Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang mga Pagpapalang Dulot ng Mabuting Balita
    Ang Bantayan—2002 | Enero 1
    • Ang mga Pagpapalang Dulot ng Mabuting Balita

      “Pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako upang bigkisan ang may pusong wasak, . . . upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.”​—ISAIAS 61:1, 2.

      1, 2. (a) Isiniwalat ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ano, at paano? (b) Anong mga pagpapala ang idudulot ng mabuting balita na ipinahayag ni Jesus?

      ISANG araw ng Sabbath sa pasimula pa lamang ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay nasa sinagoga sa Nazaret. Ayon sa ulat, “ang balumbon ng propetang si Isaias ay ibinigay sa kaniya, at binuksan niya ang balumbon at nasumpungan ang dako kung saan nakasulat: ‘Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita.’ ” Ipinagpatuloy ni Jesus ang higit pang pagbasa sa makahulang teksto. Pagkatapos ay naupo siya at sinabi: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.”​—Lucas 4:16-21.

      2 Sa ganitong paraan, isiniwalat ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang inihulang ebanghelisador, ang tagapagpahayag ng mabuting balita at tagapagdala ng kaaliwan. (Mateo 4:23) At kaybuti ngang balita ang ipapahayag ni Jesus! Sinabi niya sa kaniyang mga tagapakinig: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Juan 8:12) Sinabi rin niya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Oo, si Jesus ang may “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68, 69) Liwanag, buhay at kalayaan​—tiyak na dapat ngang pahalagahan ang mga pagpapalang ito!

      3. Anong mabuting balita ang ipinangaral ng mga alagad ni Jesus?

      3 Pagkalipas ng Pentecostes 33 C.E., ipinagpatuloy ng mga alagad ang gawaing pag-eebanghelyo ni Jesus. Ipinangaral nila ang ‘mabuting balita ng kaharian’ kapuwa sa mga Israelita at sa mga tao ng mga bansa. (Mateo 24:14; Gawa 15:7; Roma 1:16) Nakilala ng mga tumugon ang Diyos na Jehova. Sila ay pinalaya mula sa relihiyosong pagkaalipin at naging bahagi ng bagong espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos,” na ang mga miyembro ay may pag-asang mamahala magpakailanman sa langit kasama ang kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo. (Galacia 5:1; 6:16; Efeso 3:5-7; Colosas 1:4, 5; Apocalipsis 22:5) Napakahalaga ngang mga pagpapala iyon!

      Pag-eebanghelyo sa Ngayon

      4. Sa anong paraan tinutupad sa ngayon ang atas na ipangaral ang mabuting balita?

      4 Sa ngayon, ang mga pinahirang Kristiyano, na sinusuportahan ng lumalagong “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” ay patuloy na tumutupad sa makahulang atas na unang ibinigay kay Jesus. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Bilang resulta, ang mabuting balita ay ipinangangaral sa lawak na hindi pa nasaksihan kailanman. Sa 235 lupain at mga teritoryo, ang mga Saksi ni Jehova ay humahayo “upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo . . . , upang bigkisan ang may pusong wasak, upang maghayag ng paglaya sa mga bihag at ng lubos na pagkakadilat ng mga mata sa mga bilanggo; upang ihayag ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.” (Isaias 61:1, 2) Kaya naman, ang Kristiyanong gawaing pag-eebanghelyo ay patuloy na nagdudulot ng mga pagpapala sa marami at ng tunay na kaaliwan sa “mga nasa anumang uri ng kapighatian.”​—2 Corinto 1:3, 4.

  • Ang mga Pagpapalang Dulot ng Mabuting Balita
    Ang Bantayan—2002 | Enero 1
    • 6. Anong mabuting balita ang ipinangangaral ngayon?

      6 Ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamabuting balita na posible. Binubuklat nila ang kanilang mga Bibliya at ipinakikita sa mga tumutugon na inihain ni Jesus ang kaniyang buhay upang bigyan ang sangkatauhan ng isang paraan ng paglapit sa Diyos, ng kapatawaran sa mga kasalanan, at ng pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 3:16; 2 Corinto 5:18, 19) Ipinapahayag nila na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na sa langit sa ilalim ng pinahirang Hari, si Jesu-Kristo, at na di-magtatagal ay papawiin nito ang kabalakyutan mula sa lupa at pangangasiwaan ang pagsasauli sa Paraiso. (Apocalipsis 11:15; 21:3, 4) Bilang katuparan ng hula ni Isaias, ipinababatid nila sa kanilang kapuwa na ngayon na “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova” habang ang sangkatauhan ay maaari pang tumugon sa mabuting balita. Nagbababala rin sila na di-magtatagal at darating na “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos” kapag lilipulin na ni Jehova ang di-nagsisising mga manggagawa ng kamalian.​—Awit 37:9-11.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share