siya’y isang “lider at kumandante” sa mga liping pambansa

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share