-
Isang Liwanag Para sa mga BansaHula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
-
-
Pagdadala ng “Kaloob kay Jehova”
12, 13. Sa anong paraan dadalhin sa Jerusalem ang “mga kapatid” mula noong 537 B.C.E.?
12 Matapos maitayong-muli ang Jerusalem, ang mga Judiong nakapangalat nang malayo sa kanilang lupang-tinubuan ay babaling sa lunsod pati na sa isinauling pagkasaserdote nito bilang sentro ng dalisay na pagsamba. Marami sa kanila ang maglalakbay mula sa malayo upang dumalo sa taunang mga kapistahan doon. Sa ilalim ng pagkasi, sumulat si Isaias: “ ‘Dadalhin nga nila ang lahat ng inyong mga kapatid mula sa lahat ng mga bansa bilang kaloob kay Jehova, na sakay ng mga kabayo at ng mga karo at ng mga may-takip na karwahe at ng mga mula at ng mga matuling kamelyong babae, hanggang sa aking banal na bundok, ang Jerusalem,’ ang sabi ni Jehova, ‘gaya noon nang ang kaloob na nasa malinis na sisidlan ay dinadala ng mga anak ni Israel sa bahay ni Jehova. At mula rin sa kanila ay kukuha ako ng ilan para sa mga saserdote, para sa mga Levita.’ ”—Isaias 66:20, 21.
13 Ang ilan sa “mga kapatid [na iyon] mula sa lahat ng mga bansa” ay naroroon noong araw ng Pentecostes nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad ni Jesus. Ang ulat ay kababasahan: “Sa Jerusalem nga ay may tumatahang mga Judio, mga lalaking mapagpitagan, mula sa bawat bansa na nasa silong ng langit.” (Gawa 2:5) Sila’y nagtungo sa Jerusalem upang sumamba ayon sa kaugalian ng mga Judio, subalit nang marinig nila ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, marami ang sumampalataya sa kaniya at nabautismuhan.
14, 15. (a) Paanong mas marami pang espirituwal na “mga kapatid” nila ang tinipon ng pinahirang mga Kristiyano matapos ang Digmaang Pandaigdig I, at paano dinala ang mga ito kay Jehova bilang “kaloob na nasa malinis na sisidlan”? (b) Sa anong paraan ‘kumuha [si Jehova] ng ilan para sa mga saserdote’? (c) Sino ang ilang pinahirang Kristiyano na nakibahagi sa pagtitipon sa kanilang espirituwal na mga kapatid? (Tingnan ang kahon sa pahinang ito.)
14 May makabagong-panahong katuparan ba ang hulang ito? Oo, mayroon nga. Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I, napag-unawa ng pinahirang mga lingkod ni Jehova mula sa Kasulatan na naitatag na ang Kaharian ng Diyos sa langit noong 1914. Dahil sa maingat na pag-aaral ng Bibliya, natutuhan nila na higit pang mga tagapagmana ng Kaharian, o “mga kapatid,” ang titipunin. Ang walang-takot na mga ministro ay naglakbay sa “pinakamalayong bahagi ng lupa,” na ginagamit ang lahat ng uri ng transportasyon, sa paghahanap ng mga posibleng maging miyembro ng pinahirang nalabi, na karamihan sa kanila’y galing sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Nang masumpungan ang mga ito, sila’y dinala bilang kaloob kay Jehova.—Gawa 1:8.
15 Hindi inaasahan ng mga pinahiran na natipon noong unang mga taon na tatanggapin sila ni Jehova sa kanilang dating kalagayan bago nakaalam ng katotohanan sa Bibliya. Sila’y gumawa ng mga hakbang upang linisin ang kanilang sarili mula sa espirituwal at moral na karumihan upang sila’y maiharap bilang “kaloob na nasa malinis na sisidlan,” o gaya ng sinabi ni apostol Pablo, “isang malinis na birhen sa Kristo.” (2 Corinto 11:2) Bukod pa sa pagtatakwil sa maling doktrina, kinailangang matutuhan ng mga pinahiran kung paano mananatiling ganap na neutral sa makapulitikang mga gawain ng sanlibutang ito. Noong 1931, nang nasa isang tamang antas na ang kalinisan ng kaniyang mga lingkod, buong kagandahang-loob na iginawad ni Jehova sa kanila ang pribilehiyo na dalhin ang kaniyang pangalan bilang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Ngunit, sa anong paraan ‘kumuha [si Jehova] ng ilan para sa mga saserdote’? Bilang isang grupo, ang mga pinahirang ito ay naging bahagi ng “isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa,” na naghahandog ng mga hain ng papuri sa Diyos.—1 Pedro 2:9; Isaias 54:1; Hebreo 13:15.
-
-
Isang Liwanag Para sa mga BansaHula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
-
-
[Kahon sa pahina 409]
Pinahirang mga Kaloob Para kay Jehova Mula sa Lahat ng Bansa
Noong 1920, umalis si Juan Muñiz sa Estados Unidos patungong Espanya at pagkatapos ay nagtungo sa Argentina, kung saan nag-organisa siya ng mga kongregasyon ng mga pinahiran. Mula noong 1923, sumikat ang liwanag ng katotohanan sa mga tapat-puso sa Kanlurang Aprika nang pasimulan ng misyonerong si William R. Brown (madalas na tawaging Bible Brown) ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa mga lugar na gaya ng Sierra Leone, Ghana, Liberia, The Gambia, at Nigeria. Nang taon ding iyon, ang taga-Canada na si George Young ay nagtungo sa Brazil at pagkatapos ay naglakbay patungong Argentina, Costa Rica, Panama, Venezuela, at maging sa Unyong Sobyet. Halos nang panahon ding iyon, naglayag si Edwin Skinner mula sa Inglatera patungong India, kung saan nagpagal siya sa loob ng maraming taon sa gawaing pag-aani.
-