-
Tumulong sa Pagpapaganda ng Espirituwal na ParaisoAng Bantayan—2015 | Hulyo 15
-
-
1, 2. Sa Hebreong Kasulatan, sa ano maaaring tumukoy ang terminong “tuntungan”?
SINABI ng Diyos na Jehova: “Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan.” (Isa. 66:1) Tungkol sa kaniyang “tuntungan,” sinabi rin niya: “Luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga paa.” (Isa. 60:13) Paano niya ito ginagawa? At ano ang kahulugan nito para sa atin na naninirahan sa “tuntungan” ng Diyos, ang lupa?
2 Sa Hebreong Kasulatan, ang terminong “tuntungan” ay ginagamit din para ilarawan ang sinaunang templo sa Israel. (1 Cro. 28:2; Awit 132:7) Napakaganda ng templong iyon para kay Jehova dahil nagsilbi itong sentro ng tunay na pagsamba sa lupa, at nagbigay ito ng kaluwalhatian sa tuntungan ng paa ni Jehova.
3. Ano ang dakilang espirituwal na templo ng Diyos, at kailan ito nagsimulang umiral?
3 Sa ngayon, hindi na isang literal na templo ang sentro ng tunay na pagsamba. Pero may isang espirituwal na templo na lumuluwalhati kay Jehova nang higit kaysa sa anumang gusali. Isa itong kaayusan ng Diyos at dahil dito ay naging posible ang pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng pagkasaserdote at ng hain ni Jesu-Kristo. Nagsimula itong umiral noong 29 C.E. nang bautismuhan si Jesus at pahiran bilang Mataas na Saserdote ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova.—Heb. 9:11, 12.
4, 5. (a) Paano inilalarawan sa Awit 99 ang hangarin ng mga tunay na mananamba ni Jehova? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
4 Bilang pagpapahalaga sa kaayusan ng espirituwal na templo, pinupuri natin si Jehova sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang pangalan at dinadakila natin siya dahil sa paglalaan niya ng pantubos. Sa ngayon, mahigit nang walong milyong tunay na Kristiyano ang aktibong lumuluwalhati kay Jehova! Di-tulad ng maraming relihiyosong tao na nag-iisip na sa langit na nila pupurihin ang Diyos kapag umakyat na sila, nauunawaan ng lahat ng Saksi ni Jehova na dapat nilang purihin ang Diyos ngayon at dito sa lupa.
5 Sa paggawa nito, tinutularan natin ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova na inilalarawan sa Awit 99:1-3, 5. (Basahin.) Gaya ng ipinakikita ng awit na iyon, lubusang sinuportahan nina Moises, Aaron, at Samuel ang kaayusan para sa tunay na pagsamba noong panahon nila. (Awit 99:6, 7) Sa ngayon, bago umakyat sa langit para maglingkod bilang mga saserdote kasama ni Jesus, ang mga pinahirang nalabi ay tapat na naglilingkod sa makalupang looban ng espirituwal na templo. Milyon-milyong “ibang mga tupa” ang matapat na sumusuporta sa kanila. (Juan 10:16) Magkaiba man ang pag-asa ng dalawang grupong ito, nagkakaisa sila sa pagsamba kay Jehova sa tuntungan ng kaniyang paa. Pero bilang indibiduwal, makabubuting itanong sa sarili, ‘Lubusan ko bang sinusuportahan ang kaayusan ni Jehova para sa dalisay na pagsamba?’
-
-
Tumulong sa Pagpapaganda ng Espirituwal na ParaisoAng Bantayan—2015 | Hulyo 15
-
-
7 Pagsapit ng 1919, ang mga sinasang-ayunan ni Jehova at naglilingkod sa kaniyang espirituwal na templo ay malinaw na nakilala. Dinalisay sila sa espirituwal na paraan para maging mas katanggap-tanggap ang paglilingkod nila sa Diyos. (Isa. 4:2, 3; Mal. 3:1-4) Ang nakita ni apostol Pablo sa pangitain daan-daang taon bago nito ay nagsimulang matupad sa limitadong paraan.
8, 9. Anong “paraiso” ang nakita ni Pablo sa pangitain?
8 Inilalarawan ang pangitain ni Pablo sa 2 Corinto 12:1-4. (Basahin.) Ang nakita ni Pablo sa pangitain ay tinukoy bilang pagsisiwalat. Nagsasangkot ito ng isang pangyayari sa hinaharap, hindi ng isang bagay na umiral noong panahon niya. Nang agawin si Pablo “tungo sa ikatlong langit,” anong “paraiso” ang nakita niya? Ang paraisong binanggit ni Pablo ay may pisikal, espirituwal, at makalangit na katuparan, na pare-parehong iiral sa hinaharap. Maaari itong tumukoy sa pisikal o makalupang Paraiso. (Luc. 23:43) Maaari din itong tumukoy sa espirituwal na paraiso na lubusang matatamasa sa bagong sanlibutan. Bukod diyan, maaari itong tumukoy sa pinagpalang kalagayan sa langit sa “paraiso ng Diyos.”—Apoc. 2:7.
9 Pero bakit sinabi ni Pablo na “nakarinig [siya] ng di-mabigkas na mga salita na hindi matuwid na salitain ng tao”? Dahil hindi pa iyon ang panahon para ipaliwanag niya nang detalyado ang kamangha-manghang mga bagay na nakita niya sa pangitain. Pero ngayon, pinahintulutan na tayo ni Jehova na sabihin sa iba ang mga pagpapalang tinatamasa ng kaniyang bayan!
10. Bakit magkaiba ang mga terminong “espirituwal na paraiso” at “espirituwal na templo”?
10 Naging bahagi na ng teokratikong bokabularyo natin ang pananalitang “espirituwal na paraiso.” Inilalarawan nito ang ating natatanging kapaligiran, o kalagayan, kung saan sagana ang espirituwal na paglalaan at nagtatamasa tayo ng mapayapang kaugnayan sa Diyos at sa ating mga kapatid. Kaya ang “espirituwal na paraiso” at ang “espirituwal na templo” ay magkaiba. Ang espirituwal na templo ay kaayusan ng Diyos para sa tunay na pagsamba. Ang espirituwal na paraiso naman ang malinaw na nagpapakilala kung sino ang mga sinasang-ayunan ng Diyos at naglilingkod sa kaniya ngayon sa kaniyang espirituwal na templo.—Mal. 3:18.
11. Ano ang pribilehiyo natin ngayon may kaugnayan sa espirituwal na paraiso?
11 Nakatutuwang malaman na mula noong 1919, pinahintulutan ni Jehova ang di-sakdal na mga tao na tumulong sa paglilinang, pagpapatibay, at pagpapalawak sa espirituwal na paraiso sa lupa! Tumutulong ka ba sa kamangha-manghang gawaing ito? Napakikilos ka bang patuloy na gumawang kasama ni Jehova sa pagluwalhati sa ‘dako ng kaniyang mga paa’?
-