-
Sumisibol ang Katuwiran sa SionHula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
-
-
17. (a) Ano ang itatawag sa mga miyembro ng Israel ng Diyos? (b) Ano ang tanging hain na kailangan upang mapatawad ang mga kasalanan?
17 Kumusta naman ang Israel ng Diyos? Sinabi sa kanila ni Jehova, sa pamamagitan ni Isaias: “Kung tungkol sa inyo, tatawagin kayong mga saserdote ni Jehova; tutukuyin kayo bilang mga lingkod ng ating Diyos. Ang yaman ng mga bansa ay kakainin ninyo, at sa kanilang kaluwalhatian ay magsasalita kayo nang may kagalakan tungkol sa inyong sarili.” (Isaias 61:6) Sa sinaunang Israel, inilaan ni Jehova ang Levitikong pagkasaserdote upang maghandog ng mga hain para sa mga saserdote mismo at sa kapuwa nila mga Israelita. Gayunman, noong 33 C.E., hindi na ginamit ni Jehova ang Levitikong pagkasaserdote at pinasimulan ang isang mas mainam na kaayusan. Tinanggap niya ang sakdal na buhay ni Jesus bilang hain para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Mula noon, hindi na nangailangan ng iba pang hain. Ang hain ni Jesus ay may bisa sa lahat ng panahon.—Juan 14:6; Colosas 2:13, 14; Hebreo 9:11-14, 24.
18. Anong uri ng pagkasaserdote ang binubuo ng Israel ng Diyos, at ano ang iniatas sa kanila?
18 Kung gayon, paanong ang mga miyembro ng Israel ng Diyos ay “mga saserdote ni Jehova”? Sa pagliham sa kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano, sinabi ni apostol Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Pedro 2:9) Samakatuwid, bilang isang grupo, ang pinahirang mga Kristiyano ay bumubuo ng isang pagkasaserdote na may espesipikong atas: ihayag sa mga bansa ang tungkol sa kaluwalhatian ni Jehova. Sila’y magiging mga saksi niya. (Isaias 43:10-12) Sa buong panahon ng mga huling araw, buong-katapatang ginagampanan ng pinahirang mga Kristiyano ang napakahalagang atas na ito. Bilang resulta, milyun-milyon na ngayon ang nakikisama sa kanila sa gawaing pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ni Jehova.
19. Anong paglilingkod ang pribilehiyong isagawa ng pinahirang mga Kristiyano?
19 Karagdagan pa, ang mga miyembro ng Israel ng Diyos ay may pag-asang maglingkod bilang mga saserdote sa isa pang paraan. Pagkamatay nila, sila’y bubuhaying-muli tungo sa imortal na buhay sa langit bilang espiritu. Doon ay maglilingkod sila hindi lamang bilang mga tagapamahalang kasama ni Jesus sa kaniyang Kaharian kundi bilang mga saserdote rin ng Diyos. (Apocalipsis 5:10; 20:6) Dahil dito, sila’y magkakapribilehiyo na ikapit ang mga pakinabang ng haing pantubos ni Jesus sa tapat na sangkatauhan sa lupa. Sa pangitain ni apostol Juan na nakaulat sa Apocalipsis kabanata 22, sila’y inilarawang muli bilang “mga punungkahoy.” Lahat ng 144,000 na “mga punungkahoy” ay nakikita sa langit, na nagluluwal ng “labindalawang ani ng bunga, na nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Isa nga iyang kamangha-manghang paglilingkod bilang saserdote!
-
-
Sumisibol ang Katuwiran sa SionHula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
-
-
a Ang Isaias 61:5 ay maaaring nagkaroon ng katuparan noong sinaunang panahon, yamang ang mga di-Judio ay sumama sa likas na mga Judio nang bumalik ang mga ito sa Jerusalem at malamang na tumulong sa pagsasauli ng lupain. (Ezra 2:43-58) Gayunman, mula sa talatang 6 ang hula ay waring kumakapit lamang sa Israel ng Diyos.
-