Tulad ng Lumilipad na mga Kalapating Pauwi sa Kanilang Bahay
ANG mga kalapati marahil ang isa sa mga unang ibon na napaamo ng tao. Libu-libong taon na ngayon, ang mga Ehipsiyo—taglay ang pag-asa na may katalinuhang makapagpaplano sila para sa isang buong santaon na suplay ng pagkain—ay nagtayo ng mga bahay-kalapati malapit sa kanilang mga tahanan. Ang laman ng mga ibon ay lubhang kanais-nais at ang kanilang mga dumi ay ginagamit na pataba. Nang panahon ng Edad Medya, marami ang naghahangad na magkaroon ng mga bahay-kalapati kung kaya sa ilang mga bansa tanging ang mga taong may dugong mahal o ang mga orden ng relihiyon ang pinapayagan na mag-ari ng mga iyon.
Bagaman mga manok ang ngayon ay humalili sa mga kalapati bilang pinagkukunan ng karne sa karamihan ng mesang kainán, may makikita pa ring mga ilang sinaunang bahay-kalapati. Ang mga bahay-kalapating nakalarawan dito ay matatagpuan sa Ehipto.
Sa pagpapabalik na langkay-langkay sa kinagabihan, isang mistulang alapaap ng mga ibon na lumilipad nang pababa sa bahay-kalapati. Ito ang tinukoy ng propetang Hebreo na si Isaias nang kaniyang itanong: “Sino ang mga ito na lumilipad na parang alapaap, at parang mga kalapati sa kanilang mga bahay-kalapati?” Isa pang pagkasalin ang ganito: “Sino ba ang mga ito na lumilipad na gaya ng mga alapaap, na nagliliparan na parang mga kalapati sa kanilang mga bahay-kalapati?”—Isaias 60:8; The New English Bible.
Ang kasagutan ay matatagpuan sa ngayon sa daan-daang libong mga taong may takot sa Diyos na nagkukulumpunan sa organisasyon ni Jehova. Sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, sila’y natututong umasa sa Diyos. (Isaias 60:9) Sa gitna ng bayan ng Diyos, kanilang natutuklasan na ang espirituwal na mga pamantayan, ang isang buháy na pananampalataya, at kaiga-igayang pagsasamahan ay nagbibigay ng kapayapaan at katiwasayan na gaya ng nasusumpungan ng kalapati sa kaniyang bahay-kalapati.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.